Saturday, May 24, 2008
KAMPANYA KONTRA SA MGA REBELDE, TAGUMPAY -B/GEN. SEGOVIA
San Pablo City — Itinuturing ni outgoing 202nd Infantry (Unifier) Brigade Commander B/Gen. Jorge V. Segovia na tagumpay ang kampanya ng AFP partikular ang 202nd Brigade sa laban nito kontra terorismo sa nasasakupan nila dito sa Calabarzon hindi lang dahil sa mga military operations kundi sa pakikiisa ng mga mamamayan sa kanilang mga programa.
Malaki ang pasasalamat ni Gen. Segovia sa mga mamamayan ng lunsod ng San Pablo at sa iba pang bayan sa CALABARZON sa pagpapakita ng suporta at pakikiisa sa mga programang inilatag ng 202nd Brigade. Ayon sa kanya, ang non-traditional approach ng AFP tulad ng mga medical-dental mission, environmental projects at road and housing projects ay pagpapatunay lamang na ang Hukbong Sandatahan ng Pilipinas ay hindi lamang pakikipaglaban sa mga rebelde o paghawak ng armas ang kayang gawin kundi ang pag-agapay din sa mga gawing sibiko. “We’re not in the business of counting bodies nor counting the firearms we seized but helping people towards peace and development,” pahayag ni Segovia.
Ang tagumpay ng tropa ni Gen. Segovia sa CALABARZON laban sa mga prominenteng “guerrilla fronts” ng New People’s Army tulad sa lalawigan ng Quezon partikular ang pagkakakubkob nila sa isang malaking kampo ng mga rebelde sa Brgy. Umiray, Gen. Nakar, Quezon kamakailan ay dahil sa misyon nila na tapusin ang armadong pakikibaka laban sa pamahalaan. Ang ganitong mga operasyon ayon kay Gen. Segovia ay lubos na ikinagalak ng mga residente dahil nawala ang takot sa kanilang pamumuhay. “Dahil sa positibong pagtanggap ng mga residente tulad ng nabanggit, napatunayan ng AFP na tama ang ginagawa nilang operasyon laban sa mga rebelde,” dagdag pa ng heneral.
Isa pang malaking bagay na itinuturing ni Segovia na susi sa kanilang tagumpay ay ang pambihirang pagtutulungan ng Simbahan at nga Kasundaluhan sa iba’t-ibang Gawain upang maihatid ang mga programa ng pamahalaan. Partikular na tinukoy ng heneral ang aktibong pakikiisa ng Social Action Center ng Diocese of San Pablo sa pangunguna ni Fr. Rene Iriga. Gayundin ang pakikiisa ng iba pang religious groups tulad ng United Pastors Council sa Lunsod ng San Pablo at maging civic clubs at NGOs at local government units. “Ang tagumpay ng 202nd Brigade ay dahil sa mga mamamayan at ang nakinabang dito ay ang sambayanan,” pagtatapos ni Gen. Segovia.
Nanungkulan ng isang taon at siyam na buwan si B/Gen. Segovia (PMA Class ’81) bilang Brigade Commander at ngayong ay magsisimula siya bilang Assistant for Operations sa General Headquarters ng AFP. Si Col. Tristan M. Kison ang naging kapalit ni Segovia at siya na ngayong mamumuno sa 202 Infantry Brigade. Ang pagtatapos ng tour of duty ni Segovia ay bunsod na rin ng promosyon niya mula Colonel patungong Brigadier General. (ACarandang)
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment