Thursday, October 29, 2009

IVY FOR THE PEOPLE

Naging kapansin-pansin sa libo-libong kataong dumalo sa ginanap na soft blessing ng bagong tayong San Pablo City General Hospital (SPCGH) noong umaga ng Oktubre 26, 2009, na hindi lantad na nagpakita si 3rd District Of Laguna Rep. Ivy Arago manapa’y nanatili lamang sa tabi ng mga ordinaryong mamamayang dumalo sa nasabing okasyon. “Likas kay Ivy ang manatiling tahimik at mapagkumbaba kahit na laksa-laksang proyekto at pagtulong sa mga kababayan ang kanyang naisasakatuparan” pahayag ng mga nakasaksi. “Si Congresswoman Arago sa kabatiran ng lahat ay kabalikat at katuwang ko sa pagtataguyod ng Ospital ng Lunsod ng San Pablo at ng marami pang mga proyekto at programa ng ating mahal na lunsod. Hindi lang dito nagtatapos ang kanyang mga itutulong sa halip ay sa darating na mga araw ay inyong masasaksihan ang gagawin karagdagang pag-alalay ng Tanggapan ni Ivy sa ospital na ito at sa iba nating mga proyekto at programa” dagdag naman ni Mayor Vicente B. Amante. Kuha ang larawan matapos ang isinagawang soft blessing ng naturang SPCGH. (Sandy Belarmino)

MAHIGIT 3,000 KATAO DUMALO SA SOFT BLESSING NG SPCGH

San Pablo City - Lubos na suporta ang ipinakita ng iba’t-ibang mamamayan ng Lunsod ng San Pablo sa isinagawang “soft blessing” ng isa na namang legacy ni Mayor Vicente Amante, ang San Pablo City General Hospital sa Brgy. San Jose “Malamig” nuong Oktubre 26, 2009, isang araw bago ang kaarawan ng punonglunsod.

Mahigit sa 3,000 ang dumalo at nakiisa sa pagbabasbas ng nasabing hospital na pinangunahan ni Msgr. Mel Barcenas, Mayor Vic Amante, First Lady Nercy Amante, City Admin. Loreto Amante, at iba pang mga panauhin. Kasama rin ang buong puwersa ng Pamahalaang Lunsod na pinamunuan ng lahat ng department heads at kawani. Nakiisa rin ang Sangguniang Panlunsod.

Dumalo rin ang iba’t-ibang samahan, grupo, at mga tanggapan ng lokal at nasyonal na ahensya ng pamahalaan. Nakiisa rito ang mahigit na 60 barangay chairman kasama ang lahat ng kanilang brgy. officials, lahat ng guro at mag-aaral ng DLSP, mga guro ng DepEd at may 500 senior citizens.

Dito na rin isinagawa Pagtataas ng Watawat ng pamahalaang at isang maikling programa kung saan nagkaroon ng mga natatanging bilang handog na rin sa kaarawaan ng punonlunsod. Isang tula ang inihandog na may titulong “Nobody, Nobody But You”. At isang talumpati naman ang binigkas ni Bb. Via Mare Torres ng DLSP na may titulong “Kalusugan at Karunungan Ugat ng Kaunlaran” na likha ni Gng. Milagros Alimane, isang guro ng DLSP. Naghandog rin ang mga senior citizens ng isang pinoy folk songs medley samantalang ang drum & lyre band ng Central School ay tumugtog rin ng ilang natatanging bilang.

Sa maikling mensahe ni Dr. Job Brion, City Health Officer, ang SPC Gen. Hospital ay ang tunay na kaganapan sa pangarap ni Mayor Amante na makapagbigay ng mataas na kalidad ng serbisyong medikal. Dagdag pa niya na hindi ito makikipagtunggali sa iba pang hospital sa lunsod, manapa’y ito ay karagdagang serbisyo sa pangkalahatang medical service program ng pamahalaang lunsod.

Lubos naman ang paghanga at pasasalamat ng panauhing tagapagsalita na si G. Jose Reano may-ari ng kumpanyang BroadChem Bio Pharma at isa ng “adopted son” ng lunsod kay Mayor Amante sa pagsasakatuparan ng isang pangarap na magkaroon ng sariling hospital ang mga mamamayan ng Lunsod ng San Pablo. Matagal ng natulong si G. Reano sa lunsod kung saan simula pa nuong 2005 ay mayroon na siyang 15 scholars sa DLSP na may libreng tuiton fees at monthly allowance. Ayon kay G. Reano na patuloy pa rin ang kanyang pagtulong sa punonglunsod partikular na sa bagong hospital, lalo’t higit na mas makakatulong ito sa mga mahihirap nating kababayan.

Una namang pinasalamatan ni Mayor Amante ang Panginoon sa konkretong resulta ng kanyang pangarap na magkaroon ng sariling hospital ang lahat ng mamamayan ng lunsod. Isa isang pinasalamatan ng punonglunsod ang lahat ng tumulong, mga nagbigay ng iba’t-ibang medical equipment at mga nagbahagi ng kanilang expertise sa pagbubuo ng nasabing pagamutan.

Pinasalamatan niya ang kanyang bunsong anak , si City Admin. Amben Amante na siya munang namuno at gumanap ng iba niyang mga naiwang gawain sa pagtataguyod ng pamahalaang lunsod habang isinasagawa niya ang personal supervision sa simula pa ng konsepto hanggang matapos ang pagpapatayo ng general hospital. Lubos din ang kanyang papuri sa kanyang maybahay at buong pamilya sa kanilang ibinigay na pang-unawa at pagtulong rin sa kanyang paglilingkuran.

Sa lahat ng dumalo at nakiisa ay isa ring taos-pusong pasasalamat ang kanyang ipinaabot, sa buong Sangguniang Panlunsod, kina Congresswoman Ivy Arago, kay Dr. Job Brion, sa kanyang mga medical consultants at sa iba pang sumuporta sa kanyang mga pangarap.

Binigyang diin naman ni Brgy. Chairman Arnel Ticzon at Auditor ng Liga ng Barangay, ang lubos na suporta ng Liga sa Administrasyong Amante. At sa kanilang pagtulong at pakikiisa sa patuloy na pagbibigay ng serbisyo ng punonglunsod lalo’t higit sa pagpapaunlad ng serbisyong medikal ng lunsod. (CIO-SPC)

MOBILE PASSPORT SERVICE NI AMANTE, TAGUMPAY

San Pablo City - May 347 katao ang nabigyan ng passport sa isinagawang Mobile Passport Service nuong Oktubre 24, 2009 sa One Stop Processing Center na isinagawang muli ng City Mayor’s Office sa pakikipagtulungan ng Dept. of Foreign Affairs Manila at Lucena.

Regular na isinasagawa ni Mayor Vicente Amante ang mobile passporting upang huwag ng mahirapan at magastusan ng malaki ang mga taga-lunsod at mga karatig bayan para sa pagkuha ng passport.

Namuno sa pag-iissue ng passport ang mga kawani ng DFA MDC-Mla Photo Section na sina Donald Moreno, Melbert Gabuan at Fred Fernand. Mula naman DFA RCO Lucena sina Admin. Offcr. Raul Villanueva, Records Offcr. Ceres Jaca, Cashier Hazel Pena, Encoder Dee Jay Maog at Processors Herman Ric Vilegano at Lourdes Marie Reyes.

Nakiisa at tumulong rin sa matagumpay na passporting ang iba pang tanggapan ng pamahalaang lunsod tulad ng City Legal Office para sa mga legal assistance. Nakiisa rin ang City Civil Registrar para naman sa mga problema o pangangailangan sa iba’t-ibang civil registry documents na kailangan sa pagkuha ng passport. Tumulong naman sa pagpapatupad ng maayos na sistema ng issuance ng passport ang SPC Police Station. (CIO-SPC)

DATING MAYOR CORALES, MAGBABALIK

Nagcarlan, Laguna - Ang panunumbalik ng kaunlaran, pagpapatibay ng makataong paglilingkod at pagsusulong ng transparency and accountability ang pangunahing hangarin ni dating Mayor Rosendo R. Corales sa kanyang muling pagtakbo bilang alkalde ng bayang ito.

Magugunitang si Corales ay nakapag-silbi ng tatlong magkakasunod na termino bilang punong bayan mula 1998 hanggang 2007 kung saan natamo ng lugar ang ibayong kaunlaran. Mula sa taunang kitang P27-milyon ng munisipyo ay napaunlad niya ito sa P63-milyon kada taon sa pagtatapos ng kanyang termino.

Partikular na binigyang pansin ni Corales ang pagpapagawa ng mga farm-to-market road na lubhang kailangan ng isang lugar na agrikultura ang ikinabubuhay ng maraming mamamayan.

Naipagawa rin ng dating alkalde ang water system ng bayan na sa ngayo’y dumadaloy na sa 52 barangay, pinaunlad ang komunikasyon, nagsulong ng livelihood projects at higit na pinagtuunan ang kahalagahan ng edukasyon sa pagpapagawa ng mga gusaling pampaaralan sa mga barangay.

May mga proyekto ayon kay Mayor Corales na hindi siya natapos at ito aniya ang kanyang ipagpapatuloy sakaling muling maluklok sa tungkulin. Kabilang dito ang pagkakaroon ng nursery para sa mga magsasaka kung saan magsasaliksik ng mga high value crops, pagtatayo ng feed mills at pagsisikapang magkaroon ng low cost housing sa bayang ito.

Lahat ng ito ay kayang gawin ayon pa kay Mayor Corales sa pamamagitan ng cost cutting o iyong tamang paggamit ng salapi mula sa kabang yaman, pro-people sa pamamahala at pangangasiwang walang bahid ng graft and corruption. (NANI CORTEZ)

SPCGH. BUNGA NG DETERMINASYON NI AMANTE

Nagtagumpay ang mga kritiko ni Mayor Vicente B. Amante na huwag mabuksan ang ipinagawang San Pablo City Emergency Hospital isang dekada na ang nakararaan sa tulong ng mga nalalabuang homeowners at alalay ng mga walang sibling pulitiko na ang mga nasa sa isip ay sariling kapakanan.

Gaano man kadeterminado ang alkalde na tulungan ang nasasakupan sa kanilang pang-kalusugang pangangailangan ay sumunod siya sa ipinag-utos ng batas na huwag buksan ang nasabing emergency hospital at ginawa na lang itong tanggapan ng Woman Center.

Subalit taimtim ang kanyang pananalig, na pinalakas ng paniniwala at determinasyon na ang panahon ay ngayon na, hindi bukas o sa mga panahong darating pa upang magtayo ang lokal na pamahalaan ng sariling pagamutan na kakalinga sa kanyang mga mamamayan.

Sa kung gaano kahaba ang panahong lumipas upang manatili ang determinasyon ni Mayor Amante na maitayo ang state of the art na San Pablo City General Hospital (SPCGH) ay ganoon din ang dami ng pinagdaanang balakid upang ito’y maisakatuparan.. salamat at hindi siya sumuko upang ito’y ipaglaban.

Noong Lunes, Oktubre 26, ay tuluyang napasinayaan ang SPCGH na badya ng inisyal na tagumpay ng mga San Pableño. Sinaksihan ito ng mga kawani ng City Hall na kinusang dito ginanap ang flag raising ceremony, mga barangay officials at ibang kagawad ng Sangguniang Panlunsod (SP) na marahil ay upang tingnan ang kanilang kakulangan.

Ngunit walang dapat ikabahala sapagkat hindi man lubusan ang naging pakikiisa nina Vice-Mayor at ilang kagawad ng SP ay buhay naman ang determinasyon ni Alkalde Vic Amante na isulong ang ikabubuti ng taumbayan. Katunayan ay wala siya kapaguran sa patuloy na pakikipaglaban para sa ating kapakanan at ni hindi kababakasan ng pagsuko.

Ang isang bagay na dapat nating isaalang-alang ay ang SPCGH ay atin, na pag-aari ng bawat isang San Pableño at si Mayor Vic Amante ay kinasangkapan lamang ng Panginoong Diyos upang ito’y maisakatuparan. Pagaanin natin ang kanyang gawain sa ikapagtatagumpay ng SPCGH. Hikayatin nating ang Sangguniang Panlunsod na lubusang makiisa at punuan na ang kakulangan upang ito’y maging ganap. (SANDY BELARMINO)

Wednesday, October 28, 2009

WALANG PERSONALAN TRABAHO LAMANG

Hindi naging sagabal kay Cong. Ivy Arago ang buhos ng malakas na ulan sa pagtupad ng tungkulin para sa serbisyo sa kanyang nasasakupan sa 3rd District ng Laguna.

Sa panahon ng tag-ulan kung saan iba’t-ibang sakit ang naglalabasan pangkaraniwan na ang sipon, ubo, lagnat, sakit sa balat, sa baga at iba pa.

Alam ng butihing mambabatas na kailangan ng mga tao ang kanyang tulong sa pamamagitan ng kanyang medical and dental mission upang tuwiran niyang matulungan ang mga nangangailangan.

Kamakailan ay muling ginanap ang medical and dental mission ni Cong. Ivy Arago sa compound ng Parokya ng Del Remedio ADB Subd., at sa San Pablo City One Stop Shop Processing Building.

Humigit kumulang sa 20 doktor at dentista ang naglingkod at nakinabang ang maraming mamamayan ng Lunsod ng San Pablo, na tumanggap ng mga libreng gamut, bunot ng ngipin at libreng konsultasyon.

Makaraan ng ilang ulit na bagyo na sumalanta ng maraming pananim at puminsala ng mga ari-arian at kumitil ng maraming buhay hindi nag-aksaya ng panahon ang kongresista at agat itong nagdala ng tulong sa mga nangangailangan sa kanyang nasasakupan.

Ilang beses na namahagi ng relief goods sa mga nasalanta ng baha sa Victoria, Laguna, hindi nagpabaya si Congresswoman Arago na personal na pangasiwaan ang pagsasaayos at pag-aabot nito sa higit na nakararaming nangangailangan.

Hindi alintana ang hirap at pagod ng mambabatas sa pagtulong sa mga kawawamg biktima ng bagyo sapagkat ito ay bahagi ng kanyang tungkuling sa kanyang nasasakupan sa oras ng pangangailangan.

Sa araw ng Linggo, People’s Day ni Rep. Arago sa Sitio Balok, Brgy. San Ignacio sa nasabing lunsod ay napakadaming tao ang dumadating at ito ay kindi kayang harapin lahat ni Cong. Ivy kung kaya ang kanyang butihing mga magulang na si Mam Eva at Atty. Hizon Arago ang humaharap sa mga tao na humihingi ng tulong.

“Ang pondo ng distrito ay ibinabalik ko rin sa mga tao” ito ang pahayag ni Arago, makaraan ipagkaloob niya sa mga Barangay ng pitong bayan na nasasakupan ng Laguna 3rd District ang 18 multi-cab at 2 garbage compactor.

Ang 7 bayan sa 3rd District ng Laguna na kinabibilangan ng Lunsod ng San Pablo, Alaminos, Calauan, Victoria, Rizal, Nagcarlan at Liliw.

Ang mga bayan ito ay nabiyayaan ng pagpapagawa ng mga gawain tulad ng mga sumusunod: Const.-Repair of Farm to Market Road, Completion of Foot Bridge, Const. of Multi-Purpose Building, Const. Rehab of Pathway, Const. of Water Reservoir, Improvement of Farm to Market Road, Repair/Rehab of School Building Project, ang lahat ng ito ay ginastusan ng milyon-milyon.

Ayon kay Congresswiman Arago ay wala siyang panahon sa mga naninira sa kanya at abala siya sa pagpapaganda ng bayan nasasakupan ng Laguna 3rd District. (EDDIE TICZON)

HUSTISYA IPATUTUPAD NG ERAP-BINAY TANDEM

Kumpleto na ang mukha ng May 2010 elections kung ang mga pangunahing kalahok ang pag-uusapan sa pagkakadeklara nina dating Pangulo Joseph “Erap” Ejercito Estrada at Makati City Masyor Jejomar Binay bilang pambato ng genuine opposition sa pagka-pangulo at pagka-pangalawang pangulo ng bansa.

Sa makasaysayang seremonyang ginanap sa Tondo, Manila, ay inihayag na ng Erap-Binay tandem ang kanilang kahandaan sa pagtakbo sa nasabing posisyon na ikinatuwa ng libo-libong mga sumaksi dahil ayon sa kanila ay katuparan na ito ng kanilang inaasam na magkaroon ng sariling kandidato ang tunay na oposisyon.

Iba’t-ibang kulay at uri nga naman ang klase ng oposisyon sa bansa. May malasado, may maputla at alanganin, at may hindi mo mawari ang ipinaglalaban na ang paninindigan ay nakadepende sa pansariling interes kaya’t nakalagay sa abang katayuan ang taumbayan.

Ang tambalang ERAP-BINAY anila ang malaon na nilang hinihintay sapagkat kaakibat nito ang walang alinlangang pagpapatupad ng hustisya na waring naipagkait ng kasalukuyang administrasyon sa pagtangging malitis o maimbistigahan man lamang, maging sa korte o kahit sa kapulungan ng senado at kongreso.

Wala silang alinlangan sa tambalang ERAP-BINAY dahil subok na nila ang mga ito sa paninindigan at pakikipaglaban. Humantong pa nga ito sa pagkakakulong ni Erap sa loob ng anim na taon sa kasalanang sa wari ay likhang isip lamang, na ang tanging layunin ay mapigilang makabalik ito sa upuang inagaw sa kanya.

Kilala rin si Mayor Binay sa kanyang determinasyong ipaglaban ang tama, mangahulugan mang manganib ang kanyang buhay at panunungkulan. Kasama lagi si Binay sa pagbubunyag ng katiwalian sa gobyerno, hindi natatakot katunayan ay ipinagtanggol ang kanyang sarili sa mga nanggigipit sa katwirang kung magagawa ito sa alkalde ng pangunahing lunsod ng bansa ay mas lalong kakayanin sa mga karaniwang mga mamamayan.

Sa halip na magpasindak, ay binigyan pa ni Mayor Binay ng tahanan ang mga nagnanais magpahayag ng kanilang damdamin upang makapaglantad ng mga kabulukang nangyayari sa loob ng pamahalaan, dangan nga lamang at naging bingi ang mga nasa kapangyarihan.

Salig sa karanasan at kakayanan nina Pres. Erap at Mayor Binay ay nakasisigurong madidinig na ang sigaw at tuluyang malulunasan ang injustice na malaon nang idinadaing ng bayan.(nani cortez)