Tuesday, July 6, 2010

CONG IVY ARAGO, NANUMPA KAY JUSTICE BRION

Nag-oath of office si Laguna 3rd District Congresswoman Maria Evita R. Arago sa harap ni Supreme Court Associate Justice Arturo D. Brion nang nakaraang Martes para sa kanyang ikalawang termino bilang mambabatas.

Ang panunumpa ni Arago sa tungkulin ay sinaksihan ng kanyang mga magulang na sina Atty. Hizon at Mrs. Eva Arago, kapatid na sina Andrew at Irish. at kanyang mister na si Henry.

Si Cong. Arago ay mananatili pansamantala sa kanyang tanggapan sa kongreso upang asikasuhin ang mga panukalang batas na kanyang ihahain kaugnay sa pagbubukas ng sensyon sa Hulyo a-bente sais.

Isa sa pinaka-maraming panukalang batas na naisumite ni Arago sa kongreso kung saan sampu sa mga ito ang ganap nang batas, at kasalukuyan niyang pinag-aaralan ang pagre-refile ng mga makabuluhang proposed bills na hindi nakasama sa order of business ng kapulungan.

Bilang opisyal ng Liberal Party (LP) ay abala rin ang mambabatas sa adhikain ng partido at pagtulong sa kandidatura ni Cong. Sonny Belmonte bilang speaker ng House of Representative.

Ayon sa mambabatas ay almost in the bag na ang speakership sa kanilang partido (LP), na mangangahulugang ibayo pang tulong at alalay ang maihahatid ng kanyang tanggapan sa distrito kung saan lumamang din ng malaki si President Benigno “Noynoy” Aquino nang nakaraang halalan laban sa pinakamalapit na katunggali.

Kapwa orihinal na miyembro ng LP sina Pangulong Noynoy at Cong. Ivy. Isa ang pangulo sa tumayong ninong sa kasal ng kongresista at Henry Gapit nang nakaraang buwan ng Hunyo.

LIWANAG

Simpleng-simple ang isinagawang inaugural address ni P’noy na ipinarating sa sambayanang Pilipino sa opisyal niyang pagsisimula bilang pangulo ng bansa.

Dito masasalamin ng bawat isang Pilipino ang laman ng kaisipan ni P’Noy na nagtataglay ng marubdob na hangaring wakasan na ang mahabang panahong ipinagtiis ni Juan de la Cruz sa kamay ng isang gobyernong naging makasarili.

Malinaw na naipabatid ni P’Noy na alam niya’t nasasaksihan ang bawat pangyayaring nagbubulid sa bayan sa bangin ng kasiphayuan na gawa ng isang lider na bingi sa mga daing ng taumbayang sumisigaw at nagsusumamo ng kalinga.

Walang naligtas sa masamang karanasang ito sapagkat katulad ng mga karaniwang Pilipino ay dinanas din ni P’Noy ang lahat, kung kaya’t matibay ang tiwalang namamayani sa bawat isa na tanaw na ang ilaw ng pagbabago.

Subalit hindi kaya ni Pnoy ang mga gawain ng nag-iisa at sa pagkakataong ito higit niyang kailangan ang sambayanan sa gagawing paglalakbay upang mapag-alab pa ang liwanag sa landasin.

Huwag tayong sumuko nang tuluyan nating makamit ang tunay na kaunlaran sa pamamagitan ni P’Noy.(TRIBUNE POST)

SP NI PABLOY

Opisyal nang nagsimula ang pang-anim at huling termino ni Mayor Vicente B. Amante sa bisa ng kanyang reeleksyon nang nakaraang halalan at inaasahang ibayo pang kaunlaran ang kanyang maihahatid sa Lunsod ng San Pablo sa susunod pang tatlong taon.

Napatunayan naman ang husay ni Mayor Amante sa ngalan ng pamamahala lalo na sa ikabubuti ng kanyang nasasakupan, na ang isang halimbawa dito ay ang ginawang panggigipit sa kanya ng mga kalaban sa pulitika, kung saan ang lahat ng kanyang mga proyektong isinusulong ay pilit hinaharang.

Sa dalawang taong nakalipas ay nagtagumpay ang kanyang mga kaibayo na huwag ipasa sa Sangguniang Panlunsod (SP) sa tamang panahon ang taunang budget, subalit hindi nagpatinag ang punong lunsod at sa halip ay ipinagpatuloy ang mga balaking kinakailangan ng mga kababayan.

Kahit sa huling sandali ay naging maigting ang pagkontra ng kanyang mga kalaban sa pulitika sa pagbubukas ng bagong gawang San Pablo City General Hospital (SPCGH), na sa halip ayudahan ng konseho ang alkalde ay pinapanghina ang loob upang huwag muna itong mabuksan.

Subalit lubhang kinakailangan nang maglingkod ang SPCGH sanhi na rin ng kakulangan ng pagamutang matatakbuhan ng mga pasyenteng indigent. Wala ng panahon upang maghintay pa sapagkat kumakatok na sa tanggapan ng alkalde ang mga mahihirap na pasyente na dumadaing sa dagdag pahirap ng mga pribadong pagamutan..

Salamat na lamang at kahit may nagawang pagkukulang ang Sangguniang Panlunsod ay hindi tumigil si Mayor Amante sa pagharap ng kaparaanan upang tuluyan nang makapaglingkod ang SPCGH bilang pagamutan ng lunsod, na kahit hindi tumugon ang SP ay maagap ang naging pagsaklolo ng mga kaibigang senador ni Mayor Amante.

Ngayon kahit paano ay bukas na ang SPCGH at naglilingkod na sa mga San Pableño. Kapuna-punang sa pagbubukas ng SPCGH gamit ang mga limos na budget ay kasabay namang nawala at hindi na ibinalik sa panunungkulan ang mga mahigpit na kumontra dito.

Inaasahang sa bagong komposisyon ng SP ay hindi na daranasin ng lunsod ang pagkakaroon ng reenacted budget at ibayong paglilingkod ang maihahatid kay Pabloy. (sandy belarmino)

PANATA NG PAGBABAGO

Paninilbihan ang pangunahing layunin ng Aquino Administration sa pagkakaluklok sa panunungkulan at hindi ang paghahari katulad ng naunang administrasyon na ikinadismaya ng taumbayan.

Ito ang mensaheng ipinaabot ni President Noynoy Aquino makaraang isalin sa kanya ang kapangyarihan bilang bagong pangulo ng Republika ng Pilipinas sa seremonyang dinaluhan ng humigit kumulang na 500,000 katao na pawang kinababanaagan ng sigla sanhi sa muling pagsilang ng pag-asa.

Bakit nga ba hindi ay sa talumpating binigkas ni P’Noy na lamang ang katapatan kaysa sa retorika ay nagbigay ito ng kasigaruhan sa taumbayan na tutugunan na ang malaon nang hinaing ng lahat sa hangaring magkaroon ng pagbabago.

Isang pagbabagong magbibigay ng kapanatagan at kapakinabangan sa higit na nakararaming mamamayan, na hindi maipatupad ng nakaraang administrasyon sapagkat nagpabihag sa maraming interes na sumasalungat dito, kung hindi man ay ang sektor din, na kanyang kinabibilangan.

Marami tayong dapat ipagpasalamat sa pagdating ni P’Noy sapagkat sa wakas ay may sumilang tayong lider na naninindigan para sa taumbayan at handang magsakripisyo alang-alang sa inilatag na pagbabago upang tayong lahat ay makaahon na sa pagtitiis.

Magiging daan din ito upang masagot ang mga malaon ng katanungang ikinukubli ng nagdaang administrasyon na madalas pang humahantong sa pagmamalabis makatiyak na walang sisingaw na impormasyon sapagkat batid nilang lubha itong ikagagalit ng taumbayan.

Sa pagdating ni P’Noy ay manangan tayong ito na ang simula upang mabigyang tuldok ang lahat nang sa ganoon ay mapawi na ang mga sagabal patungo sa tuluyan nating pag-unlad. Magtiwala tayo sa kanyang panata.

0-0-0-0-0-0-0-0-0-0-0

Minsan pang napatunayang hindi kailangan ang salapi upang matupad ang pangarap na makapaglingkod sa bayan, sa pagkakapagwagi ni Vice-Mayor Angie Yang ng San Pablo nang nakalipas na halalan.

Ang kailangan lang ay malinis ang hangarin ng isang kandidato tulad ni Vice-Mayor Angie na dahil salat sa budget ay kulang na kulang sa election parapharnelia sa panahon ng kampanya at may mga lugar pang hindi narating subalit sinuportahan pa rin ng mga San Pableño.

Unawa naman ng mga kababayan ang katayuan ni Vice-Mayor Angie na siyang ama’t-ina ng kanyang mga anak na pawang nag-aaral pa dahil isa nga siyang biyuda, kaya nga’t sa tuwi siyang nagpapasalamat ay lagi niyang nababanggit na wala man siyang material na maibigay sa mga kababayan bilang pasasalamat ay susuklian naman niya ito ng matapat at dalisay na paglilingkod.

Asahan daw natin ayon kay Vice Angie ang maagap na talakayan sa SP ng ating nakabinbing 20% Development Fund.(NANI CORTEZ)