Friday, November 28, 2008

ANG MENSAHE NG MGA PAROL

Sa temang How to Fight Aids ay inilunsad ng City Health Office (CHO) ang Christmas Lantern Contest sa layuning pasiglahin ang paglaban sa sakit na Acquired Immunity Deficiency Syndrome (AIDS) na nakasisigurong makatatawag pansin at makakakuha ng suporta mula sa publilko sa isinasagawang educational campaign ng CHO ukol ditto.

Binabati natin ang kabuuan ng City Health Office mula kay Dr. Job D. Brion hanggang sa kaliit-liitang field personnel nito sa ganitong makabuluhang pagsusulong, na lingid sa lahat ay nakapag-iwan ng mahalagang mensahe sa pitak na ito sapagkat ang ginamit na materyales sa bawat parol ay mga recycled na gamit na kung walang inobasyon ang isang nilalang ay itatapon na lamang sa basurahan.

Hindi na sinubukang alamin ng pitak na ito kung sino ang nanalo dahil sa aking isipan ay pawang nagwagi na ang lahat ng kalahok. Marahil ang unang dahilan ay ang paghanga sa pagkamalikhain ng bawat isa sa pagbuo ng parol na halos walang ginastos ngunit naipararating pa rin ang diwa ng kapaskuhan. Sa panahong ito ng mga pagsubok sa ating ekonomiya ay ito ang ating kailangang gawin.

Maaari na’y pwede pa pala tayong magdiwang ng Pasko sa likod ng mga simpleng bagay sa ating paligid. Walang binago kundi ang disiplinahin ang ating sarili sa pagtitipid upang makaangkop sa hinihingi ng panahon, ngunit pareho pa ring nandoon ang ispiritu ng kapaskuhan.

Ang mensahe ay hindi kinakailangan ang rangya upang matamo ang tunay na kasiyahan sapagkat kung paano nagpakumbaba si Hesukristo nang Siya’y isilang ay ito na ang tampok na rurok sa nais Niyang iparating. Na ang ibig sabihin ay hindi lang salapi ang susi upang ang tao ay lumigaya.

Hinatulan ng mga inampalan ang bawat parol sang-ayon sa ipinaabot na mensahe na pinakamalapit sa tema at ang mga nagwagi ay ang mga nagbigay ng malinaw na pamamaraan upang maiwasan ang AIDS, sa ilalim ng basehang tugma sa layunin ng kampanya. Bukod dito ay nararapat din sana silang kilalanin, kabilang na ang mga hindi nagwagi sapagkat nabigyang halaga nila ang mga bagay na wala nang katuturan at higit sa lahat ay binuksan nila ang ating isipan na huwag bigyan ng pagkakataon ang lungkot sa ating buhay. (SANDY BELARMINO)

Sunday, November 23, 2008

BEAUTIFICATION NG CITY PLAZA AT MOBILE SOUVENIR SHOP, PREMYONG NATANGGAP NG LUNSOD MULA SA ANILAG 2007

San Pablo City- Naging kapuna-puna sa lahat ng taga-lunsod ang pagpapaganda ng 10 islands sa kahabaan ng Rizal Avenue patungong City Plaza at pagkakaroon ng isang Mobile Souvenir Shop (multi-cab) ang Pamahalaang Lunsod.

Ang landscaping ng city plaza at pagkakaroon ng isang multi-cab bilang isang mobile souvenir shop ay mula sa P500,000.00 worth of projects na premyong natanggap ng lunsod mula sa Pamahalaang Panlalawigan ng Laguna sa pamumuno ni Gob. Teresita Lazaro.

Lubos na pasasalamat namang tinanggap ni Mayor Vicente Amante at City Administrator Loreto Amante ang mga nabanggit na proyekto bilang premyo ng lunsod sa pagiging 3rd place sa float competition nuong nakaraang Anilag 2007.

Ang landscaping ay isinagawa ng Forest Wood Garden na matatagpuan sa Brgy. San Francisco, lunsod na ito. Mahigit sa 7,000 halaman ang itinanim sa may 10 islands na binubuo ng Spada, White Angel, Blodedred, Golden Lily, Pandanus, at Pokien Tea Topiary. Makikita din dito ang 7 Handcarved Woods kung saan nakaukit ang pangalan ng 7 lawa ng lunsod.

Magsisilbi namang isang mobile souvenir shop ang multi-cab kung saan maaaring maglagay at magdisplay ng iba’t-ibang produkto ng lunsod, partikular ang mga coconut products. Ito ay upang makabili naman ng mga pasalubong at mga souvenir items ang mga local at foreign tourists na nabisita sa lunsod. Ang nasabing multi-cab ay under supervision ng City Tourism Office sa ilalim ng pamumuno ni Exec. Asst. at Tourism Officer-in-Charge Edwin Magcase. (CIO-SPC)

ALTERNATIBONG HANAPBUHAY NG LLDA SA LAGUNA

San Pablo City- Inilunsad ni Laguna Lake Development Authority (LLDA) General Manager Edgardo C. Manda ang alternatibong hanapbuhay para matugunan ang suliranin ng mga mangingisda sa pitong lawa ng lunsod na ito sa isinagawang konsultasyon ng nasabing tanggapan kahapon.

Naging bahagi sa naturang konsultasyon ang Tanggapan ni City Mayor Vicente B. Amante, Cenro, Tourism Council, Friends of Seven Lakes Foundation, OSAD, M2K, Farm-C, PNP, AFP at iba’t-iba pang NGO. Ang talakayan ay isinulong ni Arvin Carandang na isang mamamahayag at environmentalist.

Napag-alaman sa talakayan na ang bumababang kalidad ng tubig ang nagiging sanhi ng mahinang ani ng isda sa lawa at nagbuhat sa mga basura ng illegal settlers sa lugar. Dahil dito ay napagkasunduan na magkaroon ng 4 hanggang 5 metrong easement sa mga baybayin kung saan ipagbabawal na pagtayuan ng anumang istraktura.

Habang nilulutas ang suliranin ay sinang-ayunan ni City Administrator Loreto “Amben” Amante ang mungkahi ni Manda na Seven Lakes Diversity Program on Eco-Tourism.

Hinikayat din ni Manda sa mga apektado na samantalahin ang programa ng LLDA ukol sa pagtatanim ng kawayan sa bakanteng bahagi sa gilid ng lawa. Sa ilalim ng programa ay sasanayin ng nasabing ahensya ang mga mangingisda ng tatlong araw upang ituro ang teknolohiya sa pagpapatubo ng kawayan.

Inisa-isa pa ng LLDA general manager ang pakinabang sa kawayan na bukod, sa nakatutulong na sa watershed protection, eco-tourism ay mapagkukunan din ng pagkain at ornamental para karagdagang hanapbuhay.

Sa kasalukuyan ayon pa kay Manda ay hindi matugunan ng LLDA ang demand sa kawayan dahil sa kakulangan nito.

Kabilang sa mga nagsidalo sa pagpupulong sina COP Supt. Joel C.Pernito, Kon. Arsenio Escudero, City Assessor Celerino Barcenas, Atty. Lat, Bobby Chan, Nilo Tirones, dating RTC Judge Bienvenido Reyes, Lerma Prudente, Gene Orence ng 202 BDE, Donna Eseo, mga pangulo at miyembro ng Farm-C sa pitong lawa at iba pang stakeholder na umaasa’t nabubuhay sa biyaya ng lawa. (NANI CORTEZ/Pres. Seven Lakes Press Corps)