Friday, July 17, 2009

HAPPY 1ST BIRTHDAY GERARD!!!

Ang nasa larawan ay si GERARD F. PANGANIBAN na magdiriwang ng kanyang unang kaarawan ng kapanganakan sa isang linggo. Ang birthday celebrant na si Gerard II ay anak ng mag-asawang Gerard at Aimee Panganiban at apo nina Lolo Greg at Lola Heidi mula sa Pamilya Panganiban at Lolo Paul at Lola Mel mula sa Pamilya Feliciano. Bumabati rin ng isang “Happy Birthday” ang kanyang Tito Father Joshua Panganiban at titas Charie at Pinky. (SB-seven lakes press corps)

Thursday, July 16, 2009

CITY HOSPITAL, MABUBUKSAN NA

SAN PABLO CITY – Sa flag ceremony noong Lunes ng umaga, ay pinasalamatan ni Alkalde Vicente B. Amante ang Sangguniang Panglunsod dahil sa ginawa nitong pagpapatibay sa Proposed Annual Budget for Calendar Year 2009 noong nakaraang Biyernes ng umaga, Hulyo 3, 2009, na magbibigay-daan upang makapagtalaga na ng mga kinakailangang tauhan upang mabuksan ang San Pablo City General Hospital na ipinatayo ng pangasiwaang lokal sa Barangay San Jose (Malamig).

Sang-ayon sa alituntuning ipinatutupad ng Department of Health, kinakailangang magtalaga ng sapat na bilang ng manggagamot, narses, at iba pang kinakailangang tauhan na magdo-duty ng three sifting o tuloy-tuloy sa loob ng 24 oras.
Para mabuksan, kinakailangang magtatalaga ng hindi kukulangin sa 24 registered nurse, anim (6) na resident physician, tatlong medical technologist, at iba pang mga para medical professionals, na ang pagtatalaga nito ay nakatakda sa pinagtibay na proposed budget paliwanag ni Alkalde Amante.

Sapagka’t ang budget ay kinakailangang pagtibayin o repasuhin ng Sangguniang Panglalawigan, umaasa ang pununglunsod na ang ospital ay mabubuksan pagsapit pa ng 4th quarter ng taong kasalukuyan.

Samantala, sa kanyang talumpati, ay pinapurihan ni Alkalde Vicente B. Amante ang City Population and Nutrition Office na pinamamahalaan ni City Population Officer Victoriano Mercado dahilan sa gampanin nitong maipaunawa ang mga palatuntunang pangtao sa mga kanayunan, tulad ng pagsusulong ng mga makabuluihang nutrition program, at pakikipagtulungan sa City Health Office at City Social Welfare and Development Office sa pagpapatupad ng mga palatuntunang magtataas sa kalalagayan ng tao. (Ruben E. Taningco)

PAGLALAHAD NG KANDIDATURA, PARA SA MAY 10, 2010 NATIONAL AND LOCAL ELECTIONS

Pag-alinsunod sa tadhana ng Resolution No. 8646 na pinagtibay ng Commission on Elections noong nakaraang Martes, Hulyo 14, 2009, na nagtatakda ng Calendar of Activities kaugnay ng nalalapit na May 10, 2010 National and Local Elections, ang panahon para sa paglalahad ng kandidatura o Filing of Certificate of Candidacy para sa lahat ng mga magsisipaghangad ng tungkulin ay sa Nobyembre 20 - 30, 2009 o sa loob lamang ng 11 araw.

Ang campaign period para sa mga magsisipaghangad ng national positions, tulad ng pagka-Pangulo at pagka-Senador ay mula sa Pebrero 8 hanggang Mayo 8, 2010; samantala ang para sa local positions, tulad ng pagka-Gobernador, pagka-Kongresista, pagka-Bokal; pagka-Alkalde; at pagka-Konsehal, ay mula Marso 26 hanggang Mayo 8, 2010.

Sinasabi sa Resolution No. 8646 na ang Election Period, o panahon ng mga kabawalan, tulad pagbabawal na magdala ng lisensyadong baril na walang kapahintulutan mula sa Komisyon sa Halalan, at paglilipat ng mga kawani ng pamahalaan, ay mula sa Enero 10, 2010 hanggang Hunyo 9, 2010.

Samantala, sa isang kahiwalay na pahayag, nabanggit ni COMELEC Spokesman James Jimenez na ang huling araw para sa pagpapatala ng bagong botante, o paghiling na malipat sa ibang presintong bobotohan, o paghiling na mabago at maituwid ang mga impormasyon ukol sa isang botante sa kanyang Voter’s Registration Records ay sa Oktubre 31, 2009. Ito ay wala ng magiging palugit pa o extension. (Ruben E. Taningco)

Wednesday, July 15, 2009

TERORISMO, HINDI ISANG OPTION

Nagdulot ng malaking alalahanin sa taumbayan ang mga pagsabog na nagaganap sa iba’t-ibang bahagi ng bansa na kumikitil ng buhay sa mga inosenteng mamamayan bukod pa sa mga maraming malubhang nasusugatan sanhi ng mga nasabing insidente.

Ikinababahala ng bawat pinoy ang katampalasanang ito na hanggang sa ngayon ay hindi pa lubusang matukoy ng mga may kapangyarihan ang tunay na may kagagawan, subalit sino man sila ay anong interes ang kanilang ipinaglalaban at isa itong maka-terorismong gawain.

Wala itong puwang sa lipunang ating ginagalawan sapagkat sa bawat pagsabog na kanilang gawin ay maling mensahe ang kanilang naipapaabot na nasasagap ng taumbayan. Lumalayo ang damdaming bayan sa mga grupong ito na nagpapahina lalo sa kanilang naisin.

Sa labas ng AFP ay dalawa o tatlo lamang grupo ang may kakayanang magbuo ng bombang pampasabog at nagtataglay ng lakas ng loob upang tuluyan itong pasabugin sa ikapagtatagumpay ng kanilang layunin. NAKAPANGINGILABOT!

Naisasagawa nila ito nang walang pakundangan sa buhay ng kanilang kapwa sapagkat ang higit nilang pinahahalagahan ay ang halina ng kapangyarihan. Ito ang pinakamahalaga sa kanila makapalit man ang mga walang muwang na nangangabuwal.

Para sa kanila ay isa itong pamamaraan upang mapadali ang tagumpay, ngunit ano ang uri nito at ano ang kulay? Magkaganoon man ay hindi nila ito iniisip sapagkat ang trono ng kapangyarihan ang pangunahin nilang pinagtutuunan ng pansin bukod pa sa mataas na kilatis na tinataglay ng paligid ng korona.

Samakatuwid ay wala silang ipinag-iba sa ating mga tradisyunal na pulitiko na ang sandata ay gun, goons and gold upang manatili sa kapangyarihan, samakatuwid ay hindi sila isang option na mapagpipilian at samakatuwid ay hindi sila matibay na pader na maaaring sandalan ng sambayanan. (nani cortez)

ALAMAT NG POTAMS (TAMPO)

Kamakailan lang natuklasan ng mga dalubhasa ang paglitaw sa hanay ng mga katutubong tribo ang kakaibang grupo na hindi mo mawari kung ano ang pinagmulan.

Wala sila sa mga aklat ng karunungan sapagkat dagli ang kanilang paglitaw sa mundong ibabaw. Sila yaong ang mga katangian ay nakalilito na kadalasa’y hindi mo maintindihan, dahil ang kanilang lahi ay parang pinaghalo-halong kalamay, walang definite na kaanyuan ganoon din ang kustumbre lalo’t higit ay walang matibay na paninindigan.

Nananatiling palaisipan sa mga sociologist ang alamat ng potams (TAMPO) na hindi nila malaman kung saang bahagi nila sisimulan ang pag-aaral sapagkat ang kanilang lahi ay batbat ng hiwaga dahilan nga sa pgtataglay ng weird na kaisipan.

Ang tribo ng potams ay nasa ating paligid lamang, walang nakababatid kung kailan at saan lilitaw. Sila ay nalilikha sa pilit na pagsasawsaw ng maling katwiran sa programa ng isang lingkod bayan. Sila yaong ang taste buds kapag kasundo mo ay laging sweet sabihin mang ampalaya ang nasa hapag kainan, subalit nagiging bitter kapag hindi napagbigyan ang kagustuhan hayinan mo man ng leche plan.

Sa inisyal na pag-aaral ay napag-alamang ang potams ay nananalig sa prinsipyong “I”, “ME”, “MY”, always good ang tingin sa sarili, na wala nang mas huhusay pa sa kanila sa pagtatampok ng pansariling interes. Ito ay sapagkat sa tuwina, ang nais nila’y pansariling kapakanan.

Isa pang mapagkikilanlan sa tribo ng potams ay ang pang-angkop na paaring “ I want this, I want that”, “It’s me, it’s mine” at “All mine”. Ang kahapon para sa kanila ay lumipas na at ang bukas ay baka hindi na dumating pa sapagkat para sa mga potams ay ang kasalukuyan sa lahat ang pinakamahalaga.

Subsob noo pa ang mga dalubhasa sa pananaliksik upang mabatid ang totoong pinagmulan ng potams batay sa masalimuot na alamat. Nakatuon sila ngayon sa natuklasang tindig na potams na “Hind pwede ang pwede na at ang pwede na’y hindi pwede” sapagkat ito raw ang magbubukas sa hiwaga ng kanilang alamat. (SANDY BELARMINO)