Saturday, July 11, 2009

HAPPY BIRTHDAY PO, CONG. EGAY

Bagama’t bukas na aklat ang kanyang talambuhay sa Lalawigan ng Laguna bilang bunsong anak ng maalamat na naging Gobernador Felicing San Luis ay may mangilan-ngilan pa ring hindi nakababatid ng maraming katangiang taglay si Cong. Edgar “Kuya Egay” S. San Luis ng ika-4 na Distrito.

Una rito ay ang pagsisikap niyang makatindig sa sariling mga paa na humubog sa iba pa niyang katangian hanggang sa kasalukuyan. Hindi naman kaila sa lahat ang ginawa ni Kuya Egay na pagtakas sa karangyaan nang magpasyang maging self-supporting sa pag-aaral.

Namuhay siya ng payak bilang isang istudyante sa Maynila, nakihalubilo bilang ordinaryong mag-aaral, nagta-trabaho upang magamit sa pagtuklas ng karunungan ganoong may pangtustos naman ang kanyang pamilya. Dito ay higit pa sa karunungan ang kanyang natamo sapagkat kaalinsabay nito ay ang pagbuo ng matibay na pundasyon na ginawa niyang tungtungan.

Sa kabila ng katotohanang ang kanyang ama ay isa sa mga pinaka-maimpluwensyang opisyal ng bansa noong mga panahong iyon ay nagsimula si Kuya Egay bilang karaniwang kawani sa kompanyang kanyang pinagtrabahuhan. At hindi siya nagkamali, gamit ang sariling pundasyong kanyang pinagsikapan ay naabot niya ang rurok ng tagumpay.

Maihahanay na si Kuya Egay sa lipun ng mga self-made man ng bansa sa ngayon, nahubog sa tamang asal, pinanday ng karanasan at pinagtibay ng paninindigan. Saksi tayong lahat sa pagtayo niya nang nag-iisa sa bawat isyung bumabalot sa bansa na tingin niya’y wasto o tumpak, at naaayon sa matibay niyang paniniwala.

Marami na ang nasulat tungkol kay Kuya Egay at lahat ng mga katangiang ito ay kayo na ang magpapatunay subalit may isa pang sa pagdaan ng panahon ay mahalagang pagtuunan natin ng pansin.

Sobrang luwag ang labanan sa pagka-gobernador ng lalawigan sa 2010, at mayorya ng mga mapagmasid ang nagsasabing si Kuya Egay ang may pinaka-malaking tsansa kung sasamantalahin ang pagkakataon. Silver platter ika nga’y gobernador na siya kung kanyang nanaisin ngunit anumang amuki ng mga political leader ay ang isinasagot lang niya’y “Ipagpaubaya natin sa Diyos ang pagpapasya”. Na lalong nagpatibay sa paniniwala ng pitak na itong hindi oportunista si Kuya Egay.

HAPPY BIRTHDAY, SIR. (nani cortez)

Friday, July 10, 2009

ANGIE YANG, SIMBOLO NG PAGKAKAISA

Saksi sina Mayor Vicente B. Amante, City Administrator Loreto “Amben” Amante, dating City Administrator Atty. Hizon A, Arago, representing Congresswoman Ma. Evita Arago, mga opisyal ng PDSP at ilang kaanak ay nanumpa na bilang kahaliling konsehal ng napaslang na San Pablo City Councilor Danny Yang ang kanyang kabiyak na si Angie Yang noong Lunes kay Laguna Governor Teresita “Ningning” Lazaro.

Ang panunumpa ni Gng. Yang bilang lingkod bayan marahil ay na patotoo sa kanyang pangako na ipagpapatuloy ang naiwang gawain ng yumaong asawa, na sa kabila ng idinulot na dalamhati sa kanyang pamilya sanhi ng naganap na karahasan ay hindi matalikuran ang tungkuling iniwan ni D.Y..

Sa panunumpang ito ni Konsehala Angie ay dalawang katauhan ang dapat niyang bigyang pansin – ang pagtupad bilang single parent para sa kanyang mga anak at bilang ina sa kanyang mga constituents na kapwa may kabigatan lalo pa nga’t malaki ang inaasahan ng mga ito sa mga pangarap na iniwan ni D.Y..

Matatag na tinanggap ni Konsehala Angie ang habilin ng kabiyak para sa pantay na pagkalinga ng pamahalaan sa lahat, kung kaya’t nagpasiyang pangunahan ang pag-abot sa mga pangarap na ito at sa tulong ng mga naniniwala sa ipinaglalabang ito ni D.Y. ayon sa konsehala ay katiyakan para sa katuparan.

Walang gatol ang pag-ako ni Konsehala Angie sa mga tungkuling iniwan ni D.Y.. “Itutuloy ko po ang laban ni D.Y.”. subalit hindi niya kaya ito ng nag-iisa, kailangan niya ang pag-alalay ng lahat. Mas marami ang tutulong ay mas makagagaang sa gawain tungo sa mga adhikain ng yumaong konsehal.

Dapat nating tandaan na ang bawat banal na naisin ukol sa bayan ay maisasakatuparan lamang kung ang lahat ay magtutulong-tulong. Hindi dapat iasa kay Angie ang lahat sapagkat lubhang napakabigat ng gawain. Tulungan natin siya para sa kagyat at dagliang katuparan. Gawin natin si Angie na simbolo ng pagkakaisa. (SANDY BELARMINO)

TULOY ANG LABAN

Si Angie Yang (ika-apat mula sa kaliwa) habang nanunumpa sa katungkulan bilang konsehal ng Lunsod ng San Pablo. Si Angie ang magpapatuloy sa natitirang termino ng yumao niyang asawa na si Danilo “D.Y.” Yang. Si Gobernadora Teresita “Ningning” Lazaro ang namahala sa panunumpa ni Konsehala Angie samantalang nakamasid sina Atty. Hizon A. Arago, City Administrator Loreto “Amben” Amante, Laguna First Gentleman Angelito “Ito” Lazaro at San Pablo City Mayor Vicente B. Amante. (SANDY BELARMINO)

SAN PABLO, NAGWAGI SA DISTRICT JAIL OF THE YEAR AWARD


Kinilala ng pamunuan ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) ang mga natatanging performance ng iba’t-ibang unit sa ilalim ng kagawaran kaugnay sa pagdaraos ng kanilang ika-18 taon ng pagkakatatag na sinaksihan ni Executive Secretary Eduardo Ermita kamakailan.

Nakamit ng San Pablo District Jail sa ilalim ng pamumuno ni J/S Insp. Arvin Abastillas ang District Jail of the Year Award, at ng Dasmariñas Municipal Jail ang Municipal Jail of the Year Award, na kapwa nasa pangangasiwa ni BJMP Region 4A J/S Supt. Norvel Mingoa.

Samantala ay nagwagi rin sa iba pang kategorya ang mga sumusunod: BJMP Region VII – Region of the Year; Bohol Provincial Office, Provincial Office of the Year, Navotas City Jail BJMP NCR, City Jail of the Year at Cebu City Jail Female Dormitory BJMP RD-VII, Female Dormitory of the Year.

Sa individual award ay nagwagi rin si J/C Insp. Ma. Annie Espinosa bilang Municipal Jail Warden of the Year.

Ayon kay Jail Director Rosendo M. Dial ay nagwagi ang San Pablo District Jail dahil sa pagsisikap ni Abastillas na makaangkop sa makabagong pangangailangan ng piitan.

Mayroon aniya itong CCTV camera na nagmomonitor sa bawat galaw sa loob at bakuran ng bilangguan. Bukod dito ay mayroon din itong mga medical equiptment para sa kalusugan ng mga inmates at mga kagawad na sumusunod sa ipinatutupad na disiplina ng BJMP.

Si Sec. Ermita ang nag-gawad ng award sa mga nagwaging tanggapan ng BJMP sa buong bansa.(SANDY BELARMINO)


Tuesday, July 7, 2009

PITONG LAWA NAIS PANGASIWAAN NG MGA SAN PABLEÑO

San Pablo City - Isang samahan ang binubuo upang papag-isahin sa tanging layunin ang aspeto ng turismo, kalikasan at kabuhayan na may kinalaman sa pitong lawa ng lunsod na ito.

Batay sa paunang ulat ng magpulong-pulong ang lahat ng Non-Government Organization (NGO’s) sa pagtatayo ng matibay na konseho na ang ipaglalaban ay kapakanan ng mga San Pableño.

Sa ngayong ay maraming NGO dito na may mga magkakahiwalay na adbokasiya ukol sa mga lawa na bagama’t hindi pa lubusang nagkakaisa ay pawang naninindigang ang susi upang mapangalagaan ang mga ito ay mapabalik sa hurisdiksyon ng pamahalaang lunsod ang pitong lawa.

Panahon na anila na mabawi ng mga San Pableño ang pangangasiwa sa pitong lawa sapagkat higit kanino man ay batid ng mga ito kung ano ang tunay na pagmamalasakit.

Sa panayam kay City Adminstrator Loreto “Amben” Amante ay kanyang pinagtutuunan ng pansin ang House Bill 02662 ni Congresswoman Maria Evita Arago na magbabalik karapatan sa lunsod upang pagpasyahan kung anong ikabubuti ng mga lawa sakaling maihiwalay ito sa Laguna Lake Development Authority (LLDA).

Maingat na pinag-aaralan ng Committee on Local Government ang naturang bill ni Arago sapagkat ito ang kauna-unahang panukala sa kamara tungkol sa pagnanais ng pamahalaang lokal na makahiwalay sa LLDA, na posibleng lumikha ng precedent sa ibang lalawigan na may kaparehong kalagayan.

Samantala ay hinikayat ni Mayor Vicente B. Amante ang kanyang mga constituents na lumiham sa nasabing komitiba ng kongreso upang mapagtibay na ito sa committee level nang sa ganoon aniya ay mapadali ang pagsasabatas nito.

Sa isang banda, ay dalawang panukalang batas na ni Rep. Arago ang napagtibay na ng kongreso, ang Integrated Medical Organization Act of 2007 at Anti-Theft and Robbery of Portable Telecommunication Devices Act of 2008, ang kasalukuyang tinatalakay na sa Senado. (SANDY BELARMINO)

TULOY ANG LABAN NI D.Y.

Isang deklarasyon ang katumbas ng slogan at sinabi ni Angie Yang, biyuda ni BM Danny Yang, na TULOY ANG LABAN NI D.Y. na tila naman katanggap-tanggap sa maraming mamamayan ng San Pablo. Walang katiyakan kung ang ibig sabihin ng biyuda ay ipagpapatuloy ang ginagawang pagtulong ni D.Y. sa mga nangangailangan bilang isang pribadong mamamayan o bilang isang lingkod bayan na lalaot sa larangan ng pulitika.

Kung sakali man ang huli ang ibig sabihin ni Angi ay isang tagpo ang magaganap kung saan magpapabago ng takbo ng pulitika sa lunsod na ito. Ang tanong lang marahil ay gaano kalayo sa mga bakas ni D.Y. ang kanyang hakbangan at kung paano niya isasagawa ito.

Una marahil niyang hakbang na dapat gawin ay ang ma-appoint na kapalit ni D.Y. bilang konsehal. Hindi natin alam kung may sasagabal dito sapagkat kadalasang ang miyembro ng kinabibilangang partido ng nasawi ang pumapalit. Ngunit sa panig ng PDSP ay sa tingin natin ay wala namang tututol, batay na rin sa suporta nila sa pamilya at alang-alang sa legasiyang iniwan ni Yang.

May dapat pang tawirin si Angie kapag naitalaga bilang konsehal. Ang una ay babawiin ba niya ang tungkuling iniwan ni D.Y. bilang pangulo ng Philippine Councilors League sa lalawigan at pagka-board member o bokal. Sa ating pagkakaalam ay hindi basta ito nalilipat sapagkat ang vice-president ng liga ang otomatikong pumapalit sa pangulo sakali mang wala itong kakayanang manungkulan.

Ang una ring dapat nating mabatid ay bakante ang pwesto ng pangalawang-pangulo ng liga sanhi diumano na una na itong nag-resign sa di malamang kadahilanan. At hindi rin natin alam kung ano ang isinasaad ng kanilang by-laws hinggil dito. O baka naman ang pagdating ni Angie sa PCL ang kalutasan sa gusot kung meron man?

Higit sa lahat ay magagawa kayang punan ni Angie ang katayuan ni D.Y. bilang kandidato sa pagka bise-alkalde ng San Pablo? Batay sa pag-aaral ay may natipon na si D.Y. na 45% bilang ng botante bago ang kanyang malagim na kamatayan na ibig lang sabihin ay panalo na si D.Y kung 80% lang ng mga botante ang boboto pagsapit ng halalan.

Sabagay ay maaaring kayanin ito lahat ni Angie dahil sa simpatiya ng taumbayan kay D.Y., ang tanong lang ulit marahil ay gaano kabilis si Angie na makaaangkop sa ikli ng panahon? (SANDY BELARMINO)