Tuesday, February 2, 2010

SI CONGW. IVY ARAGO AY BUMABATI SA INC-SAN PABLO CITY

Bilang kinatawan ng mga mamamayan sa Ika-3 Distrito ng Laguna, si Congresswoman Ma. Evita R. Arago ay nagpapaabot ng pagbati sa kongregasyon ng Iglesia Ni Cristo sa Lokal ng San Pablo City alang-alang sa pagsapit ng kanilang ika-78 anibersaryo ng pagkakatatag ngayong darating na Lunes, Pebrero 22, 2010

Ang makasaysayang araw ay gugunitain sa pamamagitan ng pagtataguyod ng isang Pamamahayag ng mga Salita ng Dios na gaganapin sa susunod na araw ng Martes, Pebrero 23, sa kanilang Gusaling Sambahan sa kahabaan ng Dr. Fernando Bautista Street sa Barangay IV-B, simula sa ika-7:30 ng gabi.

Nagugunita ni Congresswoman Ivy Arago na ng magdaan ang Bagyong Ondoy dito sa Laguna, nang kaagad ay maghatid siya ng tulong sa mga biktima ng baha sa ilang barangay sa Victoria, ay kanilang namonitor sa frequency ng isang isang amateur radio group na halos ay kasabay niyang ang kapatiran ng Iglesia Ni Cristo sa Lokal ng San rPablo City ay nagpadala na rin kaagad ng tulong na pagkaing madaling lutuin, at mga damit para sa mga bata sa ilang coastal barangay sa Pila at Santa Cruz na naapektuhan ng pagtaas ng tubig sa Laguna de Bay

Sang-ayon sa mga matatandang kaanib sa INC-San Pablo City ay nagsagawa ng unang pagsamba, na nagbabadya ng pormal na pagkatatag nito noong Pebrero 22, 1932 sa tahanan ng mga Cierte sa kahabaan ng Daang Andres Bonifacio sa Ylaya pagkatapos ng isang maramihang pagbabawtismo sa mga unang kaanib na ginanap sa Ilog Magampon sa San Rafael na personal na pinangasiwaan ng namayapang Kapatid na Felix Y. Manalo.

Ang Lokal ng San Pablo City ay kongregasyon ng mga kaanib na naninirahan sa kalunsuran at mga kanugnog na barangay. Kaya bukod dito, ang Iglesia NI Cristo ay may siyam (9) pang lokal na nakatatag sa siyam (9) barangay ng lunsod na pawang may ministrong nangangalaga, at nagtataguyod ng pagpapalaganap ng mga aral na kanilang sinasampalatayan, na pinaniniwalaan ni Congresswoman Ivy Arago na nakatutulong ng malaki upang mapangalagaan ang katahimikan at kaayusan ng pamayanang lunsod. (Sandy Belarmino)

PASALUBONG NI LOREN

Ang naganap na pagdalaw ni Senadora Lorna Regina “Loren” Bautista Legarda noong nakaraang Sabado, Enero 30, upang di-umano ay ipagdiwang ang kanyang ika-50 kaarawan sa piling ng mga kababayan ng kanyang ama na tubong Barangay San Ignacio dito sa Lunsod ng San Pablo. Maganda ang naging pasalubong ni Loren sa kanyang mga kababayan, na dapat pasalamatan ng kampo nina Senador Manuel “Mar” Araneta Roxas II; Makati City Mayor Jejomar “Jojo” Binay; at dating MMDA Chairman Bayani Fernando na organisado ang kanilang staff nang sila ay nauna ng dumalaw sa lunsod na ito.

Tulad ng dumalaw si Kongresista Ferdinand R. Marcos Jr. noong Enero 13 na ipinagwalang bahala ang mga local mediamen, isang nagpapakilalang kamag-anakan ni Loren ang marami ang nakarinig ng bumulong sa ama ng senadora na si G. Antonio Cabrera Legarda na “Tony, local media lamang ‘yan.”

Ang pinaaalis lamang naman ng mga staff ni Legarda para huwag masanggahan mga Manila mediamen ay sina Pangulong Nani Cortez, Auditor Gil Aman, at Director Eddie Ticzon ng Seven Lakes Press Corps, at ang kolumnistang ito. Maging si Ramil Buiser ng City Information Office na pinakisuyuan ni City Administrator na ayusin ang stage para maalis ang mga maaari ay pagmulan ng mga “unwanted light” para maging ang pagkuha ng mga newsphoto and video footage ay ayaw papasukin sa school ground sapagka’t ang dala lamang niyang sasakyan na pinagkakargahan ng mga kagamitan ay ang “multi-cab” ng opisina na baka maka-tetano sa kotse ng Kagalanggalang na Senadora.

Maging ang mga senior citizen mula sa mga kanugnog na mga munisipyo na pinasabihan sa tulong ng mga municipal social welfare and development officer ay ayaw papasukin sa bakuran ng paaralan, sapagka’t napili na raw ang mga pagkakalooban ng libreng salamin sa mata, at sila ay makakasikip lamang sa isinasagawang jobs fair na maging ang mga kinatawan ng employer ay nalilito sapagka’t wala ang jobs fair coordinator ng senadora, kaya hindi nila alam kung saan sila dapat tumayo.

Kaugalian na ng mga Manila-based mediamen na makipag-ugnayan sa mga local mediamen para doon sila humiling ng backgrounder, sapagka’t sila ay hindi pamilyar sa lugar na dinadalaw ng isang kandidato, kaya nang dumalaw dito sina Mar Roxas, Jojo Binay, at Bayani Fernando, ay may coordinator silang humiling sa mga local mediamen na gagabayan ang mga dadalaw na mediamen para maging “active” ang kanilang mga ulat.

“Salamat po sa :kaasalan ng staff mo, Senadora. Wala kaming obligasyong iulat sa iyong mga kalalawigan ang ginawa mong pagdalaw sa lunsod ng iyong magulang Tulad ng dumalaw dito si Bongbong Marcos, news blackout lamang naman po ang pabaon ng local media sa inyo.” (RUBEN E. TANINGCO, Sec. Gen., SLPC)