Friday, October 2, 2009

IBA'T-IBANG PROYEKTO HANDOG NI AMANTE SA KANYANG KAARAWAN

Iba’t-ibang proyekto ang handog ni Mayor Vicente B. Amante sa mga taga lunsod upang lalo pang maging makabuluhan ang pagdiriwang ng kanyang kaarawan sa Oktubre 27.

Isang mahalagang proyekto ay ang isasagawang JOBS FAIR (Local at Abroad Employment) sa Oct. 23 na gaganapin sa PAMANA Hall mula 8:00 a.m.-3:00 p.m. Ang Jobs Fair ay sa pagtataguyod rin ni City Administrator and PESO Manager Loreto Amante.

Kinabukasan, Oct. 24 naman ay isasagawang muli ang MOBILE PASSPORTING sa pagtataguyod ng Office of the City Mayor at sa pakikipagtulungan ng Dept. of Foreign Affairs. Ang pagkuha ng passport ay mula 7:00 a.m.-3:00 p.m. sa One Stop Processing Center.

Pangungunahan naman ng punonglunsod ang isang KASALANG BAYAN sa kanyang mismong kaarawan sa Oct. 27 ganap na 10:00 a.m. sa One Stop Processing Center at susundan ito ng pagpapasinaya at pagbubukas ng bagong tayong San Pablo City General Hospital na nasa Brgy. San Jose. (CIO-SPC)

Wednesday, September 30, 2009

PULSO NG BAYAN

Pabagu-bago ang naging takbo ng pulso ng taong-bayan hinggil sa maaaring maging kapalaran ng ating mga lingkod bayan na naghahangad pang maiapagsilbi sa mataas na antas pa ng panunungkulan, na tila isang dula na hitik sa mga eksenang kapanapanabik na walang tuldok na pinatutunguhan.

May iba’t ibang tagpo rin ito na walang masasabing bida o pangunahing tauhan na gumaganap katulad sa kung ito ay isasalin sa isang script na kung papaano ang pulso ng bayan ay nakapagdidikta sa resulta ng isang survey.

Sa mga nakalipas na pag-aaral ay nasaksihan natin ang pagpapalitan ng bida sa mga tauhang nagnanais na tumakbo sa pagka-pangulo ng bansa. Matagal na namayagpag dito sina Vice-President Noli de Castro, Senator Loren Legarda, Senator Panfilo Lacson at ilan pang personahe na manaka-nakang sumusulpot sa eksena.

Unti-unti ay may nawala sa eksena samantalang pumapasok sina Sen. Manny Villar, Sen. Chiz Escudero, Sen. Dick Gordon at sa pagitan nito ay may mga mahalagang papel na ginagampanan si dating Pangulong Erap at Makti Mayor Jejomar Binay na seryosong tinitingnan ng bayan. Humanay din si Sen. Mar Roxas, MMDA Chairman Bayani Fernando at DND Sec. Gilbert Teodoro.

Ang labis na ikinabigla ng lahat ay ang paglitaw ni Sen. Noynoy Aquino na humakot ng simpatiya mula sa taumbayan nang yumao ang ina na si dating Pangulong Cory, subalit palaisipan pa rin sa marami kung hanggang saan hahantong ang lahat at kung habang buhay bang makikiramay sa kanya ang bayan lalo pa nga’t nababalot tayo ng sari-saring problema.

Ito ang katanungang inaabangan ng bayan ang kasagutan sapagka’t nandiyan at nananatile pa rin sina Erap, Villark, Escudero, Legarda at Teodoro na patuloy na pinag-iisipan ng taumbayan.

Hindi limitado sa nasabing posisyon, ang pabagu-bagong pulso ng taumbayan sapagka’t maging sa lokal na antas ay patuloy pa rin itong gumagalaw. Batay sa pinakahuling ulat ay nangunguan sa isinasagawang pag-aaral ng isang independent survey firm si Board Member Dave Almarinez sa pagka-kongresista ng First District ng Laguna.

Matiyaga at masipag umano ang batang opisyal na ito na marahil ay napansin ng mga residente ng San Pedro, Biñan at Lunsod ng Sta. Rosa na sumisimbolo sa isang lingkod bayan na kanilang ninanais na maglingkod sa kanila. Ngayong No. 1 na si BM Dave ay nakasisigurong mas lalo niya paghuhusayin ang paglilingkod sa unang distrito ng Laguna.(nani cortez)

Tuesday, September 29, 2009

CONG. IVY ARAGO, TUMUTUGON SA MGA CONSTITUENTS

Kasama si Dra. Jill Gutierrez sakay ng isang maliit na bangka ay sinuong ni Congresswoman Ivy Arago ang panganib maabot lang ang Sityo Kapiligan na isolated sanhi ng baha sa Brgy. San Benito na isa sa mga apektadong barangay ng Victoria, Laguna.

Sa tulong ni Chairman Aurelio Corcuerra na nagsilbing tagasagwan ay nagdaan ang grupo sa ibabaw ng lubog na palayan na ikinamangha ng mga residente sa lugar sapagakat ngayon lang daw nangyari sa kanilang kasaysayan na makakita ng isang opisyal ng pamahalaan sa ganitong panahon ng kalamidad.

Mas namangha ang mga taga nasabing sityo at nagpasalamat kay Rep. Arago sa pagsuong sa panganib upang alamin at damayan lamang sila sa kanilang abang kalalalagayan, na sa kabutihang palad na sa kabila ng lubog sa baha ay ligtas naman sa karamdaman. Nag-iwan na lamang si Cong. Ivy ng relief goods na may lamang bigas, de lata at noodles.

Parang heroes welcome ang ginawa ng mga taga-barangay nang simula silang kausapin ng kongresista at inalam ang pangunahin nilang pangangailangan pagbabalik niya sa kanayunan.

Hindi makapaniwala ang mga taga Brgy. Pagalangan na si Cong. Ivy ang kanilang kaharap nang sapitin ng grupo ang nasabing lugar. Nag-iwan din ang mambabatas ng relief goods sa mga barangay officials sa pangunguna ni Chairman Romulo Oca na siyang mamamahala sa pamamahagi kinabukasan dahil gumagabi na. Bukas aniya sa biglaang tulong na maaaring kailanganin ayon sa kongresista.

Isa-isang pinuntahan ni Rep. Ivy ang mga nagsilikas sa Brgy. San Roque evacuation center na bakas sa mga ngiti ang pagkabanaag ng pag-asa nang makita ang mambabatas. Hindi ikinaila ng mga pansamantalang humihimpil doon ang kanilang pangangailangan ng tulong subalit sapat na raw ang maalala sila ng mahal nilang si Ivy.

Pinagkalooban din ni Cong. Ivy ang mga taga San Roque ng relief goods sa pamamagitan ni Chairman Ric Larano at kanyang mga kagawad. Muli ay nagbigay katiyakan ang mambabatas na isang text lang ang kailangan upang maipaabot ng mga naroroon ang kanilang mga problema. Ang mga nasabing barangay ay pinagkalooban ng kongresista ng mga kaukulang gamot na magagamit sa mga emergency cases. (TRIBUNE POST)

SALAULA

Muling iminulat ng bagyong Ondoy ang kalubhaan ng pagkasalaula ng ating kalikasan at nakatitiyak na muling aalab ang ningas kugong pagmamalakasakit sa kapaligiran nating mga Pilipino dahil sa sinapit sa sakunang hindi sana mangyayari kug hindi nagkibit balikat lamang sa mga kampanyang isinusulong ng mga mapagmahal sa kalikasan.

Si Ondoy ay nagdala ng kakaibang istratihiya na maaaring gumising sa ating lahat, na sa halip malakas na hangin ang isinama ay ubod na lakas na buhos ng ulan ang kaakibat. Hindi ito kinaya ng ating kalbong kagubatan sa mga bundok na nagdulot ng malaking pagbaha, pumasok ang tubig sa mga guwang ng kabundukang naging sanhi ng mga landslide na kumitil ng maraming buhay.

Malawak ang idinulot nitong pinsala na marahil ay upang tuluyang gisingin ang mga tulog na diwa ng lahat, na sa kanyang kasagsagan ay pinilit ipadama maging sa mga salarin sa pagkasalaula ng kapaligiran ang kanilang kasalanan. Hindi man direktang pininsala ang mga salarin ay iniwan ni Ondoy sa mga salaulang ito ang larawang nilikha ng kanilang krimen.

Ipinarinig din ni Ondoy sa mga salaula ang mga panaghoy ng mga walang muwang na biktima na nangasawi sa baha, mga natabunan ng pagguho ng lupa at mga nadamay sa sanhi ng kaugnay na pinsala.

Bagamat ang pagkakakulong sa kanilang mga mansyon at pagkatinggal ng kanilang limosina sa hindi gumagalaw na trapiko ang direktang parusa na kanilang tinanggap buhat sa mabigat na kasalanang pagsalaula ay maituturing nang isa itong mabuting simula upang suriin nila ang kanilang mga budhi. Tagumpay ito para sa kalikasan kung mula dito ay iiral ang kanilang konsensya.

Sa panig ng pamahalaan ay iisa ang nakatitiyak ang pagkakaroon ng paghihigpit, ngunit sana naman ay hindi ito ningas-kugon lamang na hihintayin lamang na lumipas ang alaala ni Ondoy at muling sasamantalahin ang pag-i-issue ng logging at mining permit sakaling malingat na ang bayan. (nani cortez/TRIBUNE POST)

Monday, September 28, 2009

2 SUNDALO AT 4 NA CAFGU PATAY HABANG NAGSASAGAWA NG RESCUE

Siniloan, Laguna- Anim sa pitong miyembro ng Rescue Team na kinabibilangan ng dalawang militar at limang miyembro ng Citizens Armed Forces Geographical Unit (CAFGU) na tinangay ng malakas na agos ng tubig sanhi ng paghagupit nang bagyong Ondoy ang kapwa bangkay na nang marekober ng pinagsanib na elemento ng militar at pulisya sa bahagi ng Bgy. Tunhac, Famy at Brgy. Nanguma, bayan ng Mabitac, kahapon ng umaga.

Base sa ulat ni 202nd Unifier Brigade Philippine Army Commanding Officer Lt Col. Aurelio Baladad kay 2nd Infantry Division Commanding General Lt.Gen. Jorge Segovia, nakilala ang mga biktimang sina PFC Venancio Ancheta Jr.,CPL Adriano Regua, miyembro ng CAFGU na sina Joel Hernalin, Reno Olaguer, at Florencio de Quiño kung saan kinikilala pa ang isa sa mga ito habang patuloy pa rin na pinaghahanap ang kanilang kasamahan na si Artemio Descotido.

Ang mga biktima ayon sa report ay nakatakdang magsagawa ng rescue operations sa nabanggit ng lugar kasama ang apat pa nilang kasamahan sa pamumuno ng kanilang team lider na si Ancheta samantalang patuloy ang pagbuhos ng malakas na ulan at ang pagbaha kamakalawa ng hapon.Dito aksidente umanong tinangay ng malaking bugso ng tubig ang mga biktima kung saan tuluyan itong naglaho at nilamon sa bahagi ng malalim na ilog sakop ng magkaratig na bayan ng Mabitac at Famy.Unang narekober ang bangkay ni Ancheta sa bayan ng Famy samantalang magkakasunod ang iba pa sa bayan ng Mabitac habang ang mga ito ay nakalutang na sa ilog.

Sa pakikipagtulungan ng Laguna PNP,pinagsanib na elemento ng 1IB, 16thIB, 59thIB, Regional Mobile Group (RMG) 405th Provincial Police Mobile Group (PPMG) agad na nailigtas ang maraming residente sa lugar samantalang sinawing palad na tinangay ng agos at tuluyang nalunod ang mga biktima.

Samantala, isa pa sa lungsod ng Calamba ang iniulat na nalunod makaraang matagpuan ang bangkay nito sa river banks sakop ng Brgy. 6, na nakilalang si David Rafols habang sa bayan ng Sta. Cruz at sa kabuoang bahagi ng ika-apat na distrito ay nananatiling paralisado ang operasyon ng public market, at walang suplay ng kuryente bunsod ng patuloy na pagtaas ng tubig baha.