Monday, September 28, 2009

2 SUNDALO AT 4 NA CAFGU PATAY HABANG NAGSASAGAWA NG RESCUE

Siniloan, Laguna- Anim sa pitong miyembro ng Rescue Team na kinabibilangan ng dalawang militar at limang miyembro ng Citizens Armed Forces Geographical Unit (CAFGU) na tinangay ng malakas na agos ng tubig sanhi ng paghagupit nang bagyong Ondoy ang kapwa bangkay na nang marekober ng pinagsanib na elemento ng militar at pulisya sa bahagi ng Bgy. Tunhac, Famy at Brgy. Nanguma, bayan ng Mabitac, kahapon ng umaga.

Base sa ulat ni 202nd Unifier Brigade Philippine Army Commanding Officer Lt Col. Aurelio Baladad kay 2nd Infantry Division Commanding General Lt.Gen. Jorge Segovia, nakilala ang mga biktimang sina PFC Venancio Ancheta Jr.,CPL Adriano Regua, miyembro ng CAFGU na sina Joel Hernalin, Reno Olaguer, at Florencio de QuiƱo kung saan kinikilala pa ang isa sa mga ito habang patuloy pa rin na pinaghahanap ang kanilang kasamahan na si Artemio Descotido.

Ang mga biktima ayon sa report ay nakatakdang magsagawa ng rescue operations sa nabanggit ng lugar kasama ang apat pa nilang kasamahan sa pamumuno ng kanilang team lider na si Ancheta samantalang patuloy ang pagbuhos ng malakas na ulan at ang pagbaha kamakalawa ng hapon.Dito aksidente umanong tinangay ng malaking bugso ng tubig ang mga biktima kung saan tuluyan itong naglaho at nilamon sa bahagi ng malalim na ilog sakop ng magkaratig na bayan ng Mabitac at Famy.Unang narekober ang bangkay ni Ancheta sa bayan ng Famy samantalang magkakasunod ang iba pa sa bayan ng Mabitac habang ang mga ito ay nakalutang na sa ilog.

Sa pakikipagtulungan ng Laguna PNP,pinagsanib na elemento ng 1IB, 16thIB, 59thIB, Regional Mobile Group (RMG) 405th Provincial Police Mobile Group (PPMG) agad na nailigtas ang maraming residente sa lugar samantalang sinawing palad na tinangay ng agos at tuluyang nalunod ang mga biktima.

Samantala, isa pa sa lungsod ng Calamba ang iniulat na nalunod makaraang matagpuan ang bangkay nito sa river banks sakop ng Brgy. 6, na nakilalang si David Rafols habang sa bayan ng Sta. Cruz at sa kabuoang bahagi ng ika-apat na distrito ay nananatiling paralisado ang operasyon ng public market, at walang suplay ng kuryente bunsod ng patuloy na pagtaas ng tubig baha.

No comments: