Saturday, November 8, 2008

BENDISYON NG LUNSOD, MAHALAGA SA MGA PRESIDENTIABLE

Dalawang opposition presidentiable ang bumisita sa San Pablo City nang nakaraang lingo. Unang dumating noong Lunes si Senate President Manny Villar upang bumati sa kaarawan ni Mayor Vicente B. Amante, samantalang Miyerkules dumating si Makati City Mayor Jejomar Binay upang lumagda sa sisterhood agreement sa pagitan ng San Pablo at City of Makati.

Kapwa opisyal ang kanilang biyahe pagtungo sa atin ngunit bilang sentro ng mga mamamayang nagtataglay ng malayang kaisipan ay tila humihingi sina Binay at Villar ng bendisyon buhat sa mga San Pableño sa kanilang susuunging larangan. Ang dalawa ay kapwa malapit sa damdamin ni Pangulong Erap, si Binay ay kaylan ma’y hindi umalis sa tabi ng dating pangulo sa kabila ng pang-uusig na siya’y personal na maigupo, samantalang si Villar ay minanok ni Erap bilang senate president.

Masusi nang pinag-aaralan ng mga San Pableño kung sino sa dalawa ang ipangtatapat sa kandidato ng administrasyon sa 2010 presidential election. Sino at kanino kayo papanig? (SANDY BELARMINO)

DILG-LIGA NG MGA BARANGAY SEMINAR-WORKSHOP

Nang nakaraang buwan ng Setyembre at Oktubre ay ginanap sa One Stop Shop Processing Center ang refresher course para sa 80 barangay dito sa lunsod na ito sa pamamagitan ng DILG San Pablo City Office sa pangunguna ni City Director Herminia Arcelo.

Ang taunang seminar-workshop ay isinasagawa upang higit na matutunan ng mga barangay official ang local governance. Ito ay kadalasang ginagawa sa labas ng lunsod ngunit upang makatugon sa hinihingi ng panahon na dala ng economic crisis na dinaranas ng daigdig ay nag-isip ang pamunuan ng liga na dito na ganapin upang makatipid.

Hindi lamang katipiran ang natamo nito buhat sa pondo ng mga barangay, manapa’y napatunayang mas higit itong epektibo sapagkat halos 100% ng mga barangay official ang nakadalo sa dalawang buwang pagpupulong na ginaganap tuwing Sabado at Linggo. Bukod ditto ay nagagampanan pa ng mga chairmen ang kanilang tungkulin dahil sa nakauuwi sila sa kani-kanilang mga barangay tuwing hapon, at anumang oras ay laging on-call sa mga hindi inaasahang aberya sa kanilang mga barangay.

Ilan lamang ito sa mga pakinabang ng mga barangay na natamo na ayon kay ABC President Gener B. Amante ay naging bonus bukod pa sa kanilang natutunan sa naturang Seminar-Workshop ng DILG. Binabati natin ang DILG at ang Liga ng mga Barangay sa kanilang gawain sapagkat ang halagang kanilang natipid ay mailalaan ng mga barangay sa iba pang pangangailangan na dulot ng dinaranas nating economic crisis. (SANDY BELARMINO)

Friday, November 7, 2008

CHAMPAGNE, CAKE AND CAMERA


Ipinagtataka ng marami na kapag may kasalang bayan sa lunsod ay sina CIO officer Ito Bigueras at Exec. Asst. Paul Cuadra ang palaging namamahala sa disenyo ng wedding cake at ang pagbubukas ng champagne na palagian ding ikinukober ni mediaman Sandy Belarmino. (seven lakes press corps)

Thursday, November 6, 2008

WELCOME SENIOR CITIZEN MAYOR VIC AMANTE



Sinalubong ng mag-asawang Mayor Vicente B. Amante at Ginang Nercy S. Amante sa pamamagitan ng isang awitin ang ika-60 taong kaarawan ng pagsilang ng alkalde. Simpleng tanghalian ang inihanda ng mga pinuno ng iba’t-ibang tanggapan ng lokal na pamahalaan upang maipakita at maipadama ang kanilang pakikisaya at pagbubunyi sa mahalagang araw na ito ni Amante. Ipinahayag ng alkalde na higit pa niyang pag-iibayuhin ang paglilingkod sa kanyang mga nasasakupan lalo na’t ganap na siyang Senior Citizen. (Seven Lakes Press Corps)

Sunday, November 2, 2008

PRIDE OF SPCSHS

Muling pinatunayan ng San Pablo City Science High School (SPCSHS) na hindi lamang sa larangan ng agham at teknolohiya magagaling ang kanilang mga mag-aaral ng mapanalunan nina SPCSHS 4th yr. student(kanan) Geri Mae A. Tolentino, 1st place, English essay writing contest at (KALIWA) Sandy Marie D. Belarmino, 2nd place, Filipino essay writing contest, sa katatapos lamang na Regional Science Environmental Camp (RSEC) ng DepEd 4A na ginanap sa Siniloan, Laguna, noong Oktubre 29-31, 2008. (ITO BIGUERAS)