Friday, May 15, 2009

SANTINO, magdu-doktor din! - Matapos ang kursong Nursing sa Perpetual Help College of Manila ay sa darating na pasukan ay isa nang Incoming First Year Medicine student sa San Beda College of Medicine si Mikhail Santino Gamo-Quiambao. Si Santino ay anak nina Dra. Lourdes Gamo Quiambao at Dr. Ed Quiambao ng San Pablo City Health Office. (sandy belarmino)

Sunday, May 10, 2009

DRAFT BENBONG FELISMINO MOVEMENT

May mga kadahilanang magka-minsan ay nakasasagabal sa naisin ng isang nilalang gaano man ito kadalisay kung kaya’t ang ating pag-usad ay nananatiling mabagal, gaano man kasidhi ang ating pagnanais makahulagpos sa kinalalagyan.

Dito nabibilang ang mga tao sa ating paligid na sa kabila ng pagiging kwalipikado sa alin mang tungkulin ay nag-aalinlangang tumuklas ng panibagong larangan sa kung saan siya’y isang kakulangan lalo na sa pangangailangan ng bayan. Subalit mas madalas na tulad sa likido’y kaganapan na ang naghahanap ng kaparaanan.

Naging saksi ang marami sa atin na dahil sa hinihingi ng pagkakataon ay naging pangulo ng bansa ang isang karaniwang ina at balo ng napaslang na Senador Ninoy Aquino, na sa hinagap ay hindi pinangarap ni dating Pangulong Cory Aquino. Kinailangan niyang tumayo alang-alang sa pagkakaisa laban sa diktaturya.

Sinundan pa ito ng hindi mabilang na paghimok sa mga pribadong indibidwal upang maglingkod sa pamahalaan, na siyang nagpuno sa kakulangan ng gobyerno.

Hindi nga ba’t kinakailangan pa ng kilusang ADOPT SAGUISAG upang siya’y kumandidatong senador sapagkat siya mismo ay ayaw lumahok sa pulitika? Nakatulong ito ng malaki sapagkat dahilan sa tibay ng kanyang paninindigan ay naisulong ang NO NUKE policy. Tuluyan ring tumatag ang soberensya ng bansa sa pagkawala ng US bases.

Kung wala ang kaparehong kilusan, marahil ay walang Mayor Robledo ang Naga City, mananatili ang political dynasty sa Isabela sapagkat mawawalan ng lakas ng loob ang isang Gob. Padaca at walang Gob. Panlillo na magmumulat ng kabutihan at katotohanan sa Pampanga.

Ang mga nasabing kadahilanan ang naging matibay na batayan ng pitak na ito upang ilunsad ang DRAFT BENBONG FELISMINO MOVEMENT, sapagkat nakita nating lahat ang kakulangan ng Sangguniang Panlunsod (SP) ng mga magigiting na babae at lalakeng tatayo para sa ikabubuti ng sambayanang San Pableño.

Nagiging kaduda-duda na ang performance ng ating Sangguniang Panlunsod sapagkat magpahanggang sa ngayon ay hindi pa napagtitibay ang ating annual budget, at lahat ng palatandaan ay nandoon na upang sila’y mapalitan ng mga baguhang uugit sa sanggunian. Kasama ng indikasyong ito, ay paniniwalang karapat-dapat si San Cristobal Brgy. Chairman BENBONG FELISMINO na maluklok sa konseho ng Lunsod.

Bagama’t may kakayanan at kahandaang maglingkod sa SP si Chairman Benbong ay may kinakaharap siyang kakaibang suliranin. Ayaw siyang payagan ng kanyang mga magulang at pamilya na magbago ng larangan at mahigpit ang yakap ng kanyang mga kabarangay upang huwag silang iwanan sapagkat sa kanyang panunungkulan nakamit ng barangay ang ganap na pagkakaisa.

Ang tanong marahil ay paano naman ang samo ng sambayanang San Pableño, na nakikiusap na paglingkuran ni City Councilor-to-be Benbong?! Sa ngayo’y lumalawak na ang panawagan, katunaya’y lumalaganap na ang DRAFT BENBONG FELISMINO MOVEMENT!!! (Sandy Belarmino)

TATLONG PINAG-ISANG PROYEKTO SA STA. FILOMENA

Tiniyak nina Alkalde Vicente B. Amante at City Administrator Loreto “:Amben” S. Amante ang kanilang pagdalo sa nakatakdang pagbabasbas at pagpapasinaya sa tatlong proyektong naipatupad ng Sangguniang Barangay ng Sta. Filomena sa darating na Sabado ng hapon, Mayo 16, 2009.

Tinatawag ni Punong Barangay Jimmy A. de Mesa na “3-in-1 Project”, ang naipatapos na paggawain sa pagtutulungan ng Pangasiwaang Lunsod at Pangasiwaang Pambarangay ay ang isang Basketball Covered Court, 2-Storey Schoolbuilding para sa bubuksang Santa Filomena Annex ng San Pablo City National High School, at pagpapalaki sa dating Barangay Hall sa pamamagitan ng paglalagay ng extension.

Malaki rin ang naitulong ng Parents Teachers Association sa Santa Filomena Elementary School upang maisulong ang pagpapatayo ng mga impraistraktura na natitiyak na magiging malaking tulong sa kaunlaran ng barangay.

Halimbawa ayon kay Punong Barangay Jimmy de Mesa, ang covered court ay magiging sentro ng mga gawain ng senior citizens association at sangguniang kabataan, tulad ballroom dancing para sa ikasisigla ng kanilang katawan at isip; dako para sa pagsasagawa ng mga community assembly at iba pang mga papulong na pambayan; angkop na lugar para sa pagsasagawa ng mga medical and dental mission. Ang proposed high school annex ay sa kapakinabangan din ng mga kabataan sa mga kanugnong na Barangay San Crispin, at San Juan.

Isang pangangailangan na palakihin ang barangay hall upang matugunan ang pangangailangan para sa office space para sa pagpapatupad ng Gender and Development Program at ng Women and Children Welfare Act sa pakikipag-ugnayan sa City Social Welfare and Development Office, at maging sa mga skill development program para sa kabataan para sila ay mapagkalooban ng mga kasanayan panghanapbuhay, palaiwanag pa ni Chairman de Mesa. (Sandy Belarmino)