Tiniyak nina Alkalde Vicente B. Amante at City Administrator Loreto “:Amben” S. Amante ang kanilang pagdalo sa nakatakdang pagbabasbas at pagpapasinaya sa tatlong proyektong naipatupad ng Sangguniang Barangay ng Sta. Filomena sa darating na Sabado ng hapon, Mayo 16, 2009.
Tinatawag ni Punong Barangay Jimmy A. de Mesa na “3-in-1 Project”, ang naipatapos na paggawain sa pagtutulungan ng Pangasiwaang Lunsod at Pangasiwaang Pambarangay ay ang isang Basketball Covered Court, 2-Storey Schoolbuilding para sa bubuksang Santa Filomena Annex ng San Pablo City National High School, at pagpapalaki sa dating Barangay Hall sa pamamagitan ng paglalagay ng extension.
Malaki rin ang naitulong ng Parents Teachers Association sa Santa Filomena Elementary School upang maisulong ang pagpapatayo ng mga impraistraktura na natitiyak na magiging malaking tulong sa kaunlaran ng barangay.
Halimbawa ayon kay Punong Barangay Jimmy de Mesa, ang covered court ay magiging sentro ng mga gawain ng senior citizens association at sangguniang kabataan, tulad ballroom dancing para sa ikasisigla ng kanilang katawan at isip; dako para sa pagsasagawa ng mga community assembly at iba pang mga papulong na pambayan; angkop na lugar para sa pagsasagawa ng mga medical and dental mission. Ang proposed high school annex ay sa kapakinabangan din ng mga kabataan sa mga kanugnong na Barangay San Crispin, at San Juan.
Isang pangangailangan na palakihin ang barangay hall upang matugunan ang pangangailangan para sa office space para sa pagpapatupad ng Gender and Development Program at ng Women and Children Welfare Act sa pakikipag-ugnayan sa City Social Welfare and Development Office, at maging sa mga skill development program para sa kabataan para sila ay mapagkalooban ng mga kasanayan panghanapbuhay, palaiwanag pa ni Chairman de Mesa. (Sandy Belarmino)
Sunday, May 10, 2009
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment