San Pablo City - Nanumpa na bilang ganap na abogado si Senior Board Member Katherine “Karen” C. Agapay ng 3rd district ng lalawigang ito makaraang mapansin ng Kataastaasang Hukuman ang hindi makatarungang pagka-antala ng kanyang pagganap sa tungkulin bilang isang manananggol.
Magugunitang pumasa si Agapay sa Bar Exam noong Setyembre 2005 subalit pansamantalang ipinagpaliban ng Office of the Bar Confidant ang kanyang panunumpa at paglagda sa Roll of Attorneys dahil sa walang basehang sakdal na inihain nina Dodi Banzuela at Iring Maranan sa Tanggapn ng Deputy Ombudsman for Luzon noong Enero 5, 2005, kaugnay sa loteng pagtatayuan ng isang paaralan.
Na-dismissed at tuluyang ibinasura ng Ombudsman ang naturang kaso for lack of probable cause, dahilan upang mabigyan ng clearance si Agapay.
Sa petisyon ni Agapay sa Korte Suprema ay Office of the Bar Confidant na ang humiling sa hukuman na bigyang pansin ang nasabing kahilingan, naging daan upang mapabilang ang naturang bokal sa Roll of Attorneys ng Pilipinas mula Mayo 5, 2008.
Sa panayam ng pahayagang ito kay Atty. Karen Agapay hinggil sa dalawang taong pagkaantala ng kanyang panunumpba bilang abogado ay sinabi niyang “Sadyang ganon. The law maybe harsh, but it is still the law. Ang importante, hindi naging hadlang ito upang patuloy akong tumulong sa mga kababayan ko sa Laguna.” (NANI C. CORTEZ/President- Seven Lakes Press Corps)