San Pablo City – Sa pangunguna ni Major Wilmor Plopinio, hepe ng BJMP sa lunsod na ito ay isinagawa ang seminar hinggil sa “Container Gardening” para sa kapakinabangan ng mga inmates noong nakaraang Mayo 6. Ang inisyatiba ay agad na tinugon ng mga taga San Pablo City Agriculture Office na siyang nagsagawa ng naturang seminar.
Tinalakay ni Ms. Elizabeth M. Eseo, SPC Supervising Agriculturist ang iba’t ibang uri ng gulay na maaaring ipunla sa mga sira nang container. Ayon kay Eseo.angkop ang “container gardening” sa BJMP compound dahil sa kakulangan ng espasyong pagtataniman.
Binigyang halaga ni Eseo ang “Food Always In The Home” (FAITH), ang matagumpay na programa ng pamunuan ni Laguna Gov. Teresita S. Lazaro. Naging tanyag ang FAITH dahil sa sistematikong pagtatanim at pangangalaga ng mga gulay, prutas, mga halamang gamot at kauri nito na itinatanim sa bakanteng espasyo ng ating mga bakuran.
Ang paghahalaman sa mga piitan ay bilang pagtupad sa ipinalabas na kautusan ni BJMP Region 4A Director S/ Supt Norvel M. Mingoa, na inaatasan ang mga Provincial Jail Administrators at mga wardens na hikayatin ang mga inmates na magtanim ng gulay sa bakanteng lote ng mga piitan at ito’y tumutugon din sa naunang direktiba ni BJMP Chief General Rosendo M. Dial.
Matatandaan na ang San Pablo City BJMP ay nauna nang nagtanim ng halamang gulay sa tubig (Hyroponic) na natutunan ng mga inmates dahil sa matiyagang pagtuturo nina G.. Elmer Belen, SPC senior Agriculturist at ng ama niyang si G. Renato Belen, proprietor ng Ato Belen’s Farm ng Brgy. San Juan sa lunsod na itoat isa sa mapalad na napiling Most Outstanding San Pableño (Agriculture sector).
Nararapat ang mga ganitong kaalaman at pagsasanay upang sa oras ng paglaya ng mga BJMP’s inmates ay maging kapakinabangan ng lipunan at hindi na muling tahakin ang maling landasin.
(Sandy Belarmino/vp 7LPC)
Friday, May 9, 2008
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment