Thursday, February 10, 2011

RABIES PREVENTION AT CONTROL PROGRAM ORIENTATION NG CHO

San Pablo City – Seryoso ang lokal na pamahalaan ng Lunsod ng San Pablo sa pangunguna ni Mayor Vicente B. Amante at ng City Health Office na pinamumunuan ni Dr. Job Brion sa pagsusulong ng adbokasiyang naglalayong maiwasan at makontrol ang nakamamatay na Rabies.

Kaya noong Pebrero 4 ay nagsagawa ang CHO sa pangunguna ni Dra. Maria Victoria Guia ng isang oryentasyon sa mga barangay officials tungkol sa Rabies. Dinaluhan ito ng 72 Punongbarangay at ilang mga kinatawan buhat sa iba’t ibang tanggapan ng pamahalaang loka

Naging resource person ang kinatawan ng Department of Health na si Bb. Emma Cardona. Masusing tumalakay ni Bb. Cardona ang R.A. 9482 o Anti-Rabies Act of 2007. Samantala, sina Dra. Guia at Dra. Gigi Orsolino, City Veterinarian naman ang magkatuwang na nagsagawa ng presentasyon ng kasalukuyang estado ng Rabies gayundin ang mga programang inihanda ng pamahalaang local ukol sa naturang sakit para sa Lunsod.

Matatandaan na ang Rabies ay isang uri ng sakit na nakamamatay buhat sa kagat o di kaya’y sa mga sariwang sugat o gasgas na nalagyan ng laway ng hayop na may rabies. Isa itong virus na direktang nakakaapekto sa central nervous system ng sinumang nakagat ng hayop na may rabies kung kaya’t ang sinumang tamaan nito ay 100% na namamatay.

Mahigpit naman ang paalala ng CHO na agad pumunta sa Animal Bite Treatment Center na matatagpuan sa Brgy. Bagong Pook Health Center kung nakagat o nasugatan ng hayop na hinihinalang may rabies upang mabakunahan. Ayon pa kay Dra. Guia, hindi dapat magtiwala o di kaya’y magpagamot sa “tandok o mga albularyo” sapagkat lubha itong delikado

Tiwala naman si City Admin. Amben na malaki ang maitutulong ng maigting na kampanya at pagbibigay ng sapat na impormasyon ukol sa Rabies upang ganap na mapuksa ito. Pinaalalahanan din ng Administrador ang lahat ng mga may-ari ng hayop na huwag pabayaang gumagala ang kanilang mga alaga upang hindi makakagat. Pinaalala rin niya na paturukan ang mga hayop upang maiwasan ang pagkakaroon ng rabies. (CIO)

MOBILE PASSPORTING SA LUNSOD NG SAN PABLO ISASAGAWA SA MAYO

San Pablo City – Muling magsasagawa ng mobile passporting sa Lunsod ng San Pablo sa darating na Mayo bilang tulong ni Mayor Vicente B. Amante at ni City Administrator Loreto S. Amante sa mga mamamayan ng lunsod at karatig bayan upang mas madaling makakuha ng passport.

Paalala ng punonglunsdo sa lahat na ngayon pa lamang ay mag-asikaso na ng mga requirements para sa pagkuha ng passport. Ang mga requirements ay Birth Certificate (BC) na nakalathala sa Security Paper (SECPA) mula sa National Statistics Office (NSO) o di kaya’y Certified True Copy (CTC) ng BC na mula sa Local Civil Registar at NSO Authenticated, Identification Card (ID) kung saan ay kumpletong nakasaad ang inyong buong pangalan, petsa at lugar ng kapanganakan gayundin ang citizenship.

Para sa mga babaeng may-asawa na nagnanais na gamitin ang apelyido ng kanilang mga asawa, kinakailangang magdala ng Marriage Certificate (MC) na nakalathala sa SECPA mula NSO o di kaya’y CTC mula LCR at NSO authenticated.

Para naman sa 18 years old pababa na ang estado ay lehitimo ay kinakailangang isama ang alinman sa mga magulang sa pagkuha ng pasaporte samantalang para sa mga ang estado ay ilehitimo ay kinakailangan namang isama ang ina. Kung ang minor ay bibiyahe ng hindi kasama alinman sa mga magulang ay kakailanganin ang original at photocopy ng clearance buhat sa DSWD, affidavit of support at consent.

Ang lahat naman na nagnanais na mai-renew ang kanilang mga kulay brown pang passport ay kinakailangan dalhin ang lumang passport, photocopy ng pahina 1, 2, at 3 ng passport (amendment) at mga pahinang ipinapakita ang latest Bureau of Immigration departure at arrival stamps at ilang pang supporting documents na nagsasaad ng kumpletong middle name. Ang lahat naman ng mayroon pang MRP at Green Passport na nai-isyu matapos ang May 1, 1995 ay kinakailangang iprisinta ang lumang pasaporte at photocopy ng loob at hulihang cover nito, at ang mga pahinang nagpapakita ng departure at arrival stamps buhat sa BI.

Kinakailangan ng personal appearance para sa lahat ng mga magnanais na kumuha at mag-renew ng kanilang mga pasaporte. Para naman sa mga karagdagang impormasyon at katanungan maaaring tumawag sa numerong (049) 562-0863 at hanapin sina Trina Manalo at Nitz Marasigan. (CIO-SPC

Monday, February 7, 2011

MEDIA PROTOCOL

Lumagda kamakailan ang ilang mamamahayag at publisher sa isang media protocol sa Camp Vicente Lim upang maging gabay ng mga journalist sa pagko-cover ng mga kaganapang katulad ng nangyaring hostage drama sa Quirino Grandstand sa Luneta noong isang taon.

Hindi natin kinukwesyon ang magandang layunin ni Calabarzon RD Gen. Sammy Pagdilao sa pagsusulong nito lalo pa’t para naman ito sa ikabubuti ng lahat na ibig sabihin ay lahat ng stakeholder mula sa mga alagad ng batas at ng mga biktima na lubhang napakahalaga na mapangalagaan ang kaligtasan, first and foremost ika nga.

Wala tayong tutol sa bagay na ito. Ang sa ganang akin lamang ay ang ilang probisyong na parang nasasagkaan ang karapatan sa pamamahayag na tila lumilitaw na supervisor ng mga journalist ang kapulisan sa nangyayaring kaganapan at tanging PNP ang saligan ng tinatawag nating Gospel Truth.

With due respect sa ilan nating kasamahan sa hanapbuhay, sana ay nakita at nabusisi nila ang probisyong nabanggit, humingi ng paglilinaw o pang personal ba nila itong kasunduan o nakipagkasundo sila in our behalf. Huwag naman po sana.

0-0-0-0-0

Nakakaawa naman si G. Angelo Reyes na nadamay sa usapin ni MGen Garcia sapul ng magkaroon ng plea bargaining agreement sa ombudsman, na sa kanyang pagkakadawit kung baga sa stage play ay siya na ngayon ang nasa leading role at main attraction na ng usapin sapagkat nabunyag ang di umanong katiwalian sa AFP noong siya pa ang Chief of Staff nito.

Ayon sa ginagawang pagdinig ng Senado ay may buwanang limang milyong pisong natatanggap si Reyes mula sa pondo ng sandatahang lakas bukod sa mga kapritso ng kanyang pamilya at may pabaon pang P50 milyong nang magretiro na pondo umano ng mga karaniwang sundalo na isinusugal ang buhay alang-alang sa bayan. Ganito pala kalawak ang korapsyon sa AFP at ito’y batay sa nalalamang ibinunyag ni dating Col Rabusa.

Vindicated kung ganoon si Sen. Antonio Trillanes IV at grupong Magdalo sa ginawang pag-aaklas noon dahil sa mga katiwalian ng kanilang mga senior officers, kung kaya’t ganoon na rin lamang ang pagnanais ng pamunuan ng hukbo na mabulok sa bilangguan si Trillanes kahit tahasan nang pinawalang sala ng taumbayan nang iluklok ito bilang senador.

Sa kanilang paghaharap sa pagdinig ng senado ay tahasang sinabi ng senador kay Reyes na “you have no reputation to protect” kaya pala! (SANDY BELARMINO)

LIBRENG PAP SMEAR AT BREAST EXAMINATION, IPAGKAKALOOB NI CONG IVY ARAGO

San Pablo City - Ipinaaalaala sa lahat ng mga ina ng tahanan, lalo na yaong mahigit sa 30 taong gulang, na ang Tanggapan ni Congresswoman Ma. Evita “Ivy” Arago ay magkakaloob ng “Libreng Pap Smear at Breast Examination” sa darating na Marso 5, 2011, sa Siesta Residencia de Arago, Green Valley Subd., Barangay San Francisco sa lunsod na ito simula ika 8:00 ng umaga hanggang ika 2:00 ng hapon.

Ang palatuntunang ito ay maiuugnay sa pagdiriwang ng Women’s Month sa darating na Marso, at may suporta mula sa Philippine Foundation for Breast Care, Inc.

Layunin ni Arago na ang mga kapuwa niya ina ay magabayang malayo o makaiwas na makapitan ng sakit na kanser sa obaryo o sa dibdib.

Isang obstetrician-gynecologist o isang manggagamot na ang espesyalisasyon sa panggagamot at may kaugnayan sa panganganak at pagdadalangtao, ang nagpapaalaala na ang mga sasailalim ng pap smear examination ay dapat na walang regla at hindi nakipagtalik sa nalolooban ng nakalipas na 24 oras.

Para sa karagdagang impormasyon ukol sa libreng pap smear at breast examination ay maaaring tawagan sina Jenny Amante sa telepono bilang (049) 503-1472, Cora EscaƱo sa cp no. 0921-206-6932 at Wena Flores sa cp no.0919-651-8369.

Samantala, ang mga kabataang magsisipag-aral sa kolehiyo sa darating na School Year 2011-2012 ay maaaring humiling ng tulong na pinansyal para sa kanilang pag-aaral mula sa Scholarship Fund ni Congresswoman Arago na pinangangasiwaan ng Commission on Higher Education (CHED).

Ang aplikante ay dapat mag-submit sa Tanggapan ni Cong Ivy ng mga sumusunod: Certificate of Registration (photo copy in three copies); dalawang kopya ng resibo ng pagbabayad; dalawang kopya ng class record o report card; isang essay o sanaysay na may paksang “Bakit ako karapatdapat maging scholar ni Congresswoman Ivy Arago” na hindi bababa sa 300 salita o words; kopya ng pinakahuling electric bill at water bill, photo copy ng school ID; sertipikasyon ng punong barangay na ang estudyante ay sadyang karapatdapat tulungan (barangay indigency letter) at contact number ng aplikante, na ang lahat ng ito ay dapat makarating sa tanggapan ng kongresista sa o bago sumapit ang Hunyo 29, 2011.

Ipinauunawa na ang aplikante ay sasailalim ng nasusulat na pagsusulit o written examination; kakapanayamin at kukunan ng character investigation upang matiyak na hindi maaabuso o mapagsasamantalahan ang palatuntunang ito na pagtulong sa mga kabataang may talino, subalit maaaring kapus sa pang-araw-araw na gugulin sa pag-aaral. (SEVEN LAKES PRESS CORPS)