Thursday, February 10, 2011

RABIES PREVENTION AT CONTROL PROGRAM ORIENTATION NG CHO

San Pablo City – Seryoso ang lokal na pamahalaan ng Lunsod ng San Pablo sa pangunguna ni Mayor Vicente B. Amante at ng City Health Office na pinamumunuan ni Dr. Job Brion sa pagsusulong ng adbokasiyang naglalayong maiwasan at makontrol ang nakamamatay na Rabies.

Kaya noong Pebrero 4 ay nagsagawa ang CHO sa pangunguna ni Dra. Maria Victoria Guia ng isang oryentasyon sa mga barangay officials tungkol sa Rabies. Dinaluhan ito ng 72 Punongbarangay at ilang mga kinatawan buhat sa iba’t ibang tanggapan ng pamahalaang loka

Naging resource person ang kinatawan ng Department of Health na si Bb. Emma Cardona. Masusing tumalakay ni Bb. Cardona ang R.A. 9482 o Anti-Rabies Act of 2007. Samantala, sina Dra. Guia at Dra. Gigi Orsolino, City Veterinarian naman ang magkatuwang na nagsagawa ng presentasyon ng kasalukuyang estado ng Rabies gayundin ang mga programang inihanda ng pamahalaang local ukol sa naturang sakit para sa Lunsod.

Matatandaan na ang Rabies ay isang uri ng sakit na nakamamatay buhat sa kagat o di kaya’y sa mga sariwang sugat o gasgas na nalagyan ng laway ng hayop na may rabies. Isa itong virus na direktang nakakaapekto sa central nervous system ng sinumang nakagat ng hayop na may rabies kung kaya’t ang sinumang tamaan nito ay 100% na namamatay.

Mahigpit naman ang paalala ng CHO na agad pumunta sa Animal Bite Treatment Center na matatagpuan sa Brgy. Bagong Pook Health Center kung nakagat o nasugatan ng hayop na hinihinalang may rabies upang mabakunahan. Ayon pa kay Dra. Guia, hindi dapat magtiwala o di kaya’y magpagamot sa “tandok o mga albularyo” sapagkat lubha itong delikado

Tiwala naman si City Admin. Amben na malaki ang maitutulong ng maigting na kampanya at pagbibigay ng sapat na impormasyon ukol sa Rabies upang ganap na mapuksa ito. Pinaalalahanan din ng Administrador ang lahat ng mga may-ari ng hayop na huwag pabayaang gumagala ang kanilang mga alaga upang hindi makakagat. Pinaalala rin niya na paturukan ang mga hayop upang maiwasan ang pagkakaroon ng rabies. (CIO)

No comments: