Thursday, July 2, 2009

REBOLUSYON, ILULUNSAD NG PDSP

REBOLUSYON, Ilulunsad ng PDSP – SEC. NORBERTO GONZALES ni Nani Cortez
San Pablo City - Maglulunsad ng isang mapayapang rebulusyon ang Partido Demokratikong Sosyalista ng Pilipinas (PDSP) at naghayag na hindi sasama kanino mang kandidato sa pagka-pangulo sa darating na halalan.

Isa ito sa buod ng sinabi ni National Security Adviser Norberto Gonzales sa idinaos na necrological service patungkol at alay sa napaslang na PDSP Secretary-General na si Laguna PCL President Danny Yang noong araw ng Linggo. Dumalaw sa lamay ni Yang ang kalihim bilang punong tagapagpaganap ng PDSP.

Nanawagan pa ang kalihim na huwag payagang manaig ang pwersa ng pulitika kung saan ang mga mahirap ay lalong naghihirap at walang pagbabagong nakakamit ang bansa. Ito ang dahilan ayon pa kay Gonzales kaya;t ang mga mahihirap ay walang pagkakataon sa mga pambansang posisyon.

Kaugnay sa nangyari kay Yang at dalawa nitong kasama ay nangako itong papanagutin sa batas hindi lamang ang mga salarin kung hindi pati na ang utak sa nangyaring karahasan. Hindi dapat itong mangyari ayon pa sa kalihim.

“Bakit namatay si Danny?” ang tanong ni Gonzales.

Tuwirang sinagot ng kalihim ang katanungang ito’y sapagkat maigting na isinusulong ng bokal ang paniniwala at gawaing karapat-dapat ayon sa prinsipyo ng demokrasya.

Dito ay tinukoy niyang ang mga nagnanais magpapatay sa pangulo ng republika ang siya ring pumatay kay Yang. Bahagi aniya ito ng dahas na gusto nilang mamayani dugtong pa ng kalihim.

Sa pagtatapos ni Gonzales ay pinayuhan niya ang maybahay nang yumaong bokal na si Angie Yang na tumindig at gumawa ng sariling laban.(NANI CORTEZ)

ANGIE YANG, ITUTULOY ANG LABAN NI D.Y.

Itutuloy ng maybahay ng napaslang na bokal na si Danny Yang ang labang nasimulan ng asawa na nauntol sanhi ng maaga nitong pagyao.

Ito ang tinuran ni Gng. Angie Yang sa talumpating binigkas sa raling kumukondena sa marahas na pagpaslang kina D.Y., Ex-Chairman Manolo Barcenas at Brando de los Santos na ginanap kanina sa liwasang bayan.

Buong tatag itong sinabi ni Angie sa harap ng humigit kumulang na tatlong libong dumalo sa naturang rally na binubuo ng mga kaibigan ng pamilya buhat sa ibat-ibang sektor ng lipunan, mga kababayang natulungan at mga San PableƱong mahigpit na naniniwala sa ipinaglalaban ng yumaong bokal.

Malakas na sigawan ang itinugon ng lahat ng sumaksi sa pagtitipon lalo na ng ipagtapat ni Angie na hanggang sa mga sandaling iyon sa kabila ng dalang dalamhati ay hindi pa siya nakakaluha dahil aniya sa maraming umaasa sa yumao niyang kabiyak, na marahil ay nagbigay lakas loob upang masabi ang bagay na iyon.

Sabagay ay batid naman ni Angie kung ano ang gawain ng mga nasa pulitika dahil kadalasang kapiling siya ng kabiyak sa pagharap sa mga nagiging panauhin nila sa kanilang tahanan. Dito humigit kumulang ay may ideya na siya kung paano ang pakikipag kapuwa-tao.

Ang tanong lang marahil ay otomatikong sasama ba sa kanya ang lahat ng supporter ni D.Y., subalit batay naman sa pagtanggap ng mga naroroon sa kanyang inihayag ay masasabing positibo ang katugunan? Nangangahulugan ito na sang-ayon sila na isabalikat ni Angie ang mabigat na adhikaing maiiwan ni D.Y..

Saka-sakali ay muling magkakatotoo na paulit-ulit lang ang kasaysayan. Nangyari na ito sa Olongapo nang paslangin si Mayor James Gordon noon at maluklok ang kanyang may-bahay na si Amelia bilang alkalde sa sumunod na eleksyon. Ganun din nang masawi sa helicopter crash si Sen. Gaudencio Antonino, na hinalinhan ng asawang si Sen. Magnolia Antonino.

At pinakahuli ay ang pagkapaslang kay Sen. Benigno Aquino kung saan si President Cory ang naging pambato ng oposisyon sa halalan. Inako na ni Angie ang iniwang responsibilidad ni D.Y., ito na kaya ang muling pagbabalik sa kasaysayan? (Nani Cortez)