Saturday, August 1, 2009

GOLF COURSE SA MTS. BANAHAW AT SAN CRISTOBAL, PINASINUNGALINAN NI REP. ALCALA

Lucena City - Pinabulaanan ni Quezon 2nd District Congressman Proceso Alcala ang napaulat sa lokal na pahayagan na pagtatayo ng isang golf-course sa paanan ng Mts. Banahaw at San Cristobal sanhi ng kanyang panukalang batas na ang layunin ay mabigyang proteksyon ang mga naturang bundok.

Nilinaw rin ng mambabatas na ang HB4299 ay dumaan sa masusing pag-aaral at kaukulang konsultasyon sa mga stakeholder. Katunayan aniya na ang kanyang panukala ay nagbuhat sa RA 7586 NIPAS (National Integrated Protected Area System Act of 1992) at Presidential Proclamation PP411 of 2003 ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.

Ang HB 4299 ay naiakda upang higit na mapangalagaan ang biodiversity, ecological at religious significance ng mga naturang lugar, kung kaya aniya ang titulo nito’y Mts. Banahaw and San Cristobal Protected Landscape para sa kapakinabangan ng Lalawigan ng Laguna at Quezon.

Tiniyak pa ni Alcala na sa probisyon ng HB 4299 ay isa ang mga golf course sa mahigpit na ipinagbabawal para sa nasabing lugar. Malisyoso at walang batayan ang naturang ulat dugtong pa ng kongresista.

Samantala ay nakatakdang lihaman ni DENR Protected Area Superintendent (PASu) Saludo Pangan ang Sangguniang Panlalawigan ng Laguna, partikular si Senior Board Member Karen C. Agapay upang alamin kung saan nakuha ang impormasyon na ginawang batayan ng kanyang privilege speech.

Si PASu Pangan ay miyembro ng Protected Area Management Board (PAMB) na siyang tumatayong policy and law making body ng Mts. Banahaw-San Cristobal governing board sa ilalim ng mandato ng NIPAS Act.

Aalamin rin ng PAMB ang source ng naturang ulat sa pahayagan. (sandy belarmino)

IWASAN ANG MAKURYENTE

Nakaka-intriga ang mga lumitaw na ulat hinggil sa pagtatayo ng golf course sa Mount Banahaw-Mount San Cristobal area na bahagi ng tinatawag nating National Park o isang protected area sa ilalim ng NIPAS (RA 7586, National Integrated Protected Area System Act of 1992).

Sinakyan ito ng Sangguniang Panlalawigan (SP) ng Laguna at sa bisa ng privilege speech ni Senior Board Member Karen C. Agapay ay isa umanong resolusyon ang binuo upang ipadala sa Palasyo ng Malakanyang at mga bayan-bayan sa paligid ng mga nasabing bundok sapagkat walang public hearing na naganap ukol dito.

Ang proyekto ayon sa ulat ay kapapalooban din ng cable cars na isasakatuparan ng mga foreign investors na higit na nakapag-ngitngit sa kalooban Ng marami sapagkat tuwiran itong pagsalaula ng isang kalikasan natin saka-sakaling ang lahat ay may katotohanan. May mga pahayag ring 50 pamilya na ang pinalayas mula sa lugar, at ang batas ukol dito ay napagtibay sa loob lang ng isang araw.

Seryoso ang mga aligasyon subalit hindi kapani-paniwala sanhi sa komposisyon ng ating kongreso na ang lahat ay hindi uusad nang hindin pinagtatalunan. Ito ang kapulungang ang simpleng kuwit at tuldok ay pinagde-debatehan, na sa pagkakataong ito ay ang pagsalaula pa kaya sa kapaligiran ang kanilang payagan?

Sa advisory ng privilege speech ni SBM Agapay ay sinaliksik ng may akda ang HB 4299 at SB 2392 na nagdideklara sa Mount Banahaw at Mount San Cristobal bilang isang protected landscape. Mahigpit ang kautusang SECTION 12 ng HB 4299 na kahit ang simpelng pagdampot o pagkuha ng batong panghilod ay ipinagbabawal at may kaparusahan.

Mas mahigpit at tuwiran ang SB 2392 lalo’t higit ang approved version ng BICAM ng dalawang kapulungan sa SECTION 18-B-2 ay nililinaw na “That large-scale private infrastructure and other projects such as medium to high density residential subdivisions, medium to large commercial and industrial establishments, GOLF COURSES, heavily mechanized commercial and non-tradition farming and other activities that cause increased in-migration and resource degradation are ABSOLUTELY PROHIBITED.

Dokumento laban sa dokumento ay walang batayan ang Sangguniang Panlalawigan ng Laguna sa inilabas (o ilalabas) na resolusyon na kumukondena o kukondena sa HB 4299 at SB 2392. “Mapapaso o maku-koryente kayo dito” ayon kay Congressman Proceso Alcala ang author ng naturang panukalang batas. Ang tanong ay anong pinagbatayan ni SBM Agapay sa kanyang privilege speech?

Nagbuhat pa sa NIPAS (RA 7586 of 1992) at PP 411 0f 2003 ni PGMA ang HB 4299 kaya’t malabo ang aligasyong walang naganap na public hearing. Bilang mambabatas at abogada ay batid lahat ito ni SBM Agapay kaya;t kataka-taka ang kanyang memory gap sa pagiging selective.

Hindi pa nalalagdaan ng pangulo ng republika ang nasabing batas at wala pang bisa. Pasinungaling ito sa 50 pamilya na pinaalis sanhi ng naturang panukala. Para sa ating mga bokal, please dig deeper bago tayong lahat ay mapaso at makuryente. (SANDY BELARMINO)

Friday, July 31, 2009

PDP-LABAN, LAGANAP NA SA SOUTH LUZON

San Pablo City - Laganap na sa buong Timog Luzon ang adbokasiyang welfare state na isinusulong ng Partidong Demokratiko Pilipino-Laban ng Bayan (PDP-LABAN) sa walang humpay na pagsasagawa ng Barangay Membership Seminar (BMS) sa mga lalawigan, lunsod, bayan at kanayunan ng CALABARZON (Region 4-A), MIMAROPA (Region 4-B) at Kabikulan (Region 5) sa nakalipas ng isang taon.

Napag-alamang halos lahat ng barangay at bayan sa mga nasabing rehiyon ay napagdausan na ng BMS at pawang nakapagbuo na ng konseho municipal para sa PDP-LABAN, na kinabibilangan ng mga kabataan, NGO’s at mga opisyales ng barangay, bayan at lunsod.

Sa kabila ng patuloy na paglago ay hindi pa rin nagtutugot ang liderato ng partido na binubuo nina Senador Aquilino Pimentel bilang chairman, Makati City Mayor Jejomar Binay, pangulo, at Atty. Koko Pimentel bilang secretary-general sa pagpapaabot ng suporta sa mga regional chairman upang makaabot pa ang adbokasiya sa mga malalayong barangay.

Sa pamumuno ni dating Vice-Mayor Celia Conducto-Lopez ay nagdaos ng BMS ang nasabing grupo sa mga island-town ng Quezon, Alabat at Perez sa lalawigang Quezon, kung saan nakiisa sa layunin sina Vice-Mayor Pedrito Alibasbas, Jr., Vice-Mayor Pelagio Baldovino at Perez No. 1 Councilor Randy Caparas, mga punong barangay, NGO’s at youth leaders.

Nakiisa rin ang mga senior citizen at nakapagbuo pa ng BE-NICE Movement ang mga kabataan sa mga nasabing bayan.

Mula sa inisyatiba ni Lopez ay ganap nang nabuo ang municipal council ng PDP-LABAN sa mga bayan ng Victoria, Calauan, Rizal at Nagcarlan sa ikatlong purok ng Laguna, samantalang ang konseho sa lunsod na ito ang pinaka matibay sa bansa sapagkat ito ang pinaka unang chapter ng partido sa labas ng Metro Manila na nakatayo pa sapul ng 1983.

Katulong ni Lopez sa lalawigang ito ay sina Rizal Vice Mayor Aurelio, Victoria Councilor James Rebong at Kon. Pamboy Lopez ng lunsod na ito.

Ang welfare state principle ayon kay Lopez ay kahalintulad ng pamamahala ni Mayor Binay sa Lunsod ng Makati kung saan ibinabahagi ng lunsod sa mga mamamayan ang pakinabang sa pamamagitan ng libreng edukasyon, pagpapa-ospital at iba pang benepisyo na dapat tamasain ng taumbayan.

Ito rin anya ang nasa likod kung bakit inakda ni Senador Pimentel ang Local Government Code kung saan ang lokal na pamahalaan ang nagpapasya sa kung paano pauunlarin ang pamayanan batay sa tinatanggap na Internal Revenue Allotment (IRA) na kabahagi mula sa pambansang buwis ng pamahalaan. Ipinaglaban ito ni Pimentel noong unang termino niya bilang senador upang mapalawig ang Welfare State Principle.

Bukod sa pagiging dating vice-mayor ay si Lopez ang nanunungkulang Deputy Secretary=General ng PDP-LABAN sa South Luzon. (NANI CORTEZ)