Saturday, August 1, 2009

GOLF COURSE SA MTS. BANAHAW AT SAN CRISTOBAL, PINASINUNGALINAN NI REP. ALCALA

Lucena City - Pinabulaanan ni Quezon 2nd District Congressman Proceso Alcala ang napaulat sa lokal na pahayagan na pagtatayo ng isang golf-course sa paanan ng Mts. Banahaw at San Cristobal sanhi ng kanyang panukalang batas na ang layunin ay mabigyang proteksyon ang mga naturang bundok.

Nilinaw rin ng mambabatas na ang HB4299 ay dumaan sa masusing pag-aaral at kaukulang konsultasyon sa mga stakeholder. Katunayan aniya na ang kanyang panukala ay nagbuhat sa RA 7586 NIPAS (National Integrated Protected Area System Act of 1992) at Presidential Proclamation PP411 of 2003 ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.

Ang HB 4299 ay naiakda upang higit na mapangalagaan ang biodiversity, ecological at religious significance ng mga naturang lugar, kung kaya aniya ang titulo nito’y Mts. Banahaw and San Cristobal Protected Landscape para sa kapakinabangan ng Lalawigan ng Laguna at Quezon.

Tiniyak pa ni Alcala na sa probisyon ng HB 4299 ay isa ang mga golf course sa mahigpit na ipinagbabawal para sa nasabing lugar. Malisyoso at walang batayan ang naturang ulat dugtong pa ng kongresista.

Samantala ay nakatakdang lihaman ni DENR Protected Area Superintendent (PASu) Saludo Pangan ang Sangguniang Panlalawigan ng Laguna, partikular si Senior Board Member Karen C. Agapay upang alamin kung saan nakuha ang impormasyon na ginawang batayan ng kanyang privilege speech.

Si PASu Pangan ay miyembro ng Protected Area Management Board (PAMB) na siyang tumatayong policy and law making body ng Mts. Banahaw-San Cristobal governing board sa ilalim ng mandato ng NIPAS Act.

Aalamin rin ng PAMB ang source ng naturang ulat sa pahayagan. (sandy belarmino)

No comments: