Saturday, February 19, 2011

PROGRAMA NG PAGLILINGKOD, ISAGAWA NG MAY SISTEMA - REP. ARAGO

San Pablo City - Mahigpit ang naging tagubilin ni 3rd District Congresswoman Maria Evita Arago sa kanyang mga staff at volunteer dito hinggil sa mga gagawing pagpapatupad ng mga programa upang higit na mapaigting ang pagtugon ng kanyang tanggapan sa pangangailangan ng distrito.

Sa pulong na ipinatawag ng mambabatas sa kanyang district office ay hinimok niya ang mga ito na maging masigla sa paglilingkod, lagyan ng sistema ang nakalaang gawain at tuwinang isaisip ang papel na ginagampanan ng isang huwarang lingkod bayan na kaya nandoon ay upang tumugon sa maraming hinaing ng mga mamamayan.

Ayon sa kongresista ay “Public Office is a public trust, kaya ipadama sa mga constituents ang init ng paglilingkod na nararapat upang hindi mangimi ang nangangailangan ng tulong sa paglapit at maipabatid sa kanila na may pamahalaan silang masasandalan.”

“At upang mas mapagaan ang mga gawain”, dugtong pa ni Cong. Ivy “ay lakipan ninyo ng enthusiasm ang pagganap dito upang maibsan ang dalahin ng mga kababayang may mga suliranin.”

Ipinatawag ni Arago ang pulong sa mga staff at mga katulong ng kanyang tanggapan kaugnay sa nalalpit niyang pagluluwal ng sanggol at dahil na rin sa payo ng manggagamot na umiwas muna sa sobrang pagod at ipa pang stressful activities na kanya nang nakagawian.

Sa kaugnay na ulat ay muling magsasagawa ng MOBILE PASSPORTING ang tanggapan ni Cong. Arago sa darating na Pebrero 26 sa Villa Evanzueda, Sityo Baloc, Brgy. San Ignacio sa lunsod ding ito.

Bagamat 500 lang ang inihayag na maiisyuhan ng passport ay umabot naman sa 700 ang mga aplikanteng nagsumite ng requirements sa district office ng kongresista subalit dahil sa ipinatutupad na sistema ni Cong Ivy na may kanya-kanyang time schedule ang mga ito ay inaasahang hindi magkakaroon ng siksikan at ang lahat ay maluwag na mapaglilingkuran. (seven lakes press corps)

EMOSYON

Hati ang opinyon ng mga Pinoy sa pagyao ni dating kalihim at AFP Chief of Staff Angelo Reyes nang kitlin niya ang sariling buhay kamakailan sapagka’t lumitaw ang emosyon ng sambayanang Pilipino dahil sa damdaming likas na paggalang sa isang namayapa.

Dahil sa kaugaliang Pinoy na iwasang dungisan ang alaala ng isang yumao ay may mga nagmumungkahing huwag nang isama ang kanyang pangalan sa ginagawang pagdinig sa senado hinggil sa katiwalaan sa AFP at isantabi na lamang ang kanyang partisipasyon ukol dito.

Samantalang may mga nagsasabing sa kanyang pagyao ay hindi ligtas ang kanyang pamilya sa pananagutang sibil sakasakali mang mapatunayang nagtamasa siya mula sa katiwalian sa panahon ng kanyang panunungkulan.

Walang nakakaalam sa tunay na dahilan ng pagpapatiwakal ni Reyes maliban sa pinalulutang ng ilan na dinamdam nito ang pagka-dungis ng karangalang lubos niyang pinahahalagahan bukod pa sa iginigiit ng marami na nasukol na ito at iniwasan na lamang na magdamay pa ng ilang personalidad.

Subalit ano man ang dahilan ay huwag nating ipagkait kay Reyes na malinis ang pangalan kahit siya’y nasa kabilang buhay na, ipagpatuloy ng senado ang pagdinig, bawasan ang emosyon at hayaang lumitaw ang dalisay na katotohanan.

Thursday, February 17, 2011

BATAS NASYUNAL

Mabuti na lamang at nalinawan ng marami nating mga kababayan ang tunay na katotohanan ukol sa pagiging requirement o pagkuha ng clearance sa Social Security System (SSS), Philhealth at Pag-ibig upang makakuha ng business permit o renewal ng mga prangkisa sa tricycle ay kautusang nanggaling mula sa pambansang pamahalaan at hindi sa lokal na pamahalaan.

May mga sektor kasing walang magawa na ipinagkakalat na ito raw ay kautusan mula sa mga punong lalawigan, lunsod at mga bayan na lubhang kay layo sa katotohanan.

Ang kautusang pong ito ay inilabas ng national government upang makatiyak na ang mga kawani at tauhan ng mga bahay kalakal at mga negosyante ay may angkop na proteksyon mula sa SSS, Philhealth o Pag-ibig nang sa ganoon ay mapangalagaan ang mga ito habang naghahanap-buhay.

Napakahalaga kasi ang SSS sa bawat empleyado sapagkat ito ang gumagabay sa kanila sa kanilang pagtanda at nagsisilbing insurance ng mga kawani, ang Philhealth naman ang tumutugon sa pangangailangang medikal ng isang manggagawa at kanyang pamilya, at sumasagot sa gastusin lalo na kung maoospital, samantalang ang Pag-ibig ang nilalapitan ng mga miyembro sa aspeto ng mga pabahay.

Dapat ding malaman ng ilang hindi nakakaunawa na may mga sariling charter na lumikha sa SSS, Philhealth at Pag-ibig, at ang mga ito ay sakop ng mga republic act o dekretong ginawa ng kongreso o pangulo ng bansa upang mapangalagaan ang sambayanang Pilipino, na katulad ng kautusang ang bawat kawani o manggagawa sa pamahalaan ay dapat may coverage ng GSIS.

Ang layunin ng gobyernong nasyunal sa pagsasama ng SSS, Philhealth o Pag-ibig bilang requirement sa business permit, mayor’s permit o prangkisa ay upang mapalaganap ang coverage ng mga ito alang alang sa kinabukasan ng mga manggagawa at taumbayan sa kanilang pagtanda.

Dapat ding linawin na ang mga batas nasyunal ay hindi maaaring ipawalang bisa ng alin mang Sangguniang Panlalawigan, Panglunsod o Bayan. Ang mga kautusang nakatadhana dito ay dapat ding ipatupad ng isang gobernador at alkalde, at kung hindi nila ipatutupad ay isang malaking pananagutan at possible silang makasuhan.

At ito rin ang dahilan kung bakit may mga nakatalagang mga tauhan ang SSS, Philhealth at Pag-ibig sa bawat lunsod at bayan sa panahon ng pagkuha at renewal ng business permit o prangkisa.(sandy belarmino)

Monday, February 14, 2011

HAPPY BIRTHDAY TITA EVA ARAGO

Sa sandaling ito, di pa man nadating

Ang araw ng Puso, na nagluluningning

Ang 7 Lakes Press Corps, ika’y babatiin

HAPPY HAPPY BIRTHDAY, TITA EVA namin!


February 27, ang iyong kaarawan

Sa signo ng Pisces, ay matatagpuan

Sa magulong mundo, nitong sanlibutan

Ang iyong daigdig, ay makasaysayan!


Kahit nabulabog, itong uniberso

Mga bituin ma’y, nagkagulo-gulo

Ang iyong Horoscope, ay hindi nagbago

Nag-iisa ka lang, kay Hizon Arago!


Para kay Attorney, wala kang kapantay

Ika’y karagdagan, sa hiram na buhay

Sa hirap at dusa, galak at tagumpay

Kayo’y pinag-isa, laging magkaramay!


Ikaw ang nagdala, sa sinapupunan

At siyang nagluwal, sa lider ng bayan

Ikaw rin ang gabay, mula kamusmusan

Hanggang magtagumpay, bilang Congresswoman!


Ikatlong Distrito, dito sa Laguna

Ay nasisiyahan, lipos ng ligaya

Ang mga proyekto, lahat kitang-kita

Bukod ang personal, na tulong sa masa!


Ang aming dalangin, sa ‘yong kaarawan

Marami pang bertdey, ang iyong makamtan

Sumaiyo lagi, itong kagalakan

Ang Dakilang Diyos, ika’y patnubayan!