Saturday, February 19, 2011

PROGRAMA NG PAGLILINGKOD, ISAGAWA NG MAY SISTEMA - REP. ARAGO

San Pablo City - Mahigpit ang naging tagubilin ni 3rd District Congresswoman Maria Evita Arago sa kanyang mga staff at volunteer dito hinggil sa mga gagawing pagpapatupad ng mga programa upang higit na mapaigting ang pagtugon ng kanyang tanggapan sa pangangailangan ng distrito.

Sa pulong na ipinatawag ng mambabatas sa kanyang district office ay hinimok niya ang mga ito na maging masigla sa paglilingkod, lagyan ng sistema ang nakalaang gawain at tuwinang isaisip ang papel na ginagampanan ng isang huwarang lingkod bayan na kaya nandoon ay upang tumugon sa maraming hinaing ng mga mamamayan.

Ayon sa kongresista ay “Public Office is a public trust, kaya ipadama sa mga constituents ang init ng paglilingkod na nararapat upang hindi mangimi ang nangangailangan ng tulong sa paglapit at maipabatid sa kanila na may pamahalaan silang masasandalan.”

“At upang mas mapagaan ang mga gawain”, dugtong pa ni Cong. Ivy “ay lakipan ninyo ng enthusiasm ang pagganap dito upang maibsan ang dalahin ng mga kababayang may mga suliranin.”

Ipinatawag ni Arago ang pulong sa mga staff at mga katulong ng kanyang tanggapan kaugnay sa nalalpit niyang pagluluwal ng sanggol at dahil na rin sa payo ng manggagamot na umiwas muna sa sobrang pagod at ipa pang stressful activities na kanya nang nakagawian.

Sa kaugnay na ulat ay muling magsasagawa ng MOBILE PASSPORTING ang tanggapan ni Cong. Arago sa darating na Pebrero 26 sa Villa Evanzueda, Sityo Baloc, Brgy. San Ignacio sa lunsod ding ito.

Bagamat 500 lang ang inihayag na maiisyuhan ng passport ay umabot naman sa 700 ang mga aplikanteng nagsumite ng requirements sa district office ng kongresista subalit dahil sa ipinatutupad na sistema ni Cong Ivy na may kanya-kanyang time schedule ang mga ito ay inaasahang hindi magkakaroon ng siksikan at ang lahat ay maluwag na mapaglilingkuran. (seven lakes press corps)

No comments: