Wednesday, March 24, 2010

TODO UNLAD MALAMIG FESTIVAL YR. 2

Isa na namang ganap na tagumpay ang katatapos lang na pestibal na pinamagatang “Todo Unlad Malamig Festival 2”. Ang kasayahan ay isinakatuparan sa loob ng pitong araw mula ika-13 hanggang ika-19 ng Marso 2010 para sa pagdiriwang ng kapistahan ng mahal na Patrong si San Jose. Maraming talento ang ipinamalas ng mga taga Barangay San Jose at mga kalahok mula sa iba’t-ibang larangan ng sining. Ang mga nakiisa at nakisaya ay nagmula sa naturang barangay at kanugnug na bayan para makilahok sa mga nasabing patimpalak.

Iba’t-ibang uri ng patimpalak ang napapaloob sa 7 araw na pagdiriwang na pinamunuan ng KANAYON sa pangunguna ng kanilang pangulo na si G. Rod Guia at VP Elsa F. Zagada sa tulong na rin ni Barangay Chairman, Gener B. Amante at ng buong Sangguniang Barangay. Marami rin ang naghandog o nag-sponsor sa naturang kasayahan katulad ng Pharmawealth Laboratories, Kojie San, Universal Robina Corporation at mga kilalang tao sa larangan ng pulitika.

Ang pagdiriwang ay napapalooban ng iba’t-ibang patimpalak katulad ng Search for Miss Gay San Jose, KANAYON Talent Night and Singing Contest, DSL Night-Dance Competition, Mayor’s Night – San Jose Got Talent, SK Night, Barangay Council’s Night – Starry Starry Night, Battle of the Band sa Rondel Diaz Night at Palarong Bata at Bata Batuta na ginanap mismong umaga ng kapistahan noong Marso 19.

Marami ang namangha sa ipinamalas na sayaw ng mga kasapi ng KANAYON, hindi sila makapaniwala na makikita nila ang mga kasapi ng naturang samahan na magbibigay ng isang sayaw bilang pasinaya at magdulot ng ibayong kasiyahan sa lahat.

Marami rin ang humanga at natuwa sa ginanap na 1 linggong pagdiriwang, ayon nga sa samahan ng mga mediamen ng Seven Lakes Press Corps: “ang Barangay San Jose lang ang natatanging barangay sa lalawigan ng Laguna na nagdaraos ng kakaibang pestibal para sa kanilang kapistahan.” Ang tagumpay ng palatuntunan ay masasabing tagumpay ng barangay sampu ng kanyang kinatawan (FEBautista).
.

COMPUTER PARA SA BJMP

Ang nasa larawan ay sina Jail Warden Senior Inspector Adelaida A. Taburada (dulong kaliwa) at San Pablo District Jail Capt. Arvin T. Abastillas (pangalawa sa kanan) habang tinatanggap mula kina Senador Lito Lapid (pangalawa mula sa kaliwa) at 3rd Dist. of Laguna Rep. Ivy Arago (nasa gitna) ang computer na kanilang ipinagkaloob sa BJMP upang magamit sa maayos at mas epektibong pamamalakad ng naturang ahensiya. Kasama rin sa larawan si GM Mark Lapid ng Philippine Tourism Authority. (Sandy Belarmino)

TROPANG LITO LAPID

Masayang nagpakuha ng larawan ang mga kaibigan at supporters ni Senador Manuel Lito Lapid nang bumisita ito sa Lunsod ng San Pablo noong nakaraang Linggo. (L-R) Mar “Daboy” Rogador, Bb. Cristy Villamor, Sen. Lapid, Nitz Amante, Congresswoman Ivy Arago, City Councilor Dante B. Amante and former City Councilor Dr. Egay Adajar. (SANDY BELARMINO)