Saturday, October 18, 2008

49 ANYOS LAMANG

Makulay ang linggong ito para sa Lunsod ng San Pablo na kapapalooban ng maraming aktibidades ng iba’t-ibang departamento ng lokal na pamahalaan. Magiging hitik ng paglilingkod sa ngalan ng serbisyo publiko ang bawat kagawaran ng lunsod.

Massive ang idaraos na medical mission na kung baga ay masisipag na ang mga taga City Health Office ay pag-iibayuhin pa nila ang kasipagan sa linggong ito. Ang feeding program ng City Population Office ay ganoon din ang gagawin sa bawat barangay ng San Pablo.

May nakahanda na ring mga gawain ang City Social Welfare and Development Office mula bukas na magpapatuloy hanggang sa kabilang linggo, busy ang lahat ng departamento sa isasagawang kasalang bayan sa Oktubre 23 at malaking Jobs Fair kinabukasan Oktubre 24. Ang lahat ay nakasisigurong magiging abala sa mga petsang nabanggit.

Kinagabihan ng Biyernes ay matutunghayan ng mga San Pableño ang pinanabikang Kasiglahan Todo Bigay na programa ng Liga ng mga Barangay sa kagandahang loob ni ABC President Gener B. Amante at sa pakikipagtulungan ng Seven Lakes Press Corps. Ito ay tatlong gabing paligsahan sa pag-awit mula Oct. 24 hanggang Oct. 26 araw ng Linggo.

Naglalakihan ang premyong naghihintay sa mga magwawagi sa dalawang kategorya na 15 years old below at 16 years old above. Lahat ng ito ay handog sa kaarawan ng ama ng lunsod na si Mayor Vicente B. Amante sa araw ng Lunes Oktubre 27.

Hindi naman pahuhuli ang ating mga senior citizens sapagkat tila ba ay ngayon pa lang ay nagkakasiyahan na parang bukod sa birthday ng alkalde ay may iba pang ipinagdiriwang. Walang humpay ang gagawin nilang sayawan bilang handog pagpapasaya.

May naulinigan ang pitak na ito na kaya aktibo ang mga senior citizens at masayang-masaya ay diumano’y dahil bilang welcome party sa punong lunsod sa kanilang samahan, na ito nama’y mahigpit na tinututulan ni Kagawad Kawad sapagkat si MAYOR VIC AMANTE ay 49 ANYOS LAMANG!!! (Sandy Belarmino)

MGA KOOPERATIBA NG SPC, LALAHOK SA 1ST LAGUNA BUSINESS & INVESTMENT EXPO 2008

San Pablo City - Kaugnay sa ipinagdiriwang na Cooperative Month na may temang “Cooperatives Breaking Through Barriers and Beyond” ay sa ilalim ng pakikiisa at pagtataguyod nina Punong Lunsod Vicente B. Amante at OIC-City Cooperative Officer Concepcion “Beth” M. Biglete ay sa kauna-unahang pagkakataon ay lalahok ang mga kooperatiba ng lunsod na ito sa gaganaping 1st LAGUNA BUSINESS & INVESTMENT EXPO 2008 na sisimulan sa Nobyembre 5, SM Sta. Rosa Activity Center, Santa Rosa City.

Hangarin ng naturang Exposition na maipakita at maipakilala sa buong mundo ang mga produkto ng ating lunsod at ng kalakhang Lalawigan ng Laguna at makalikha na rin ng networking and linkages na kailangan ng mga negosyanteng taga-Laguna upang lalo pang mapasigla ang kalakalan sa bahaging ito ng kapuluan.

Isa sa mga kooperatibang lalahok ay ang Coco Natur Overseas Filipinos Worldwide and Producers Cooperative na pinamumunuan ni Bb. Estrella Dizon-Añonuevo. Samantala’y magtatayo rin ang mga ito ng libreng booth sa SM Sta. Rosa upang ipakilala ang ipinagmamalaking mga produktong gawa mula sa sangkap ng niyog, tulad ng sabong-pampaligo, lotion at massage oil na nagtataglay ng pambihirang kabanguhan at banayad sa balat ng gumagamit.

Naniniwala sina Amante at Biglete na malaki ang papel na gagampanan ng mga kooperatibang lalahok sapagkat maiibsan ng kanilang pakikiisa ang nararanasang dagok ng pandaigdigang krisis sa ekonomiya. (JONATHAN ANINGALAN/CIO-SPC)

Thursday, October 16, 2008

SPCPS. KINILALA NG OCD

Camp Vicente Lim – Dahil sa ipinamamalas na kahandaan sa mga kalamidad at sakunang nagdaraan sa Lunsod ay kinilala ng Office of Civic Defense (OCD) ang kabayanihan ng San Pablo City Police Station sa pagtugon sa mga naturang kagipitan.

Sa seremonyang ginanap dito noong Biyernes ay ipinagkaloob nina OCC Regional Director Vicente E. Tomazar at PRO 4A Chief Supt. Ricardo Padilla bilang Regional Director Coordinating Council (RDCC) Chairman, ang special citation kay SPCPS Chief of Police P/Supt. Joel C. Pernito tanda ng pagpapahalaga sa naturang unit ng pulisya.

Kinilala rin si Atty. Marius Zabat bilang chairman ng City Disaster Coordinating Council (CDCC) ng nasabing lunsod.

Magugunitang mahusay na napangasiwaan ng SPCPS ang epekto ng pagkabagsak ng isang helicopter sa lunsod nang nakaraang taon, naiwasan na may masawi at ang sakuna ay hindi na nakalikha ng sunod, ganoon din ng pagsabog na karaniwang kaakibat ng isang plane crash.

Nitong kasagsagan ng Bagyong Milenyo ay sinuong ng kapulisan ang panganib sa pagtungo sa mga barangay upang umalalay at tumulong sa taumbayan bagama’t ang kanilang himpilan ay isa sa mga nagtamo ng malaking pinsala.

Sa kanyang acceptance speech ay pinasalamatan ni COP Pernito si City Mayor Vicente B. Amante sa suportang ibinibigay sa kapulisan ng lunsod na aniya’y sinusuklian lamang nila ng angkop na paglilingkod sa mga mamamayan. (SEVEN LAKES PRESS CORPS)