Saturday, October 18, 2008

MGA KOOPERATIBA NG SPC, LALAHOK SA 1ST LAGUNA BUSINESS & INVESTMENT EXPO 2008

San Pablo City - Kaugnay sa ipinagdiriwang na Cooperative Month na may temang “Cooperatives Breaking Through Barriers and Beyond” ay sa ilalim ng pakikiisa at pagtataguyod nina Punong Lunsod Vicente B. Amante at OIC-City Cooperative Officer Concepcion “Beth” M. Biglete ay sa kauna-unahang pagkakataon ay lalahok ang mga kooperatiba ng lunsod na ito sa gaganaping 1st LAGUNA BUSINESS & INVESTMENT EXPO 2008 na sisimulan sa Nobyembre 5, SM Sta. Rosa Activity Center, Santa Rosa City.

Hangarin ng naturang Exposition na maipakita at maipakilala sa buong mundo ang mga produkto ng ating lunsod at ng kalakhang Lalawigan ng Laguna at makalikha na rin ng networking and linkages na kailangan ng mga negosyanteng taga-Laguna upang lalo pang mapasigla ang kalakalan sa bahaging ito ng kapuluan.

Isa sa mga kooperatibang lalahok ay ang Coco Natur Overseas Filipinos Worldwide and Producers Cooperative na pinamumunuan ni Bb. Estrella Dizon-Añonuevo. Samantala’y magtatayo rin ang mga ito ng libreng booth sa SM Sta. Rosa upang ipakilala ang ipinagmamalaking mga produktong gawa mula sa sangkap ng niyog, tulad ng sabong-pampaligo, lotion at massage oil na nagtataglay ng pambihirang kabanguhan at banayad sa balat ng gumagamit.

Naniniwala sina Amante at Biglete na malaki ang papel na gagampanan ng mga kooperatibang lalahok sapagkat maiibsan ng kanilang pakikiisa ang nararanasang dagok ng pandaigdigang krisis sa ekonomiya. (JONATHAN ANINGALAN/CIO-SPC)

No comments: