Saturday, August 8, 2009

PAMAMAALAM NI KAGAWAD KAWAD (SANDY BELARMINO) SA LAGUNA COURIER

Ang buhay ng tao ay binubuo ng iba’t-ibang bahagi na tumatalakay sa magkakaibang sangkap ng kaanyuan sa kung ano ang tinahak, tinatahak at nakatakda pang tahakin, at kinapapalooban ng mga antas na nagpapasaya o nagbibigay lungkot sa isang nilalang.

Kasama rito ang ilang bagay na nagbibigay tamis sa ligaya at pait na may hapdi sa mga hilahil na magkaminsa’y kinakailangan mong malampasan.

Nangangailangan ito ng lalim sa pagpapasiya sabihin mang may katapat na lungkot tulad sa paglubog ng araw sa takipsilim dahil batid mong sasapit na ang dilim na kakaiba sa sayang dulot ng banaag sa madaling araw.

Mahirap ang magpaalam sapagkat katulad din ng dapit hapon ay kaakibat nito ang panibagong pakikibaka na bagama’t isang hamon ay kalungkutan ang iyong madarama sanhi ng iyong mga maiiwan.

Sa nakalipas na humigit kumulang na limang taon ay kinasabikan ni Kagawad Kawad ang bawat kabanata ng kanyang pakikipagtalastasan sa mga matiyagang tagasubaybay na kinabibilangan ng kanyang mga natulungan at napasaya, nabigyan ng agam-agam dahil sa natawagan ng pansin o simpleng napagkalooban lang ng munting kabatiran.

Dito uminog ang mundo ni Kagawad Kawad sa mga panahong nagdaang iyon, na mabigat man ang mga paa upang lumisan ay hindi na maiiwasan sapagkat ito ang hinihingi ng pagkakataon masakit.

Ngunit bago ko tuluyang itiklop ang tabing ni Kagawad Kawad ay nais kong magpasalamat sa inyong lahat, partikular sa mga kasamahan ko sa Laguna Courier dahil sa unawa at ginawang pagtitiyaga sa akin, ganoon din sa mg mambabasa nito na matagal ko ring nakapiling.

PAALAM PO AT MARAMING SALAMAT SA INYONG LAHAT. (sandy belarmino)

Sunday, August 2, 2009

UNSOLICITED ADVICE TO KON. ANGIE

Kalat na ang ugong ng pagtakbo ni Konsehala Angie Yang sa pagka vice-mayor ng Lunsod ng San Pablo, na marahil ay bahagi ng kanyang pangako sa yumaong kabiyak Bokal Danny “D.Y” Yang na sa panahon ng maagang pagkamatay ay isa sa mga pangunahing kandidato bilang bise-alkalde.

Siguro naman ay buo pa rin ang network na itinayo ni D.Y. upang maging behikulo ni Angie sakali mang magpasya siyang ipagpatuloy ang nauntol na laban ni D.Y.. Halos sariwa pa sa alaala ang mga commitment ng mga lider pulitika na nangako ng suporta sa kanyang namayapang asawa at marahil ay makabubuting dito si Angie magsimula.

Kinakailangan ang maagang pagkilos tungkol sa mga bagay na ito, na parang pagrepiti sa naunang pangako nila kay D.Y..

Ang tanong lang marahil ay wala kayang sagwil sa pagbakas ng mga commitment na ito, tulad halimbawa nang sa pagkawala ni D.Y. ay wala pang ibang lumalapit sa mga naiwan niyang lider, o dili naman kaya’y nakasama ni D.Y. sa pagyao ang pagpanaw ng loyalty ng kanyang mga lider?

Wala namang mawawala kay Angie kung kanyang susubukan na pagbalikan ang mga lider ni D.Y. o mga kasama na dati nilang kaibigan at mga supporter. Ang kailangan lang ay magawa ito nang mabilisan, na kung hindi ay nandiyan ang panganib na maubusan siya ng panahon.

Kailangan ding tandisin ni Angie ang kanyang paninindigan sa kabila ng naglalabasang ulat na may mga pwersa sa kanyang paligid na naghihilahan o nagtutunggali upang siyang masunod sa bago niyang buhay sa larangan ng pulitika. Wasto palagi dapat ang kanyang pagpapasya sa pagitan ng dalawang isyu na ang resulta ay dapat ding tumpak.

Ano pa’t dapat malaman ni Angie na nakasalalay sa kanya na tanging-tangi ang kinabukasan niya sa pulitika, kaya’t ibayong pag-iingat sa galaw o pagsunod sa kanyang mga tagapayo. Ang kailangan dito ay ang mahusay niyang pagtitimbang sa lahat ng bagay sapagkat ang higit na kinakailangan sa daigdig ng pulitika ay ang balansyadong katwiran.(SANDY BELARMINO)