Saturday, March 6, 2010

SM DEPT. STORE JOBS FAIR SA MARSO 11-12

San Pablo City- Gaganapin ang isang malaking Jobs Fair sa lunsod sa Marso 11-12, 2010 mula 8:00 n.u.-5:00 n.h sa PAMANA Hall, City Hall Cpd. para sa iba’t-ibang trabaho sa itinatayong SM Department Store sa Riverina Cpd., Brgy. San Rafael, lunsod na ito.

Kaya inaanyayahan ni City Admin. Loreto S. Amante at PESO Manager ang lahat ng applicants na magdala ng kanilang resume at recent picture para sa dalawang araw na jobs fair.

Ang mga positions na kinakailangan ay para sa design officer; operations manager/assistant operation/manager/resident engineer; project manager, assistant project manager, project engineer, civil engineer; branch operations manager, assistant branch manager, regional manager, group manager, selling manager/supervisor, counter and checking manager/supervisor; customer service manager/supervisor; marketing manager, warehouse manager/supervisor, customer relations service manager, supervisors/representative, building administrative officer, customer service assistant, inventory assistant, sales assistant, cashier/checker, sales clerk, sales utility clerk/stock clerk, treasury manager/supervisor, accounting manager/officer, store consignor manager/supervisor, fixed assistants and supplies manager, visual display officer, treasury assistant and accounting assistant. (CIO-SPC)

SM DEPT. STORE RETAIL AFFILIATES JOBS FAIR SA APRIL 6 & 7

San Pablo City-Gaganapin sa darating na April 6-7, 2010 ang jobs fair para sa mga job vacancies ng ilang retail store ng SM Department Store na itinatayo sa lunsod. Ito ay gaganapin sa PAMANA Hall, City Hall Cpd. mula 8:00 n.u. hanggang 5:00 n.h.

Ang mga job vacancies ay para sa Pharmacist, Assistant (store operations/warehouse/pharmacy); office assistants (accounting, treasury/human resources); sales clerks/store clerks at delivery drivers.

Ayon kay PESO Manager Loreto Amante na ang ilang retail affiliates na nangangailangan ng mga applicants ay ang Baby Co., SM Appliance Center, Kultura Filipino, Watsons, SM Home World, Surplus Shop, Toy Kingdom, Supplies Station, Hardware Workshop, Sports Central, Ace Hardware at Signature Lines Inc.

Magdala lamang ng resume at recent picture sa nasabing jobs fair o maaaring itong i-email sa Recruit.HRAff.HO@sm-shoemart.com. (CIO-SPC)

Wednesday, March 3, 2010

MINORITY PRESIDENT, IWASAN

May idudulot na panganib ang sigla ng demokrasya sa bansa sa pagkakaroon natin ng maraming kandidato sa panguluhan at ang posibilidad ng matinding pagkakahati-hati na hahantong sa pagkakahalal ng isang minority president.

Hindi malayo ang kaganapang ito sapagkat ang mga kandidatong humaharap sa bayan ay pawang may kanya-kanyang katangian na pinaniniwalaan ng marami nilang tagapagtaguyod, tagahanga at naniniwala sa kanilang mga simulain. Magre-resulta ito sa pagkakahait-hati ng boto ng sambayanang Pilipino patungo sa pagkakawatak-watak.

Para sa isang bansa na walang kandidatong natatalo sapagkat pawang ang idinadahilan ay nadaya ay mabubuo dito ang kulturang pang-talangka na babatak pababa sa sino mang maluluklok dahilang kung may pagkakaisang magaganap may ay ito’y sa hanay ng mga talunan na ang mithiin ay ang makapaghiganti.

Dalawang EDSA na ang naganap sa ating bansa na ayon sa kasalukuyang administrasyon ay niyakap ng mundo ang EDSA 1986 at EDSA 2001 na tinangkilik ng daigdig, subalit may naiibang opinion sa nabigong EDSA III dahil aniya’y kinondena ito ng mga banyaga at ang susunod pang EDSA revolt ay wala nang kapatawaran.

Subalit hindi ganito ang ating nakikita sa pagbabanggaan ng mga pwersa pulitikal ng bansa sapagkat nandoon pa rin ang posibilidad na ang mahahalal ay makakakuha lamang ng 30% bilang ng mga botante na lubhang mababa kumpara sa 70% ng magiging talunan.

Hindi na tayo uusad kapag ito ang naging sitwasyon sapagkat mananatili ang amba ng EDSA na paiinitin ng mga pasistang interes na walang malasakit sa kapakanan ng bayan. Ang kailangan nating mga Pinoy ay ang ganap na pagkakaisa upang maiwasan ang ano mang kaguluhan.

Sikapin nawa natin pagkaraang manalangin na magkaroon at ituon ang konsentrasyon sa tatlong sa palagay nating lahat ay bumubuo ng mga pinakamahuhusay sa kumpol ng mga karapatdapat. Sa kanilang tatlo tayong lahat pumili ng sa palagay natin ay magiging makatwirang pinuno sapagkat ito lang ang paraan upang maiiwasan ang panganib sa pagkakahalal sa isang pangulo na hindi sinasang-ayunan ng mayoryang Pilipino. (NANI CORTEZ)

BIDA

Kung may sektor na sumisikat kapag panahon ng halalan ay ito ang hanay ng mga mahihirap na ginagamit ng mga naghahangad na maluklok sa tungkulin na perlas sa kailaliman ng dagat ang turing sa mga maralita.

Ang pagiging mahirap tuloy ay lumilitaw na isang katangian at ang lahat ay gumagawa ng kaparaanan sa kung paano makakaugnay sa nasabing sektor upang mabingwit at makuha ang simpatiya ng masa.

Sa kung bakit nagiging bida ang mga dahop sa ganitong mga pagkakataon ay sapagkat sa kahalintulad na panahon lamang nagkakaroon ng tunay na pagkapantay-pantay ang lahat, sa dahilang ang boto ng isang pobre at ng isang nakaririwasa ay kapwa isang bilang lamang sa kanilang mapipiling ihalal.

Tinatawag itong kilatis sa alahas kung baga kaya naman pinupuntirya ng lahat ng mga trying hard politician natin sa ngayon sa pamamagitan ng mga katawa-tawa at kakila-kilabot na pagpapanggap na tagapag-sulong ng hanay at kadalasan pa’y ang pagganap na animo’y miyembro ng sektor maralita.

May mga pulitikong nagtagumpay sa ganitong modus ng mga nagdaang panahon subalit nang maluklok sa kapangyarihan ay dagliang lumimot sa sumpaan dahilan upang ang mga mahihirap ay manatiling nagdurusa.

Nagbukas ito sa kanilang kaisipan kung kaya’t ang sektor na ito ay napanday ang isip upang maging matalino sa pipiliing kandidato na tunay na maglilingkod. Hindi na nila kaya pang pasanin ang mga pang-aabusong nararanasan sapagkat batid nilang ang kinabukasan ng bayan ay nakasalalay sa kanilang matalinong pagpapasya.

Inaasahang ngayong halalan ay ang mga mahihirap ang tunay na lilitaw na BIDA.

Monday, March 1, 2010

MAYOR VICENTE B. AMANTE, PhD

Noong Miyerkules, Pebrero 24 ay tinanggap ni Mayor Vicente B. Amante ang itinuturing niyang pinakamakabuluhang pagpapahalaga sa kanya bilang lingkod bayan nang siya ay gawaran ng Doctor of Philosophy in Humanities Honoris Causa ng Laguna State Polytechnic University (LSPU).

Sa mga nagdaang panahon ay karaniwan na kay Dr. Vicente B. Amante ang pagtanggap ng mga parangal mula sa ibat-ibang sangay ng pamahalaan, lokal man o nasyunal na kadalasan ay taon-taon iginagawad sa kanya sanhi ng ipinamamalas na taos-pusong paglilingkod sa mga nasasakupan.

Kinikilala rin si Dr. Amante ng mga NGO’s, mga samahang sibiko at mga karaniwang taumbayan dahil sa pagsusulong ng mga adbokasiyang siya ang kumatha at nagbuhat sa kanyang malawak na kaisipan na sa kanyang paningin ay sagot sa pangangailangan ng bayan.

Dito naitanghal ni Dr. Amante ang Lunsod ng San Pablo sa pedestal ng paghanga ng mga kalapit bayan ganoon din ng marami pang lunsod saan mang panig ng bansa. Laging una ang mga San Pableño sa pagkakaroon ng mga bagay na ni sa guni-guni ay hindi nila naisip, kaya naman ang San Pablo City ang ginagawa nilang modelo partikular sa mga naglalakbay-aral.

Una tayo sa pagkakaroon ng One Stop Shop Processing Center kung saan ang transaksyon sa local na pamahalaan ay naisasagawa sa ilalim lamang ng iisang bubong. Lubha itong naging kapaki-pakinabang kaya naman ginawang huwaran ng DILG upang ipasunod at tularan ng marami pang Local Government Unit (LGU).

Nandyan din ang Agora-Type nating Shopping Mall na bukod tangi sapagkat mula sa kabang yaman ng lunsod nagbuhat ang ipinagpatayo, na hindi katulad ng sa mga mayayamang bayan na naitayo sa pamamagitan ng build-operate-transfer (BOT).

Si Dr. Amante ang unang naglapit at nagdala ng City High School Annexes sa mga barangay na sa ngayon ay mayroon nang 12 kampus sa nalooban ng 80 barangay ng lunsod. Ang alkalde rin ang nakaisip sa pagtatayo ng Dalubhasaan ng Lunsod ng San Pablo (DLSP) na pinakikinabangan na ng libo-libong mag-aaral, modernong 8-storey City Hall bldg., City Science High School at marami pang pagawain bayan na tayo ang una sa buong rehiyon tulad ng sanitary landfill.

At katatapos lang kamakailan ng State of the Art San Pablo City General Hospital.

Dahil dito ay umani na si Dr. Amante ng hindi na mabilang na pagkilala, pagpapahalaga at mga parangal.

Ang conferment sa kanya ng LSPU ng doctorate degree particular ng Doctor of Philosophy in Humanities (PhD) ay ang itinuturing niyang pinakamataas na parangal na kanyang natanggap sapagkat higit pa ito sa pagkilala, pagpapahalaga at parangal sa kanyang mga nagawa na, lalo pa’t buhat ito sa daigidg ng academe ng prestihiyusong unibersidad ng bansa.

“Ito ay isang hamon upang higit na pagbutihin pa ang aking paglilingkod” ayon sa alkalde nang magpasalamat siya kay Dr. Ricardo Wagan, pangulo ng LSPU. (Sandy Belarmino)

Sunday, February 28, 2010

MAYOR VICENTE B. AMANTE, GINAWARAN NG DOCTORATE DEGREE

San Pablo City, Laguna – Sa seremonya na may temang World Class University to a world class City of San Pablo ay ginawaran ng Laguna State Polytechnic University (LSPU) si Mayor Vicente B. Amante ng lunsod na ito ng Doctor of Philosophy in Humanities (Honoris Causa) noong Miyerkules ng hapon.

Ang nasabing doctorate degree ay ang pinakamataas na pagpapahalaga na natanggap ng alkalde buhat sa hanay ng academe sa loob ng limang termino niyang paglilingkod bilang punong lunsod, na ayon sa kanya’y isang panibagong hamon upang higit na pag-ibayuhin ang pagsisilbi sa bayan.

Isinagawa ang conferment sa pamamagitan ni Dr. Ricardo Wagan, ang pangulo ng LSPU na sinaksihan ng buong faculty ng naturang unibersidad, mga mag-aaral, pamilya ng alkalde, mga opisyal ng City Hall at pamunuan ng Dalubhasaan ng Lunsod ng San Pablo kung saan tumatayong founding president si Dr. Vicente B. Amante.

Si Dr. Vicente B. Amante ay isa sa mga lingkod bayang nagawaran na ng LSPU ng doctorate degree sa nakalipas na limampung taon mula nang matatag ang nasabing unibersidad, na kinabibilangan nina dating Speaker Jose de Venecia at Laguna 4th District Congressman Edgar San Luis.

Humigit kumulang sa 30 na ang nagawaran ng honorary degree ng LSPU sapul nang matatag, na kumakatawan sa maraming sektor ng lipunan sa loob at labas ng bansa. Bukod sa lunsod na ito ay may campus din ang LSPU sa Siniloan, Sta. Cruz at Los Baños, lalawigang ito.

Lubos na nagpapasalamat si City Administrator Loreto “Amben” Amante sa pamunuan ng LSPU sa napakalaking karangalang naipagkaloob sa kanyang ama at pamilya, kaalinsabay sa pagtanggap ng mga pagbati mula sa Asssociation of Barangay Chairmen, mga department head, mga kawani ng pamahalaang lunsod at DLSP. (Seven Lakes Press Corps/NCC-SAB)

CONGRESSWOMAN IVY ARAGO, GRAND SLAM AWARDEE BILANG OUTSTANDING CONGRESSMAN

San Pablo City - Naka-grand slam si Laguna 3rd District Congresswoman Maria Evita Arago nang muling mapili ng Congress Magazine bilang isa sa mga Outstanding Congressman sa taong 2009.

Magugunitang nagwagi si Arago ng kaparehong pagkilala noong unang taon niya sa Mababang Kapulungan nang 2007, naulit noong 2008 at 2009 dahil extra-ordinary performance sa Kongreso kung saan siya naging aktibo sa mga committee hearing at mismong sa plenaryo ng Lower House.

Nakapagtala ang mambabatas ng near perfect attendance na pinahalagahan ng house leadership at nakapagsulong ng humigit kumulang sa 80 panukalang batas kung saan 15 sa mga ito ay personal niyang iniakda at matagumpay na naidepensa sa floor debates.

Pinakabuhi na napagtibay ng bicameral committee ay ang panukalang batas HB 1387 na nagtatadhana ng pagtatatag ng Office for Person with Disability Affairs (PDAO) sa bawat bayan, lunsod at lalawigan.

Naging bahagi rin si Arago sa mga landmark legislations tulad ng Cheaper Medicines Bill at Mts. Banahaw and San Cristobal Protected Landscape Act na nalagdaan ng pangulo ng bansa.

Kasalukuyang ipinaglalaban pa ni Arago sa Kongreso ang kanyang mga panukalang batas na Magna Carta para sa mga Barangay Tanod, ang pagbabalik ng pitong lawa sa pamamahala ng city government ng San Pablo mula sa Laguna Lake Development Authority (LLDA), at pagtatayo ng Skills Training Center for out of school youth ng distrito.

Pina-follow up pa ni Arago sa Senado ang iba pa niyang panukala tulad ng pagtatayo ng Tuy-Baanan National High School sa Liliw, San Pablo City National Science High School, Mabacan National High School sa Calauan, Laguna; at San Benito National High School sa Alaminos.

Si Arago ay nasa kanyang unang termino bilang kinatawan ng ika-3 distrito ng lalawigang ito. (Seven Lakes Press Corps)

TODO UNLAD MALAMIG FESTIVAL, ISANG LINGGONG PAGDIRIWANG

San Pablo City - Nakatakdang ganapin ang ika-2 Todo Unlad Festival 2010 sa Brgy. San Jose Malamig dito sa Marso 13-19, na kapapalooban ng isang linggong pagdiriwang bilang pasasalamat sa kanilang mahal na patron saint sa patuloy na pag-unlad.

Katulad ng mga nagdaang kapistahan ay magkakaroon muli ng buong linggo ng gabi-gabing pagtatanghal na itataguyod ng mga opisyal ng barangay sa pangunguna ni Brgy. Chairman/ABC President Gener B. Amante.

Magiging open competition ang gagawing Search for Miss Gay San Jose sa unang gabi ng Marso 13, samantalang bukas lang sa mga San Pableño ang KANAYON Talent Night and Singing Contest sa Marso 14 na itataguyod ng Pharmawealth at Universal Robina Corporation.

Ang DSL Night-Dance Competition ay bukas din sa publiko sa Marso 15 at ang Mayor’s Night – San Jose Got Talent ay para lang sa mga residente ng barangay at mga kawani ng mga institusyong nasasakupan nito sa Marso 17. Ang Marso 16 naman ay para sa SK Night.

May malaking pagtatanghal sa Barangay Council’s Night – Starry Starry Night na kapapanooran ng variety shows ng mga artista buhat sa pinilakang tabing at telebisyon sa Marso 18 at Battle of the Band sa Rondel Diaz Night, araw ng kapistahan Marso 19 kung saan sa umaga ay may gaganaping Palarong Bata at Bata Batuta.

Inaasahang ibayong kasiyahan ang naghihintay sa mga makikipagdiwang sapagkat ang Todo Unlad Malamig Festival ay ang natatanging barangay sa lalawigan na nagdaraos ng kakaibang pestibal sa kanilang kapistahan. (SANDY BELARMINO/VP-Seven Lakes Press Corps)