Monday, March 1, 2010

MAYOR VICENTE B. AMANTE, PhD

Noong Miyerkules, Pebrero 24 ay tinanggap ni Mayor Vicente B. Amante ang itinuturing niyang pinakamakabuluhang pagpapahalaga sa kanya bilang lingkod bayan nang siya ay gawaran ng Doctor of Philosophy in Humanities Honoris Causa ng Laguna State Polytechnic University (LSPU).

Sa mga nagdaang panahon ay karaniwan na kay Dr. Vicente B. Amante ang pagtanggap ng mga parangal mula sa ibat-ibang sangay ng pamahalaan, lokal man o nasyunal na kadalasan ay taon-taon iginagawad sa kanya sanhi ng ipinamamalas na taos-pusong paglilingkod sa mga nasasakupan.

Kinikilala rin si Dr. Amante ng mga NGO’s, mga samahang sibiko at mga karaniwang taumbayan dahil sa pagsusulong ng mga adbokasiyang siya ang kumatha at nagbuhat sa kanyang malawak na kaisipan na sa kanyang paningin ay sagot sa pangangailangan ng bayan.

Dito naitanghal ni Dr. Amante ang Lunsod ng San Pablo sa pedestal ng paghanga ng mga kalapit bayan ganoon din ng marami pang lunsod saan mang panig ng bansa. Laging una ang mga San PableƱo sa pagkakaroon ng mga bagay na ni sa guni-guni ay hindi nila naisip, kaya naman ang San Pablo City ang ginagawa nilang modelo partikular sa mga naglalakbay-aral.

Una tayo sa pagkakaroon ng One Stop Shop Processing Center kung saan ang transaksyon sa local na pamahalaan ay naisasagawa sa ilalim lamang ng iisang bubong. Lubha itong naging kapaki-pakinabang kaya naman ginawang huwaran ng DILG upang ipasunod at tularan ng marami pang Local Government Unit (LGU).

Nandyan din ang Agora-Type nating Shopping Mall na bukod tangi sapagkat mula sa kabang yaman ng lunsod nagbuhat ang ipinagpatayo, na hindi katulad ng sa mga mayayamang bayan na naitayo sa pamamagitan ng build-operate-transfer (BOT).

Si Dr. Amante ang unang naglapit at nagdala ng City High School Annexes sa mga barangay na sa ngayon ay mayroon nang 12 kampus sa nalooban ng 80 barangay ng lunsod. Ang alkalde rin ang nakaisip sa pagtatayo ng Dalubhasaan ng Lunsod ng San Pablo (DLSP) na pinakikinabangan na ng libo-libong mag-aaral, modernong 8-storey City Hall bldg., City Science High School at marami pang pagawain bayan na tayo ang una sa buong rehiyon tulad ng sanitary landfill.

At katatapos lang kamakailan ng State of the Art San Pablo City General Hospital.

Dahil dito ay umani na si Dr. Amante ng hindi na mabilang na pagkilala, pagpapahalaga at mga parangal.

Ang conferment sa kanya ng LSPU ng doctorate degree particular ng Doctor of Philosophy in Humanities (PhD) ay ang itinuturing niyang pinakamataas na parangal na kanyang natanggap sapagkat higit pa ito sa pagkilala, pagpapahalaga at parangal sa kanyang mga nagawa na, lalo pa’t buhat ito sa daigidg ng academe ng prestihiyusong unibersidad ng bansa.

“Ito ay isang hamon upang higit na pagbutihin pa ang aking paglilingkod” ayon sa alkalde nang magpasalamat siya kay Dr. Ricardo Wagan, pangulo ng LSPU. (Sandy Belarmino)

No comments: