Thursday, September 10, 2009

MAGKASANGGA

Sa larawang ito ay masayang ipinarating ni Brgy. Del Remedio Chairman Nap Calatraba (kaliwa) ang kanyang taos-pusong pagbati at pakikiisa sa pagdiriwang ng ika-60 araw ng kapanganakan ni dating San Pablo City Administrator Atty. Hizon A. Arago kamakailan. Isa si Chairman Calatraba sa libo-libong kataong dumalo sa ginanap na pagpapasalamat ni Atty. Arago sa mga kaibigan at kababayang patuloy na tumatangkilik at nagmamahal sa kanya. Si Arago ay ama ni kasalukuyang Laguna 3rd Dist. Rep. Maria Evita “Ivy” Arago. (SANDY BELARMINO)

CITY TASK FORCE LABAN SA MULING PAGLITAW NG INFECTIOUS DISEASES, BINUO

San Pablo City- Kamakailan lang ay nilagdaan ni Mayor Vicente Amante ang Executive Order No. 05-2009 para sa isang “City Task Force for the Control of Emerging and Re-Emerging of Infectious Diseases”. Ito ay isang multi-sectoral task force na pinamumuan ng punonglunsod bilang chairman at ng City Health Office (CHO) bilang crisis manager kasama rin ang DepEd/CHED, PNP, Sangguniang Panlunsod, SPC Medical Society, Private-Public Hospitals, Philippine National Red Cross-SPC Chapter, Senior Citizens, Women’s Federation, Association of Barangay Chairman at City Information Office.

Binuo ang task force upang higit pang maging handa ang pamahalaang lunsod kung sakali mang muling lumitaw ang iba’t-ibang infectious diseases tulad ng naranasan ng lunsod sa Influenza A H1N1 virus nitong nakaraang Hunyo hanggang Agosto taong kasalukuyan.

Kaugnay nito ay nagpatawag ang CHO ng isang pagpupulong nuong Setyembre 2, 2009 na ginanap sa CHO Main Office, 8thStorey Bldg ganap na ika-1:00 ng hapon upang ipaliwanag sa mga task force members kung ano ang nilalaman ng nasabing E.O. at kung anu-ano ang mga roles and responsibilities ng bawat miyembro.

Ang CHO bilang crisis manager ang siyang magsasagawa ng mga meetings/conferences para sa coordination ng mga gov’t agencies at private sectors at para sa issuance ng mga issue bulletin, advisory at general warning.

Ang mga miyembro tulad ng DepEd/CHED ay in-charge sa order of closure/suspension of classes, paggamit ng mga school building/edifice at health warning/advisories. Ang PNP naman ay para sa peacekeeping/checkpoint, transport/conduction ng pasyente sa mga hospital/health centers, quarantine measures at pag-aresto sa mga nagbebenta ng counterfeit drugs. Ang legislation naman ng mga kaugnay na batas ay nakaatas sa Sangguniang Panlunsod partikular na sa Chairman on Committee on Health and Sanitation. Ang medical sector at PNRC naman ay para sa paghahanda ng mga kinakailangang medicines at equipment, referral sa mga hospital at pagpapalakas ng surveillance at infection control. Samantalang ang Sr. Citizen, Women’s Fed., ABC at CIO ay para sa pagsasagawa at distribution ng mga info materials, pagbubuo ng public assemblies for health education at para sa iba pang community services. (CIO-San Pablo City)

Monday, September 7, 2009

PULITIKAHAN, SUMISIGLA NA

Nagkaroon ng pagbabago ang mukha ng political landscape sa bansa lalo pa ngayong papalapit na ang halalan sa Mayo 2010, at sakop nito ang mga naghahangad sa mga pambansang posisyon maging ng mga nais maglingkod sa lokal na elective position.

Pinakabago dito ang pagbibigay daan ni Liberal Party President Senator Mar Roxas sa kandidatura ni Sen. Noynoy Aquino. Una nang naghayag si Senador Panfilo Lacson ng kanyang pag-atras bilang kandidato sa pagka-pangulo. Sa darating pang araw at linggo bago ang official filing of candidacy ay inaasahan pang may mga aatras pa bilang kandidato.

Ang maliwanag sa ngayon ay kung may mga umaatras ay meron namang sumusulong tulad ng Kay Sen Aquino at Sen. Jamby Madrigal, na tila patotoo sa katotohanang kung may lumulubog ay mayroon namang lumulutang.

0-0-0-0-0-0-0-0-0-0-0-0-0-0-0-0-

Sumisigla ang lagay ng pulitika dito sa Calabarzon, na sa ngayon ay langhap na langhap na ang simoy ng tunggalian saan mang dako ng rehiyon.

Sa Cavite ay nanindigan na si Vice-Gov. Campana na wala nang atrasan sa pagtakbo niya bilang gobernador ng lalawigan bilang pambato ng magre-retirong si Gob. Ayong Maliksi. May deep bench ang pinamimilian nilang kandidato bilang bise-gobernador na makakaharap ng grupo ng mga Remulla.

Maigtingan ang pag-ikot ng mga nagnanais kumandidatong gobernador sa Laguna, na pinangungunahan nina dating Gob. Joey Lina, Vice-Governor Ramil Hernandez, Mayor ER Ejercito at Provincial Administrator Dennis S. Lazaro. Sa 1st Dist. ay makakatunggali ni Cong. Dan Fernandez si dating Cong. Uliran Joaquin at BM Dave Almarinez; wala pang lumulutang na kalaban si Cong. Timmy Chipeco sa 2nd Dist., matibay pa rin sa kanilang kinatatayuan sina Cong. Ivy Arago at Cong. Egay San Luis sa ika-3 at ika-4 na distrito.

Sa Batangas ay wala pang pumupormang makakalaban si Gob. Vi at sa Quezon kahit hindi naghahayag ay batid na doon ang muling paghaharap nina Gob. Nantes at pamilya Suarez. Wala pa tayong balita sa Rizal.

Next issue ay tatalakayin natin ang iba’t-ibang posisyon sa mga siyudad at bayan-bayan ng Calabarzon. (LASER ni NANI CORTEZ para sa TRIBUNE POST)

TANGGAPAN NG CITY ADMINISTRATOR

Parang pinagtiyap ang pagdiriwang ng kaarawan nina dating San Pablo City Administrator Atty. Hizon A. Arago at incumbent City Administrator Loreto “Amben” Amante nang magkasunod na Linggo, si Atty Arago noong August 30, samantalang si Amben ay September 1.

Ang dalawa ay humawak at humahawak ng napakahalagang posisyon sa siyudad, sapagkat ang Tanggapan ng City Administrator ay gumaganap ng mahalagang papel sa pangasiwaang panlunsod. Sila ang nagbibigay alalay sa punong lunsod kaugnay sa pang-araw-araw niyang gawain upang higit itong mapagaan nang sa ganoon ay higit na mapag-ibayo ng isang local executive ang kanyang paglilingkod.

Bagamat ang paglilingkod ng dalawang City Administrator ay sa magkaibang panahon ay kapwa nagampanan nila ang kaukulang serbisyo sa bayan na hinihingi ng kanilang tungkulin, naitaguyod nila ang panunungkulan ng city executive na kanilang pinagsisilbihan upang higit na maging epektibo ito bilang punong bayan.

Matatandaang dahil kay Atty. Arago ay matagumpay na nakapasa si Mayor Vicente B. Amante sa reeleksyon ng una niyang tatlong termino. Ang teamwork ng dalawa ay nagdulot ng ibayong pakinabang sa mga kababayang San Pablenyo. Hindi rin matatawaran ang naging ambag ni Arago sa naidulot na kaunlaran ng kanilang tambalan.

Samantalang sa panahon ng pagsubok dahil sa kawalan ng pakikiisa ng Sangguniang Panlunsod sa ginawa ng mga itong pag-upo’t pagbalewala upang hindi pagtibayin ang budget ng lunsod ay naging matatag pa rin ang Administrasyong Amante sa pamamagitan ni Amben nang hindi naantala ang daloy ng basic services sa mga kababayan.

Lubos na nadama ng mga San Pablenyo ang paglilingkod ng punong lunsod sa pagganap nina Atty. Arago at kasalukuyang City Admin Amben sa mga mandatong naiatang sa kanila. Sa kabila na sila’y mga alter ego lang ng alkalde ay nagawa nilang higit na mapaningning ang nasabing tanggapan para sa mata ng taumbayan.

Maligayang kaarawan po sa inyong dalawa, Atty. Arago at City Admin Amben. (SANDY BELARMINO)