Tuesday, April 5, 2011

3RD DISTRICT NG LAGUNA: YES!

Sa botong 212 YES, 40 NO at 4 ABSTAINTION ay pumasa sa plenary ng Kongreso ang resolusyon ng impeachment kay Ombudsman Merceditas Gutierrez upang tuluyan na siyang malitis sa Senado sa mga usaping kanyang kinakaharap at nakasaad sa article of impeachment.

Medyo naging mainitan ang talakayang nangyari sapagkat umabot hanggang hatinggabi ang debate sa plenary dahil may mga interes pa ring pumipigil upang hindi ma-impeach ang ombudsman sanhi ng mga lihim na posibling mahukay sakasakaling umakto na ang mga senador bilang mga hukom sa usapin.

Ang ilan sa mga nakapaloob sa impeachment ay ang ukol sa fertilizer scam at NBN-ZTE broadband deal na talaga namang kasuklam-suklam ang pagtatakip ng ombudsman upang hindi maisampa ang kaso sa Sandigang Bayan sapagkat siguradong lilitaw ang partisipasyon ng mga taong kanilang diumano’y pinuproteksuyan at pinangangalagaan.

Hindi nga natin batid kung bakit nga ba sa hinabahaba ng panahon ay nabinbin ang mga usaping ito sa Ombudsman ganoong matagal nang tapos ang pagsisiyasat. Mabuti na lamang at dulot na rin ng kanilang kawalang ingat na makipag-“Plea-bargain” kay dating AFP Comptroller Gen. Carlos Garcia ganoong plunder ang kasong kinakaharap nito, ay nabuksan muli at narepaso ang mga nakabinbin pang mga usapin.

Halos in full force ang mga mambabatas nang tuluyang isalang ito sa plenary upang pagbotohan ang nasabing impeachment na marahil ay dahil na rin sa bigat ng usapin. Umabot nga sa 212 ang mga sumang-ayon sa impeachment ganoong 94 na boto lang ang kailangan upang ito ay maisakatuparan.

Kahit nga si Laguna 3rd District Congresswoman Maria Evita “Ivy” Arago na sampung araw pa lang na nagpapagaling sa caesarian operationg nang isilang ang kanyang baby ay hindi nagpabaya sa tawag ng tungkulin.

Personal pa ngang pinayuhan ni President Noynoy Aquino si Cong. Ivy na huwag ng mag-attend sa House session dahil baka makaapekto sa kanyang kalusugan, subalit hindi nagpaawat ang mambabatas na maipaabot sa bansa ang damdamin ng mga kadistrito.

Dahil nagbi-breast feed si Cong. Ivy sa kanyang baby ay isinama niya ito sa kongreso at matiyagang sumubaybay sa House Proceedings mula alas tres ng hapon hanggang maghahating-gabi, na pagsapit ng botohan ay kanyang sinabing “the good people of the third district of Laguna vote YES for the impeachment.”(SANDY BELARMINO)