Monday, February 7, 2011

LIBRENG PAP SMEAR AT BREAST EXAMINATION, IPAGKAKALOOB NI CONG IVY ARAGO

San Pablo City - Ipinaaalaala sa lahat ng mga ina ng tahanan, lalo na yaong mahigit sa 30 taong gulang, na ang Tanggapan ni Congresswoman Ma. Evita “Ivy” Arago ay magkakaloob ng “Libreng Pap Smear at Breast Examination” sa darating na Marso 5, 2011, sa Siesta Residencia de Arago, Green Valley Subd., Barangay San Francisco sa lunsod na ito simula ika 8:00 ng umaga hanggang ika 2:00 ng hapon.

Ang palatuntunang ito ay maiuugnay sa pagdiriwang ng Women’s Month sa darating na Marso, at may suporta mula sa Philippine Foundation for Breast Care, Inc.

Layunin ni Arago na ang mga kapuwa niya ina ay magabayang malayo o makaiwas na makapitan ng sakit na kanser sa obaryo o sa dibdib.

Isang obstetrician-gynecologist o isang manggagamot na ang espesyalisasyon sa panggagamot at may kaugnayan sa panganganak at pagdadalangtao, ang nagpapaalaala na ang mga sasailalim ng pap smear examination ay dapat na walang regla at hindi nakipagtalik sa nalolooban ng nakalipas na 24 oras.

Para sa karagdagang impormasyon ukol sa libreng pap smear at breast examination ay maaaring tawagan sina Jenny Amante sa telepono bilang (049) 503-1472, Cora EscaƱo sa cp no. 0921-206-6932 at Wena Flores sa cp no.0919-651-8369.

Samantala, ang mga kabataang magsisipag-aral sa kolehiyo sa darating na School Year 2011-2012 ay maaaring humiling ng tulong na pinansyal para sa kanilang pag-aaral mula sa Scholarship Fund ni Congresswoman Arago na pinangangasiwaan ng Commission on Higher Education (CHED).

Ang aplikante ay dapat mag-submit sa Tanggapan ni Cong Ivy ng mga sumusunod: Certificate of Registration (photo copy in three copies); dalawang kopya ng resibo ng pagbabayad; dalawang kopya ng class record o report card; isang essay o sanaysay na may paksang “Bakit ako karapatdapat maging scholar ni Congresswoman Ivy Arago” na hindi bababa sa 300 salita o words; kopya ng pinakahuling electric bill at water bill, photo copy ng school ID; sertipikasyon ng punong barangay na ang estudyante ay sadyang karapatdapat tulungan (barangay indigency letter) at contact number ng aplikante, na ang lahat ng ito ay dapat makarating sa tanggapan ng kongresista sa o bago sumapit ang Hunyo 29, 2011.

Ipinauunawa na ang aplikante ay sasailalim ng nasusulat na pagsusulit o written examination; kakapanayamin at kukunan ng character investigation upang matiyak na hindi maaabuso o mapagsasamantalahan ang palatuntunang ito na pagtulong sa mga kabataang may talino, subalit maaaring kapus sa pang-araw-araw na gugulin sa pag-aaral. (SEVEN LAKES PRESS CORPS)

No comments: