San Pablo City - Labing-isang personahe na nakapagbigay kinang sa mga piniling larangan dito at maging sa ibang bansa ang pinarangalan bilang namumukod-tanging San Pabelño kaugnay sa pagdiriwang ng ika-68 taong pagkakatatag ng lunsod na ito noong Martes nang gabi.
Ang kanilang ambag sa lipunang ginagalawan ang naging pamantayan ng pagkakapagwagi na pinahalagahan ng mga samahang sibiko, NGO at iba pang propesyonal na pinanguluhan ni Dr. Ester Lozada ang Division of City Schools Superintendent.
Sina Mayor Vicente B. Amante at City Administrator Loreto “Amben” Amante ang naggawad ng karangalan, na sinaksihan nina Vice-Mayor Martin Ilagan, Bokal Rey Paras, mga miyembro ng Sangguniang Panlunsod, department head ng lokal na pamahalaan at mga kaanak ng mga awardee. Sumaksi rin ang mga opisyal ng DepEd.
Napili si Justice Arturo D. Brion sa larangan ng Government Service dahil bukod tanging San Pableño na nakapaglingkod sa tatlong sangay ng pamahalaan. Una na siyang naging mambabatas, kalihim ng Dept. of Labor and Employment at katatalaga lamang na associate justice ng Mataas na hukuman. Si Justice Rodrigo V. Cosico ng Court of Appeals ang sa Law and Judiciary dahil nagawa niyang mapabantog ang nag-iisang College of Law sa lunsod.
Sa Siyensiya at Teknolohiya ay naihanay ng Nobel laureate na si Dr. Rodel D. Lasco ang sarili sa mga matatalinong tao sa daigdig at sa larangan ng musika ay nagawang makapag-perform si Ester Alcantara Locson sa harap ng mga makakapangyarihang nilalang sa buong mundo. Hindi nagpahuli si Dr. Aristotle B. Alip sa larangan ng Rural Development sapagkat buhat sa kanyang kaisipan ay nabuo ang isang institusyon na mula sa San Pablo ay lumaganap dito at sa ibang bansa.
Malaki ang naiambag nina Renato A. Belen sa Agrikultura, Danilo D. Dichoso sa Engineering at Liza Danila sa Palakasan kung saan ay di mabilang na medalya ang naihandog sa lunsod buhat sa pakikipagpaligsahan sa ibayong dagat. Sa larangan ng Edukasyon ay buong pagkakaisang iginawad ang parangal kay Dr. Amelia A. Biglete na ngayo’y tumatayong CHED Regional Director sa Timog Katagalugan.
Hindi maisasantabi ang pagsisikap sa negosyo ni Plaridel de la Cruz na sa pag-angat ng kanyang produktong Collette’s Buko Pie ay kasamang umuunlad ang lunsod at lalong hindi matatawaran si G. Palermo A. Bañagale na bilang CPA ay simbolo ng integridad at katapatan. (NANI CORTEZ/Pres. Seven Lakes Press Corps)
Friday, May 9, 2008
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment