Saturday, November 8, 2008

DILG-LIGA NG MGA BARANGAY SEMINAR-WORKSHOP

Nang nakaraang buwan ng Setyembre at Oktubre ay ginanap sa One Stop Shop Processing Center ang refresher course para sa 80 barangay dito sa lunsod na ito sa pamamagitan ng DILG San Pablo City Office sa pangunguna ni City Director Herminia Arcelo.

Ang taunang seminar-workshop ay isinasagawa upang higit na matutunan ng mga barangay official ang local governance. Ito ay kadalasang ginagawa sa labas ng lunsod ngunit upang makatugon sa hinihingi ng panahon na dala ng economic crisis na dinaranas ng daigdig ay nag-isip ang pamunuan ng liga na dito na ganapin upang makatipid.

Hindi lamang katipiran ang natamo nito buhat sa pondo ng mga barangay, manapa’y napatunayang mas higit itong epektibo sapagkat halos 100% ng mga barangay official ang nakadalo sa dalawang buwang pagpupulong na ginaganap tuwing Sabado at Linggo. Bukod ditto ay nagagampanan pa ng mga chairmen ang kanilang tungkulin dahil sa nakauuwi sila sa kani-kanilang mga barangay tuwing hapon, at anumang oras ay laging on-call sa mga hindi inaasahang aberya sa kanilang mga barangay.

Ilan lamang ito sa mga pakinabang ng mga barangay na natamo na ayon kay ABC President Gener B. Amante ay naging bonus bukod pa sa kanilang natutunan sa naturang Seminar-Workshop ng DILG. Binabati natin ang DILG at ang Liga ng mga Barangay sa kanilang gawain sapagkat ang halagang kanilang natipid ay mailalaan ng mga barangay sa iba pang pangangailangan na dulot ng dinaranas nating economic crisis. (SANDY BELARMINO)

No comments: