Muling iminulat ng bagyong Ondoy ang kalubhaan ng pagkasalaula ng ating kalikasan at nakatitiyak na muling aalab ang ningas kugong pagmamalakasakit sa kapaligiran nating mga Pilipino dahil sa sinapit sa sakunang hindi sana mangyayari kug hindi nagkibit balikat lamang sa mga kampanyang isinusulong ng mga mapagmahal sa kalikasan.
Si Ondoy ay nagdala ng kakaibang istratihiya na maaaring gumising sa ating lahat, na sa halip malakas na hangin ang isinama ay ubod na lakas na buhos ng ulan ang kaakibat. Hindi ito kinaya ng ating kalbong kagubatan sa mga bundok na nagdulot ng malaking pagbaha, pumasok ang tubig sa mga guwang ng kabundukang naging sanhi ng mga landslide na kumitil ng maraming buhay.
Malawak ang idinulot nitong pinsala na marahil ay upang tuluyang gisingin ang mga tulog na diwa ng lahat, na sa kanyang kasagsagan ay pinilit ipadama maging sa mga salarin sa pagkasalaula ng kapaligiran ang kanilang kasalanan. Hindi man direktang pininsala ang mga salarin ay iniwan ni Ondoy sa mga salaulang ito ang larawang nilikha ng kanilang krimen.
Ipinarinig din ni Ondoy sa mga salaula ang mga panaghoy ng mga walang muwang na biktima na nangasawi sa baha, mga natabunan ng pagguho ng lupa at mga nadamay sa sanhi ng kaugnay na pinsala.
Bagamat ang pagkakakulong sa kanilang mga mansyon at pagkatinggal ng kanilang limosina sa hindi gumagalaw na trapiko ang direktang parusa na kanilang tinanggap buhat sa mabigat na kasalanang pagsalaula ay maituturing nang isa itong mabuting simula upang suriin nila ang kanilang mga budhi. Tagumpay ito para sa kalikasan kung mula dito ay iiral ang kanilang konsensya.
Sa panig ng pamahalaan ay iisa ang nakatitiyak ang pagkakaroon ng paghihigpit, ngunit sana naman ay hindi ito ningas-kugon lamang na hihintayin lamang na lumipas ang alaala ni Ondoy at muling sasamantalahin ang pag-i-issue ng logging at mining permit sakaling malingat na ang bayan. (nani cortez/TRIBUNE POST)
Tuesday, September 29, 2009
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment