Tuesday, July 6, 2010

PANATA NG PAGBABAGO

Paninilbihan ang pangunahing layunin ng Aquino Administration sa pagkakaluklok sa panunungkulan at hindi ang paghahari katulad ng naunang administrasyon na ikinadismaya ng taumbayan.

Ito ang mensaheng ipinaabot ni President Noynoy Aquino makaraang isalin sa kanya ang kapangyarihan bilang bagong pangulo ng Republika ng Pilipinas sa seremonyang dinaluhan ng humigit kumulang na 500,000 katao na pawang kinababanaagan ng sigla sanhi sa muling pagsilang ng pag-asa.

Bakit nga ba hindi ay sa talumpating binigkas ni P’Noy na lamang ang katapatan kaysa sa retorika ay nagbigay ito ng kasigaruhan sa taumbayan na tutugunan na ang malaon nang hinaing ng lahat sa hangaring magkaroon ng pagbabago.

Isang pagbabagong magbibigay ng kapanatagan at kapakinabangan sa higit na nakararaming mamamayan, na hindi maipatupad ng nakaraang administrasyon sapagkat nagpabihag sa maraming interes na sumasalungat dito, kung hindi man ay ang sektor din, na kanyang kinabibilangan.

Marami tayong dapat ipagpasalamat sa pagdating ni P’Noy sapagkat sa wakas ay may sumilang tayong lider na naninindigan para sa taumbayan at handang magsakripisyo alang-alang sa inilatag na pagbabago upang tayong lahat ay makaahon na sa pagtitiis.

Magiging daan din ito upang masagot ang mga malaon ng katanungang ikinukubli ng nagdaang administrasyon na madalas pang humahantong sa pagmamalabis makatiyak na walang sisingaw na impormasyon sapagkat batid nilang lubha itong ikagagalit ng taumbayan.

Sa pagdating ni P’Noy ay manangan tayong ito na ang simula upang mabigyang tuldok ang lahat nang sa ganoon ay mapawi na ang mga sagabal patungo sa tuluyan nating pag-unlad. Magtiwala tayo sa kanyang panata.

0-0-0-0-0-0-0-0-0-0-0

Minsan pang napatunayang hindi kailangan ang salapi upang matupad ang pangarap na makapaglingkod sa bayan, sa pagkakapagwagi ni Vice-Mayor Angie Yang ng San Pablo nang nakalipas na halalan.

Ang kailangan lang ay malinis ang hangarin ng isang kandidato tulad ni Vice-Mayor Angie na dahil salat sa budget ay kulang na kulang sa election parapharnelia sa panahon ng kampanya at may mga lugar pang hindi narating subalit sinuportahan pa rin ng mga San PableƱo.

Unawa naman ng mga kababayan ang katayuan ni Vice-Mayor Angie na siyang ama’t-ina ng kanyang mga anak na pawang nag-aaral pa dahil isa nga siyang biyuda, kaya nga’t sa tuwi siyang nagpapasalamat ay lagi niyang nababanggit na wala man siyang material na maibigay sa mga kababayan bilang pasasalamat ay susuklian naman niya ito ng matapat at dalisay na paglilingkod.

Asahan daw natin ayon kay Vice Angie ang maagap na talakayan sa SP ng ating nakabinbing 20% Development Fund.(NANI CORTEZ)

No comments: