Tuesday, July 6, 2010

LIWANAG

Simpleng-simple ang isinagawang inaugural address ni P’noy na ipinarating sa sambayanang Pilipino sa opisyal niyang pagsisimula bilang pangulo ng bansa.

Dito masasalamin ng bawat isang Pilipino ang laman ng kaisipan ni P’Noy na nagtataglay ng marubdob na hangaring wakasan na ang mahabang panahong ipinagtiis ni Juan de la Cruz sa kamay ng isang gobyernong naging makasarili.

Malinaw na naipabatid ni P’Noy na alam niya’t nasasaksihan ang bawat pangyayaring nagbubulid sa bayan sa bangin ng kasiphayuan na gawa ng isang lider na bingi sa mga daing ng taumbayang sumisigaw at nagsusumamo ng kalinga.

Walang naligtas sa masamang karanasang ito sapagkat katulad ng mga karaniwang Pilipino ay dinanas din ni P’Noy ang lahat, kung kaya’t matibay ang tiwalang namamayani sa bawat isa na tanaw na ang ilaw ng pagbabago.

Subalit hindi kaya ni Pnoy ang mga gawain ng nag-iisa at sa pagkakataong ito higit niyang kailangan ang sambayanan sa gagawing paglalakbay upang mapag-alab pa ang liwanag sa landasin.

Huwag tayong sumuko nang tuluyan nating makamit ang tunay na kaunlaran sa pamamagitan ni P’Noy.(TRIBUNE POST)

No comments: