Thursday, October 29, 2009

MAHIGIT 3,000 KATAO DUMALO SA SOFT BLESSING NG SPCGH

San Pablo City - Lubos na suporta ang ipinakita ng iba’t-ibang mamamayan ng Lunsod ng San Pablo sa isinagawang “soft blessing” ng isa na namang legacy ni Mayor Vicente Amante, ang San Pablo City General Hospital sa Brgy. San Jose “Malamig” nuong Oktubre 26, 2009, isang araw bago ang kaarawan ng punonglunsod.

Mahigit sa 3,000 ang dumalo at nakiisa sa pagbabasbas ng nasabing hospital na pinangunahan ni Msgr. Mel Barcenas, Mayor Vic Amante, First Lady Nercy Amante, City Admin. Loreto Amante, at iba pang mga panauhin. Kasama rin ang buong puwersa ng Pamahalaang Lunsod na pinamunuan ng lahat ng department heads at kawani. Nakiisa rin ang Sangguniang Panlunsod.

Dumalo rin ang iba’t-ibang samahan, grupo, at mga tanggapan ng lokal at nasyonal na ahensya ng pamahalaan. Nakiisa rito ang mahigit na 60 barangay chairman kasama ang lahat ng kanilang brgy. officials, lahat ng guro at mag-aaral ng DLSP, mga guro ng DepEd at may 500 senior citizens.

Dito na rin isinagawa Pagtataas ng Watawat ng pamahalaang at isang maikling programa kung saan nagkaroon ng mga natatanging bilang handog na rin sa kaarawaan ng punonlunsod. Isang tula ang inihandog na may titulong “Nobody, Nobody But You”. At isang talumpati naman ang binigkas ni Bb. Via Mare Torres ng DLSP na may titulong “Kalusugan at Karunungan Ugat ng Kaunlaran” na likha ni Gng. Milagros Alimane, isang guro ng DLSP. Naghandog rin ang mga senior citizens ng isang pinoy folk songs medley samantalang ang drum & lyre band ng Central School ay tumugtog rin ng ilang natatanging bilang.

Sa maikling mensahe ni Dr. Job Brion, City Health Officer, ang SPC Gen. Hospital ay ang tunay na kaganapan sa pangarap ni Mayor Amante na makapagbigay ng mataas na kalidad ng serbisyong medikal. Dagdag pa niya na hindi ito makikipagtunggali sa iba pang hospital sa lunsod, manapa’y ito ay karagdagang serbisyo sa pangkalahatang medical service program ng pamahalaang lunsod.

Lubos naman ang paghanga at pasasalamat ng panauhing tagapagsalita na si G. Jose Reano may-ari ng kumpanyang BroadChem Bio Pharma at isa ng “adopted son” ng lunsod kay Mayor Amante sa pagsasakatuparan ng isang pangarap na magkaroon ng sariling hospital ang mga mamamayan ng Lunsod ng San Pablo. Matagal ng natulong si G. Reano sa lunsod kung saan simula pa nuong 2005 ay mayroon na siyang 15 scholars sa DLSP na may libreng tuiton fees at monthly allowance. Ayon kay G. Reano na patuloy pa rin ang kanyang pagtulong sa punonglunsod partikular na sa bagong hospital, lalo’t higit na mas makakatulong ito sa mga mahihirap nating kababayan.

Una namang pinasalamatan ni Mayor Amante ang Panginoon sa konkretong resulta ng kanyang pangarap na magkaroon ng sariling hospital ang lahat ng mamamayan ng lunsod. Isa isang pinasalamatan ng punonglunsod ang lahat ng tumulong, mga nagbigay ng iba’t-ibang medical equipment at mga nagbahagi ng kanilang expertise sa pagbubuo ng nasabing pagamutan.

Pinasalamatan niya ang kanyang bunsong anak , si City Admin. Amben Amante na siya munang namuno at gumanap ng iba niyang mga naiwang gawain sa pagtataguyod ng pamahalaang lunsod habang isinasagawa niya ang personal supervision sa simula pa ng konsepto hanggang matapos ang pagpapatayo ng general hospital. Lubos din ang kanyang papuri sa kanyang maybahay at buong pamilya sa kanilang ibinigay na pang-unawa at pagtulong rin sa kanyang paglilingkuran.

Sa lahat ng dumalo at nakiisa ay isa ring taos-pusong pasasalamat ang kanyang ipinaabot, sa buong Sangguniang Panlunsod, kina Congresswoman Ivy Arago, kay Dr. Job Brion, sa kanyang mga medical consultants at sa iba pang sumuporta sa kanyang mga pangarap.

Binigyang diin naman ni Brgy. Chairman Arnel Ticzon at Auditor ng Liga ng Barangay, ang lubos na suporta ng Liga sa Administrasyong Amante. At sa kanilang pagtulong at pakikiisa sa patuloy na pagbibigay ng serbisyo ng punonglunsod lalo’t higit sa pagpapaunlad ng serbisyong medikal ng lunsod. (CIO-SPC)

No comments: