Nakalatag nang lahat ang kailangan sa darating na pagbubukas ng klase sa siyudad ni Pablo’y. Masasabing pinagpala pa rin tayo dahil hindi natin nararanasan ang nagdaang kalamidad sa Gitnang Luzon na sinalanta ng bagyong Cosme. Dapat nating ipagpasalamat ito sa Maykapal.
Ngayon nga ay all system go na ang DepEd at San Pablo City Hall sa isinagawang paghahanda. Sa pamamagitan ng school board ay nakumpuni na ang mga eskwelahang nangangailangan ng prayoridad, una ay ang pagkumpuni sa tumutulong bubungan ng paaralan na siyang higit na kailangan ng ating mga mag-aaral sa bayan man o sa kanayunan.
Marami ang programang inilunsad ang kapitolyo ni Pablo’y ngayong linggong ito na kahit paano ay may kaugnayan sa nalalapit na pasukan at ito’y sa kapakinabangan ng mga istudyante at mga magulang.
Ang Consumer Welfare and Protection Center (CWPC) sa pamamagitan ni G. Alfonso “Ponz” Banaag ay may pinagkaka-abalahan mula pa noong Huwebes Mayo 22, nakipagpulong sa mga NGO para mapangalagaan ang presyo ng pangunahing pangangailangan ng mga mag-aaral at kahit Linggo noong Mayo 25 ay patuloy sa pakikipag-ugnayan sa component at commitment setting.
Kaalinsabay noong Biyernes Mayo 23 ay ginanap ang kasalang bayan sa One Stop Shop Processing Center kung saan ay ilang pares ang nabiyayaan ng matrimonyo ng kasal.
Ngayong Lunes Mayo 26 at sa Martes Mayo 27 ay pa-Jobs Fair ni PESO Manager at City Administrator Amben Amante, sa pakikipagtulungan ng DOLE 4A. Ang dalawang araw na jobs fair ay naglalayong ihanap ng trabaho ang mga nagsipagtapos nang nakaraang school year.
Inaasahan na dadagsain ito ng maraming aplikante sapagkat marami sa mga employer ang nagtitiwala pa rin sa kakayanan ng mga manggagawang San Pableño.
Anupa’t lahat ng departamento ng Lokal na Pamahalaan ay abala ngayong darating na pasukan. Mahalaga ang ginagawang pag-alalay ng ating City Health Office (CHO) sa pangangalaga ng kalusugan ng mga San Pableñong mag-aaral at kabataan. Masasabing hindi nagkukulang ang kapulisan sa pangangalaga ng katahimikan para sa ikapapanatag ng mga magulang.
At muli ang higit na magiging abala ay ang Solid Waste Management Office ni Engr. Ruel Dequito sa pagsasagawa ng seminar sa mga mag-aaral tungkol sa wastong pangangasiwa ng basura sa mga eskwelahan. Lahat na ito’y kabilang sa paghahanda sa araw ng pasukan.(SANDY BELARMINO)
Saturday, May 24, 2008
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment