Saturday, April 5, 2008

PAGAMUTANG LUNSOD, PAPATAPOS NA

Ngayong papatapos na ang pagtatayo ng gusali para sa Proposed San Pablo City General Hospital sa Barangay San Jose, sa kabalantay na lote ng kampus ng Dalubhasaan ng Lunsod ng San Pablo (DLSP), napag-alamang si Dr. Ubaldo Ciabal, bilang City General Services Officer ay may patuluyang pakikipag-ugnayan sa pangasiwaan ng Pagamutang Panlalawigan ng Laguna dito sa Lunsod ng San Pablo, upang matiyak na ang mga diagnostic equiptment and paraphernalia ay iyong wala sa pagamutang pinakikilos ng pangasiwaang panlalawigan upang maging maayos at ganap ang pagtutulungan ng dalawang institusyong pangkalusugan sa paglilingkod sa mga mamamauyan.

Dapat tanggapin ang kasalukuyang Provincial Hospital sa lunsod na ito o ang dating San Pablo City District Hospital ay kulang sa mga makabagong kagamitan sa pagsusuri, tulad ng X-Ray Machine, mga Ultrasound facilities at mga katulad nito na salig sa makabagong teknolohiyang pang-elektroniko.

Napag-alaman mula kay Mayor Vicente B. Amante, na ang Proposed San Pablo City General Hospital ay magagawang self-liquidating, sapagkat ito naman ay mapagkakalooban ng accreditation ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth), kaya ang mga mahihirap na mamamayan ng lunsod na naipatala sa PhilHealth sa ilalim ng sponsored program na umaabot na sa 10,000 ay malalagay din sa payward sapagka’t sasagutan ng PhilHealth ang kabayaran sa mga pangunahing paglilingkod ng ospital.

Bahagi ng balakin ni Mayor Amante ang paglalagay ng Specialty Clinic sa naturang ospital para sa malawakang pagpapagaling sa mga dinapuan ng karamdamang diabetes, puso (cardiology), psychiatry o suliranin sa isip, pulmonology, sakit ng mga sanggol at bata, physical theraphy at orthopedic para sa nababalian ng buto.

Siyempre pa ang OB-GYN ay regular na kagawaran ng mga pagamutang panglahat, at dapat ding paghandaan ang mga paggamot sa mga malulubhang karamdaman sa bahagi ng larangan ng Nephrology o ang may kaugnayan sa pagsasagawa ng dialysis.

Sa tulong ng mga manggagamot na nasa Estados Unidos, na nagsisipagbalak ng bumalik sa Pilipinas, at maging ang maraming propesyonal na kilala sa Metro Manila, ay umaasa si Mayor Amante na ang proposed hospital ay magkakaroon ng mga specialist doctors and diplomate na magkakatulungan sa pagkakaloob ng tulong na pangkalusugan sa mga mahihirap na mamamayan. (RUBEN TANINGCO/sec. gen. 7 lakes press corps)

No comments: