Ngayon ay bahagi na ng Logo ng Lunsod ng San Pablo, ang makasaysayang hagdang bato pababa sa Lawang Sampalok ay sinimulan ang konstruksyon noong Nobyembre 1915 sa isang loteng inihandog sa mga mamamayan ni Kabesang Sixto Bautista sa pangangasiwa ni Presidente Municipal Marcial Alimario.
Ito ay nahahati sa limang seksyon at binubuo ng 89 na baytang, at batay sa isang lapidang nakalagay sa dakong kalagitnaan ng istraktura, ito ay pinsinayaan noong Enero 23, 1916.
Ang pangasiwaang municipal ng itayo hanggang sa mapasinayaan ang hagdang bato ay sina: Marcial Alimario, presidente municipal; Isidoro Alvaran, bise-presidente municipal; at Gregorio Laurel, Pedro Alcantara, Miguel De Rama, Macario Maghirang, Avelino de Guzman, Zacarias Sahagun, Ponciano Atienza, Esteban Cordez, Crispin Avanzado, Miguel Leonor, Feliciano Exconde, Francisco Sobreviñas, Marciano Brion, at Eusebio Diawatan, mga konsehales.
Servando Brion, Kalihim ng munisipyo, Telesforo Reyes, Ingat-yaman ng munisipyo at Gregorio de los Santos, Kasangguniang Arkitekto.
Ang tinamong kasiraan ng hagdang bato dahil sa may sumabog na bomba na inihulog ng U.S. Air Force sa malapit dito sa pagtatapos ng Ikalawang Digmaan, ay isinaayos noong taong 1965 sa pangangasiwa nina Alkalde Zacarias A. Ticzon at City Engineer Guillermo P. Inciong mula sa pondong ipinagkaloob ni Pangulong Diosdado Macapagal, bunga ng pakikipag-ugnayan ni Justice Undersecretary Manuel A. Concordia.
Ang kasalukuyang kaayusan ng Hagdang Bato sa Lawa, na may maayos na pailaw, at puting pintura, ay sa pangangasiwa ni Gng. Nercy Sahagun Amante, mula sa pondong kanyang napagwagian bilang tagapangulo ng Lupon sa paglahok ng Lunsod sa ANILAG FESTIVAL 2007. (Ruben E. Taningco-seven lakes press corps)
No comments:
Post a Comment