Masaya at mapayapang nairaos ang kapistahan ng Patrong si San Pablo, na may taguring Unang Ermitanyo, na hindi naging sagwil ang nakaambang krisis pananalapi sa buong daigdig. Hindi nagpaawat ang mga San Pableño sa pagpapatuloy ng tradisyong nakagisnan ng mga ninuno na nagpasalin-salin na sa mga nakaraang henerasyon at naging bahagi na ng ating kaugalian.
Ito ang dahilan kung bakit halos walang ipinagbago sa nasabing pagdiriwang maliban sa dami ng handang inihahain sa hapag ng okasyon, at may mga mangilan-ngilang hindi na naghahanda sanhi ng kani-kanilang pinaniniwalaan.
Ang pinaka-magandang pangyayari ay ang pagkamulat ng karamihan sa mga itinuro ng mga kastilang una nang nanakop sa atin. Nawala na ang todo-todong handa na ang ginastos ay buhat sa pagkaka-utang. Natuto na ang mga San Pableño na maghanda lamang ayon sa kanilang kakayanan. Nagawa nilang sumuway sa mga maling ebanghelyo na turo ng mga paring kastila na sapagkat pista ay kinakailangang pasiklaban ng mga material na bagay ang mahal na patron.
Sa tuwing sasapit ang ganitong panahon ay hindi maiaalis sa ating isipan na papaghambingin ang lumipas at ang kasalukuyan. Ang pagdiriwang noon ay nakasentro lamang sa bisperas at mismong araw ng kapistahan na bagama’t hindi nawawala ang panooring karnabal sa Central School grounds na pinagdarayo lamang ng mga tao sa mga nasabing araw.
Noon ay hindi mahulugang karayom ika nga sa dami ng taong namimili sa sedera sa plaza tuwing araw ng piyesta, sapagka;t ang sedera noon ang pinaglalaanan ng mga natipong aginaldo nang nakalipas na pasko ng mga bata. Patok sa mga bata ang mga laruang mapagpipilian.
Medyo lumipas kung baga ang karnabal sanhi na rin marahil sa kakulangan ng espasyong pagtatayuan bukod pa sa pagdating ng mga makabagong imbesyon na mapaglilibangan ng mga tao told ng vcd tapes at iba pang kahalintulad na elektronikong mga bagay.
Umunti din ang mga taong nandarayuhan para makipamiyesta sa taas ng pamasahe. Hindi na kasing dami ng tao noon ang mga nagiging panauhin sa ngayon dahil sa kanilang hanapbuhay na maaaring nasa sektor komersyal o industrial dito o sa labas ng lunsod, at hindi katulad noong nakatuon lamang sa trabahong bukid na pwedeng iwan sumandali upang makapamiyesta.
Magkaganoon man ay may iisang hindi nagbabago – ang debosyon ng mga tagarito sa mahal na Patrong San Pablo, na sa paglipas ng panahon ay hindi man lamang kumupas. Pinatutunayan ito ng ilang magkakasunod ng Banal na Misa na kung baga sa isang pagtatanghal ay masasabing All Seats Taken o Standing Room Only, sa dami nang sa Kanya’y namamanata. (SANDY BELARMINO)
Monday, January 19, 2009
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment