Friday, June 6, 2008

SEMINAR/WORKSHOP NG CSWMO, SISIMULAN NA



San Pablo City – Nakahanay na ang isinusulong na seminar workshop sa mga paaralan, tanggapan at mga barangay ng City Solid Waste Management Office (CSWMO) hinggil sa probisyon ng RA 9003 (Solid Waste Management Act) ngayong buwan ng Hunyo kaalinsabay ng pagbubukas ng klase.

Ayon kay Engr. Ruel Dequito, San Pablo CSWMO Chief, ay tatalakayin sa nasabing seminar ang tamang pamamaraan ng segregasyon ng basura buhat sa pinagmumulan nito para sa wastong pangangasiwa at ang paglalagay ng material recovery facility (MRF) sa bawat barangay at paaralan.

Bago ang workshop ay una nang nagkaroon ang City Hall Compound at San Pablo City Shopping Mall ng naturang seminar para sa MRF..

Sa kasalukuyan ay nagsasanay na ang mga tauhan ng CSWMO upang maging bahagi ng binubuong SWM Task Force na magpapatupad ng batas na itinatagubilin ng RA 9003.

Nagbabala si Dequito na buong higpit nilang ipatutupad ang batas laban sa pagkakalat ng basura para sa kalinisan ng lunsod, katunayan ay naghanda na ang kanyang tanggapan ng alituntuning ipasusunod upang ganap na maging tagumpay ang nasabing proyekto. (NANI CORTEZ/SANDY BELARMINO)

No comments: