Saturday, June 7, 2008

KOOPERATIBA SA BUHAY NG TAO

Sa mga pagkakataong katulad ng dinaranas natin sa kasalukuyan na masasabing imposible ang magplano ng pangmatagalan ay makikita ang kahalagahan ng kooperatiba sapagkat ito ay nakapagpapagaan ng mabigat na dalahing pinansyal ng isang indibidwal.

Hango sa konseptong pagtutulungan na kawangis ng ating nakagisnang bayanihan, ang kooperatiba ay nabubuo sa pamamagitan ng pagsasama-sama ng mumunting puhunan ng bawat miyembro na ang layunin ay umalalay sa mga kasaping mangangailangan sa hinaharap. Kadalasan ang kooperatiba ay binubuo ng mga naglilingkod sa isang tanggapan, mga magkakapit-bahay sa barangay at mga nininirahan sa isang pamayanan na karaniwang magkakakilala.

Lumalakas ang pundasyon nito sa lakas ng pagkakaisa dahil kung baga ay isa para sa lahat at lahat para sa isa ang ipinaiiral na patakaran. Maihahalintulad rin ito sa walis na binigkis buhat sa mga maliliit na tingting, sapagkat kung magsisimula ang bawat miyembro sa maliit na sapi, ito ay lumalaki depende sa dami ng miyembro.

Marami pa rin sa ngayon ang hindi nakakaunawa kung ano ang kooperatiba at paano ito nakakatulong sa kanyang miyembro?!

Ang pinakamalapit na paglalarawan ay ganito. Mayroon ka halimbawang P500 at nais mong pumasok sa larangan ng negosyo. Pwede rin ang P500 ay simulang puhunan ngunit wala masyadong mararating dahil maliit lang bilang puhunan. Sa isang banda ay marami kang kaibigan, kakilala at kapitbahay na nagtitiwala kung magtatatag ka ng kooperatiba na may kakayanang maglagak ng tig- P500.

Ano pa’t kung sampu ang sasapi ay may pondo na kayong P5,000, 100 miyembro ay P50,000, so paano pa kung 1,000- maliwanag na P500,000. ito ay sa paraang nagkaisa lang kayo at nagtiwala sa isa’t-isa sa pagbuo ng isang kooperatiba. Depende sa binuong alituntunin ay posibleng magkaroon ka ng puhunang mas malaki sa orihinal mong P500. Kung ikaw ay uutang ng puhunan, Credit Cooperative ang tawag dito.

Upang lumago ang kooperatiba ay may tubo siyempre ang bawa’t pautang at dapat magpasaklaw sa mga umiiral na batas ng republika na nakasasakop sa mga kooperatiba.

Saan mang panig ng bansa ay may kooperatiba sapagka’t marami ang nakababatid ng katotohanang hindi lahat ng suliraning pinansyal ng mga tao ay kayang tugunan ng pamahalaan. Isa ito sa dahilan kung bakit patuloy ito sa paglago. Ang iba ay nagsimulang maliit ang puhunan ngunit sa pagdaan ng panahon ay naging multi-milyonaryo dahil sa pagtutulong-tulong ng mga miyembro.

Ang pagbibigkis-bigkis na ito ng taumbayan ay likas na sa ugaling Pinoy sa pagkamasinop, kaya naman ang kooperatiba ang isinusulong ng pamahalaan na may kaakibat na pag-alalay. (SANDY BELARMINO/vp-7 Lakes Press Corps)

No comments: