Saturday, June 7, 2008

IKA-32 FOUNDATION DAY NG PAROLE AND PROBATION ADMINISTRATION

IKA-32 FOUNDATION DAY
NG PAROLE AND PROBATION ADMINISTRATION

SAN PABLO CITY – Tulad ng sa mga nakalipas na taon, ang pagdiriwang ng ika-32 anibersaryo ng pagkakatatag ng Parole and Probation Administration dito sa ika-3 Distrito ng Laguna ay itutuon sa pakikipagtulungan sa pangangalaga ng kapaligiran sang-ayon kay City Supervising Probation Officer Yolanda B. Deangkinay.

Muli, ang mga pinuno ng Cily Probation Office, kasama ang mga probationer o nasa subok-laya, at parolado na naninilrahan sa lunsod na ito, at sa mga Munisipyo ng Alaminos, Rizal, at Nagcarlan, ay magtatanim ng puno sa kahabaan ng CALABARZON Road sa Alaminos, at sa kanilang palagiang lugar sa Malabanban Watershed sa Barangay Santo Angel.

Sa Alaminos, ay huhulipan o papalitan ang mga natuyong puno na kanilang itinanim sa mga nakalipas na taon at sa gawi ng Malabanban ay pagpapalawak ng taniman. Nakakagalak mabatid na ang mga punong itinanim noong Hulyo ng 2001 ay malalaki na at maipalalagay na malaki na ang naitutulong para mapangasiwaan ng katatagan ng panustos na tubig para sa kalunsuran, pag-uulat ni Bb. Yolie Deangkinay, ang kinilalang pinakanamumukod na parole and probation officer sa Katimugang Tagalog para sa Taong 2007.

Ang Probation Administration, na isang kawanihan sa ilalim ng Kagawaran ng Katarungan ay natatag sa bisa ng Presidential Decree No. 968, na lalong kilala sa katawagang Probation Law of 1976, na pinagtibay ni Pangulong Ferdinand E. Marcos noong Hulyo 24, 1976. Matatandaan na noong 1987 ay nasama na sa kanilang pangangalaga ang mga parolado o pinagkalooban ng conditional pardon ng Pangulo ng Bansa, matapos na ang dekreto ay masusugan ng Executive Order No. 292 na pinagtibay naman ni Pangulong Corazon C. Aquino noong Hulyo 25, 1987,

Ang mga sumasailalim ng subok-laya ay ang mga nahatulan ng hukuman sa unang pagkakataon ng kaparusahang pagkabilanggo na hindi hihigit sa anim (6) taon. Gayon pa man, nabanggit ni Bb. Deangkinay na may mga nahahatulan sa paglabag ng ilang umiiral na batas ang hindi ipinahihintulot na mapagkalooban ng kaluwagan sa ilalim ng Parole and Probation Law, tulad ng mga napaparusahan sa paglabag ng Anti-Electricity and Electric Transmission Lines/Materials Pilferage Act of 1994 o Batas Republika Bilang 7832, sapagka;t ang pagnanakaw ng mga kagamitan sa mga linya ng kuryente ay ipinalalagay na economic sabotage o pagsabotahe sa kabuhayang pambansa. (RET/7LPC)




No comments: