Tuesday, June 3, 2008

OPERATION BLUE LIGHT, BUBUHAYIN

Bahagi ng security plan, ay muling ipatutupad ng pamahalaang panlalawigan ang operation blue light upang maiwasan ang paglala ng kreminalidad na sanhi ng iba’t-ibang kadahilanan sa apat na sulok ng lalawigan.

Una rito ay pinapurihan ni Gob. Teresita S. Lazaro ang Laguna Provincial Police Office (LPPO) sa pangunguna ni Provincial Director P/S Supt. Felipe Rojas Jr. sa maagang pagka-resolba ng RCBC robbery hold-up case kung saan 10 katao ang nasawi at Hurnalan massacre na ikinamatay ng walo at ikinasugat ng 6 na katao.

Sa pulong na ipinatawag ng gobernador sa kapitolyo dito na dinaluhan nina PD Rojas, BM Reynaldo Paras, Valentin Guidote ng Peace and Order Council at lahat ng hepe ng kapulisan ng bawat bayan ng lalawigan ay napagkasunduang muling buhayin ang pagpapatupad ng paglalagay ng mga pulis sa mga chokepoints ng lalawigan.

Nakapa-ilalim sa nasabing istratihiya ang pagtatag ng combined forces na bubuuin ng pulisya, military, BPSO, mga samahang sibiko at NGO, at mga Lagunenseng nagmamahal sa katahimikan ng probinsya, na siyang gaganap na mga law enforcers sa itatayong himpilan ng blue light outpost sa mga istratihikong lugar.

Nagpahayag na ang business sector ng pakikiisa sa gawain sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga sasakyan at iba pang gamit pang-komunikasyon. (NANI CORTEZ)

No comments: