Si Ruben E. Taningco habang masayang tinatanggap ang isa sa mga parangal at gawad na natamo sa kanyang halos 40 taong paglilingkuran bilang isang mamamahayag.
Sa maraming gawad at mga parangal na tinanggap na ni Hometown Journalist Ruben E. Taningco, kasama na ang pagiging isa sa sampung (10) indibidwal na tumanggap ng Gintong Gawad nang ipagdiwang ng Surian ng Wikang Pambansa o Institute of National Language noong Agosto 19, 1987 ang kanilang ika-50 Anibersaryo ng Pagkakatatag, at napabilang rin siya sa pinarangalan bilang One of the Ten Most Outstanding San Pableño nang gunitaan ng Lunsod ng San Pablo ang ika-50 Taon ng Karta nito noong Mayo 7, 1990 sa pamamatnugot ni Alkalde Zacarias A. Ticzon. Siya ay napasama rin sa 50 San Pableño na pinagkalooban ng Gawad ng Pagpapahalaga ng San Pablo City Red Cross Chapter ang kanilang gunitain ang ika-50 Anibersaryo ng Pagkakatatag bilang isang nagsasariling balangay o Red Cross Chapter, ay lubos niyang minamahalaga ang Gawad Gintong Tambuli, na tinataguriang Lifetime Achievement Award, na ipinagkaloob sa kanya ni late Professor Hipolito B. Aycardo, na Regional Director noon ng Department of Science and Technology-Region IV, ng gunitain ng nabanggit na tanggapan ang kanilang ika-tatlong dekada ng paglilingkod sa Katimugang Tagalog noong Nobyembre ng Taong 2000.
Ang tambuli, sang-ayon sa kasaysayan ay isang katutubong instrumento para sa dagliang paghiling ng tulong, at sa panahon ng kapanatagan ay isang paraan ng pagtawag ng pansin ng lahat para gumawa ng isang bagay para sa kagalingan ng nakararami sa pamayanan. Naniniwala si Taningco, na siya ay naging instrumento upang makilala sa Lunsod ng San Pablo, at mga kanugnog na munisipyo, ang mga gawain ng Field Office ng National Science Development Board (NSDB) na binuksan noong Marso ng 1968., upang mabuksan ang marami na gamitin ang mga impormasyon sa bunga ng mga pananaliksik sa larangan ng siyensya at teknolohiya sa paggawa ng mga artikulo ng kalakalan, na naging sandigan ng kabuhayan at pamumuhay ng ilang indibidwal sa Katimugang Tagalog simula noon. Ang gawad ay pagpapaalaala kay Taningco na siya ay 32 taon ng isang kusangloob na tumutulong sa pagpapasigla ng mga disiplina sa siyensya at teknolohiya, na tulad ng isang tambuli, na habang naluluma ay lalong umaayos at nagiging maganda ang tunog nito.
Ang malasakit ni Taningco sa pagsusulong ng technology transfer program ay pinasigla noong Dekada Otsenta, sapagka’t noon, ang mga gawain ng National Science and Technology Authority ay sinusuportahan ng Small Business Advisory Council (SBAC) na pinakikilos noon ni Engr. Malou P. Orijola, at ng National Cottage Industry Development Authority (NACIDA) sa ilalim ng Department of Trade and Industry, kaya naging malawakan siyang nagagamit sa pagpapalawak ng kamalayan tungkol sa mga industriyang pantahanan na salig sa siyensya, na pinahahalagahan din noon ni Alkalde Cesar P. Dizon kaya siya ay naging malaya sa pagkakaloob ng suportang pangkumunikasyon sa mga gawaing ito. Ang kanyang pagsusulat sa mga pahayagang lokal, at pagbobrodkas ay nakahikayat sa marami na pagyamanin ang industriyang pangtahanan sa mga kanayunan. (Sandy Belarmino/7LPC)
Sunday, April 6, 2008
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment