Wednesday, April 9, 2008

NAMUMUKOD NA PAROLE AND PROBATION OFFICE

San Pablo City – Alang-alang sa ipinakitang natatanging paglilingkod, sapagkat ito’y nalalakipan ng integridad, dedikasyon at matapat na pagmamalasakit sa mga nasa subok-laya at mga bilanggong napagkalooban ng kapatawaran ng Tanggapan ng Pangulo, upang sila ay magabayang maibalik sa pagiging mabubuti at katanggap-tanggap na kagawad ng lipunan, si Bb. Yolanda B. Deangkinay ay kinilalang “Most Outstanding Probation and Parole Officer for Calendar Year 2007” ng Parole and Probation Administration, isang sangay ng Kagawaran ng Katarungan. Ang gawad ay nilagdaan at ipinagkaloob ni Justice Ismael Heradura bilang National Administrator ng Parole and Probation Adminstration.

Ang San Pablo City Parole and Probation Office na kanyang pinamamatnugutan ay kinilalang “Model Probation and Parole Office” para sa katimugang Tagalog na nilagdaan at ipinagkaloob ni PPA-Region IV Director Corazon “Baby” Ocampo.

Ang San Pablo City Parole and Probation Office ang may pananagutang gumabay sa mga nahatulan ng hukumang pinagkalooban ng subok-laya o kaluwagang makapanirahan sa piling ng kanilang pamilya sa pasubaling sila ay regular na makikipag-ugnayan sa pinakamalapit o nakasasakop na Probation Office, at mga bilanggong napagkalooban ng patawad ng Tanggapan ng Pangulo, na naninirahan dito sa Lunsod ng San Pablo, at mga Munisipyo ng Alaminos, Rizal at Nagcarlan.(7 Lakes Press Corps)

No comments: