Tuesday, April 8, 2008

PROGRAMA NG SAN PABLO PNP, EPEKTIBO



San Pablo City - Puspusan ang kampanyang ginagawa ng kapulisan sa lunsod na ito laban sa kriminalidd at iba pang illegal na gawain dahilan upang bumaba ang crime index dito.

Ang patuloy na programang ipinatutupad ni P/ Supt Joel Pernito kaugnay sa barangay visitation ay nakapag-ambag ng malaki sa kampanya sapagkat natamo nito ang layuning makuha ang koordinasyon ng bawat opisyal at residente ng mga barangay. Naging mabisang sandata rin ang naturang programa sa paglikha ng kaisahang pagkilos laban sa krimen.

Ngayong unang quarter ng taon ay naitala ng San Pablo CPS ang pinaka-mahusay na performance sa buong lalawigan, sa pagkaka-aresto ng maraming pusher at user ng illegal na gamot sa tulong ng mga opisyal ng barangay. Sanhi nito ay nagpanukala si COP Pernito sa pagpapatupad ng BADA (Barangay Anti-Drug Abuse) sa lunsod upang higit pang mapasigla ang kampanya laban sa krimen.

Sakop ng programang isinusulong ni Hepe Pernito ang information campaign tungkol sa mga “modus Operandi” ng mga masasamang elemento ng lipunan tulad ng laglag barya, fake gold ring, tutok kalawit, dugo-dugo, budol-budol at iba pang panlilinlang sa taumbayan. Ipinaaalam ng pulisya kung ano at paano ito maiiwasan.

Kaugnay ng mga nabanggit ay naglagay ang San Pablo PNP ng hotline na matatawagan para sa kaukulang reklamo ng mga mamamayan. POLICE HOTLINE (049) 562-6474; 0928-2037634. (NANI CORTEZ)


No comments: