Monday, April 7, 2008

PROYEKTONG PANGKABUHAYAN PRAYORIDAD NI MAYOR VIC

San Pablo City - “Sa panahon ng kahirapan, marapat lamang na higit na bigyang pansin ang pangkabuhayan ng lahat ng mamamayan upang maiangat ang ekonomiya ng Lungsod ng San Pablo”, ani ni Punonglunsod Vicente B. Amante noong nakaraang Linggo. Kung kaya’t sa taong 2008, isinusulong ng alkalde ang mga programa at proyektong pangkabuhayan.

Ayon kay Mayor Amante, pinag-aaralan ng kanyang administrasyon ang pagsasagawa ng diversion road nang sa ganoon ay maisaayos at mapalawak ang kalakalan sa lunsod. Binigyang diin din ng Ama ng Lungsod ng San Pablo ang pagdidisiplina sa mga drivers partikular ang mga nagmamaneho ng tricycle upang maibsan ang trapiko, makaiwas sa aksidente at mga hindi inaasahang pangyayari.

Binanggit din ni Amante na sa taong kasalukuyan, palalawakin ang turismo sapagkat malaki ang kanyang paniniwala na ang lunsod ay isang tourist destinaion. Aayusin at pagagandahin ang pitong lawak, una ang Sampaloc Lake. Patuloy sa pakikipag-unayan si Mayor Amante sa iba’t-ibang ahensya na makatutulong sa lunsod ukol sa rehabilitation ng lawa at relocation ng mga nakatira sa paligid nito. Dugtong pa ng punonglunsod na may pauna ng pledge na nagkakahalagang Php 3,000,000.00 mula kay Senadora Loren Legarda para sa proyekto.

Nakikipag-ugnayan din siya sa Pamahalaang Panlalawigan at sa iba’t-ibang tanggapan para sa pag-papaunlad ng turismo ng lunsod.

Sa pagpapatuloy ni Mayor Amante, inaasahang magiging maganda ang ekonomiya ng lunsod at lalo pang uunlad sa darating na panahon. (Jonathan Aningalan)

No comments: