Sunday, January 3, 2010

PAGBANGON

Sasalubong ang mga Pinoy sa papasok na bagong taon sa sitwasyong ang lahat ay nasa pinakamababang antas na kalagayan sanhi ng mga nagdaang krisis ekonomiko na gumimbal sa buong mundo at mga kalamidad na sumubok sa ating katatagan.

Ang naranasan ng mga Pinoy ng nagdaang 2009 ay maituturing na labis na pasakit at masasabing sobrang parusa subalit para sa isang dakilang lahi na hindi marunong magpalupig ay nakangiti pa ring sumasalubong sa mga pagsubok na dala ng papasok na 2010.

Tulad ng mga Instsik na itinuring na magandang pagkakataon ang bawat trahedya upang magbangon, ang mga Pinoy ay pinagyayaman ang panahon ng kawalan para sa isang bagong simula sabihin mang hindi makatwiran ang paghahambing sapakat hindi lubusang sumuko ang mga Pinoy sa mga krisis at mga nagdaang kalamidad.

Nakangiti at nananatiling nakatayo ay hindi naman maikakailang nasa ilalim tayo ng pinakamababang kalagayan na lubhang kalunos-lunos, na pinatutunayan ng isang nagdudumilat na katotohanan na nangangailangan ng agarang pagkilos.

Positibo nating harapin ang mga suliraning maiiwan ng nagdaang taon, magtulong-tulong upang pagaanin ang mga gawain tungo sa pagkakaroon ng kagyat na solusyon upang mas maaga tayong makaahon sa ating kinasadlakan, at muli nating patunayan ang husay ng lahing kayumanggi sa pagsapit ng 2010. (TRIBUNE POST)

No comments: