Hindi na sana papatulan ng pitak na ito ang isyu ng sedera sa kabila ng maraming paghimok na isulat ko ang balita sa likod ng isyung ito sapagkat medyo naka-disappoint na malaman ang katotohanang nakapaloob dito tulad ng natuklasan natin nang nakalipas na taon, kung saan nasangkot ang Sangguniang Panlunsod.
Masakit ang katotohanang natuklasan natin noon, na para lubusang maintindihan ng madlang tagasubaybay ng Sandstone ay ating sariwain.
Ganito ring panahon nang magtayo ng sedera sa plaza ng lunsod na mahigpit na tinutulan nina Vice Mayor Martin Ilagan at yumaong Kon. Danny Yang (D.Y.). Pinapurihan pa ang dalawa ng ating parish priest dahil sa pagpipilit na malipat ang nasabing sedera sa Doña Leonila Park sa gawi ng Sampaloc Lake, lalo pa ng ito ay maisakatuparan.
Ang problema ay ilang araw lang ay muling napabalik ang sedera sa plaza na ipinag-ngitngit ng nag-iisa nang si D.Y.. Naiwan ang konsehal sa pakikipaglaban na nagresulta sa isang privilege speech, na susundan pa sana ng isa pa upang ibigay ang detalye ngunit sa manipulasyon ng presiding officer ay nagawang hindi mabigkas.
Bilang isang mediaman ay nagsagawa ako ng sariling pagsisiyasat upang mabatid ang dalisay na katotohanan, na sa tiyaga ay atin namang natuklasan sa pamamagitan ng pagtatatagni-tagni sa mga text messages at video na tumambad sa atin.
Malinaw pa sa sikat ng araw na nagkasuhulan upang mabalik ang sedera sa plaza ng lunsod, katunayan ay dalawang ulit nanghingi sa operator ang mga sangkot sa usapin. At ang transaksyon ay nangyari sa isang bookstore na pag-aari ng nasangkot.
Ngayon ay para sa higit na ikalilinaw ay dapat ninyong mabatid ang mga hindi tumanggap ng pera sa sedera. Tahasan kung masasabi na hindi tumanggap sina Kon. Pamboy, Kon. Gener, Kon. Dante, SK Tintin at Kon.D.Y. Nagpatuloy ng pakikipaglaban si Kon. D.Y at isa ito sa mga angulong tinitingnan ng pulisya bilang motibo sa pagkakapaslang sa kanya.
Kung nalinaw natin ang mga hindi tumanggap ay dapat din nating alamin kung sino-sino naman ang nagsitanggap subalit baka ngayo’y naglilinis-linisan na. Para sa karagdagan linaw ay makakabuting tanungin natin ang SP ng San Pablo City. tanungin natin sina Kon. Chad Pavico, Kon. Jojo Biglete at Vice-Mayor Martin Ilagan, at baka may nalalaman sila sa mga bagay na ito. (SANDY BELARMINO)
Sunday, January 3, 2010
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment